FAST POST #12: Jessica Sanchez At Ang Patuloy Na Malawakang Diskriminasyon Sa Amerika

Maraming Pilipino ngayon, dito man sa Pilipinas o sa ibayong dagat, ay lantaran ang suporta para sa 16-year-old na si Jessica Sanchez na posibleng tanghaling ika-11 kampiyon ng “American Idol”. Maraming nagsasabi na malaki ang tsansa niyang mapanalunan ang titulo dahil sa simpatiyang nakuha nito sa kalakaran ng programa.

Napanood ko kanina sa isang panayam sa TV Patrol, sinabi ni Arnel Pineda na pinag-iingat niya si Jessica sa posibleng diskriminasyong kanyang maranasan habang siya ay nasa entablado ng kasikatan. Matatandaang naging frontman ng bandang Journey sa Arnel at hindi basta-basta ang ganoong komento mula sa isang Pilipinong minsang tumuntong sa industriya ng entertainment sa Amerika.

Ang diskriminasyon sa Estados Unidos ay tila kasintanda na ng kasaysayan ng bansang ito. Unang dinanas ng mga African-American na sinundan ng mga Asyano (kasama ang mga Pilipino) ang ganitong klaseng pagturing ng iilang mga Amerikano sa mga tulad nilang kaiba ang kulay. Resulta ito ng mentalidad na mataas ang tingin sa kanilang lahi at ang tingin nila sa ibang lahi ay mas mababa sa kanila. Naging isyu ito na umabot sa pandaigdigang pagtalakay at patuloy na nireresolba ng mga ahensiyang tulad ng United Nations.

Taglay ni Jessica ang katangian ng isang Idol, pero kung matalo man siya’y hindi na ito kaduda-duda. Ang resulta bukas ng umaga ang magpapatunay kung tanggap na ng Amerika ang pagtuntong ng isang Asyano o ng isang Pilipina sa pedestal ng mga sikat na mang-aawit ng kanilang bansa. Si Jessica ay isa nang idol sa puso ng marami, Pinoy man o hindi. May diskriminasyon man o wala, pinapatunayan ng isang tulad ni Jessica na kahit anuman ang lahi mo at kulay mo, hindi namimili ang Diyos ng pagbibigyan ng talento.

Lahat tayo ay Kanyang nilikha at lahat tayo ay biniyayaan ng ganitong mga kakayahan dahil pantay-pantay tayong lahat sa Kanyang paningin.

FAST POST #11: David Laban Kay Goliath Para Sa Karangalan Ng Mga Isla At Ng Karagatan

Hinihiwalay ko ang mga kaibigan kong Tsino sa kung anumang mababanggit ko ukol sa paksang ito.

West Philippine Sea. Kalayaan Group of Islands. Panatag Shoal.

Mula nang mag-umpisa ang petisyon ng Pilipinas sa karapatan ukol sa teritoryo ay tila nagsimula na rin ang pagbangga natin sa sinasabing susunod na superpower ng daigdig, ang China. Sinasabi ng magkabilang kampo na madadaan sa diplomasya at ligal na pamamaraan ang pagtatalo ng dalawang bansa sa pagpapalit ng pangalan ng South China Sea bilang West Philippine Sea at ang pag-angkin sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag Shoal. Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa dahil noon pa ma’y nagtatalo sila sa pagmamay-ari ng Spratly Islands na tinatawag nating Kalayaan Group of Islands. ( na unang tinalakay dito sa Aurora Metropolis – Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China )

Kung titingnan ang mapa ng Asya Pasipiko, ang lahat ng pinag-aagawang isla ay napakalapit sa baybayin ng Pilipinas. Maging ang South China Sea ay nakatapat nang buo sa ating bansa. Sa kabila nito, iginigiit ng China na sa kanila ang lahat ng islang sakop ng South China Sea.ay sakop ng China, at may nagsabing maging ang Pilipinas ay teritoryo ng China. Kung susuriin ang International Treaty on the Law of the Seas (ITLOS), ang mga islang pinag-aagawan tulad ng Panatag Shoal at karamihan sa mga isla ng Kalayaan Group of Islands ay nasasakop ng soberenya ng Pilipinas, samantalang ang China ay mahigit 500 NM (nautical miles) ang layo sa mga islang ito. Pero ang basehan ng China ay ang kanilang kasaysayan at ang kasaysayang ito ay patuloy nilang tinuturo sa kanilang mga eskuwelahan.

Dahil sa gusot na ito’y pinagbabawalan na ng pamahalaan ng China ang pagpunta ng kanilang mga mamamayan sa ating bansa at pagharang ng mga produkto ng Pilipinas na papasok sa kanilang bansa. Malaking dagok ito sa export industry natin dahil isa sa mga malalaking market ng Pilipinas ay ang China. Naramdaman din agad ang epekto nito sa ating turismo, lalo na sa Boracay kung saan maraming Tsino ang bumibisita rito buwan-buwan.

Tunay na isa ngang David vs. Goliath ang nangyayaring stand-off na ito ng Pilipinas at China. Oo. Tayo ang pinakaapektado sa hidwaang ito dahil ang kinakalaban natin ay isang dragong unti-unting gumagalaw at maaaring kumontrol sa ekonomiya ng mundo sa hinaharap. Sa kabila ng pagiging superpower, tila naninigurado ito sa pagpapalaki ng kanyang teritoryo upang maging lubos ang kapangyarihan na pati ang maliit na islang tulad ng Panatag Shoal at ang Kalayaan Group of Islands ay kanyang inaangkin. Maaaring sa kasaysayan ay kinilala ang sinasabing pagmamay-ari ng China sa South China Sea, pero sa modernong panahon, panahon na upang ipakita sa mundo kung anong bansa talaga ang nakakasakop sa karagatang ito.

Ginagamit ng China ang kanyang lakas upang gipitin tayo, pero sa palagay ko, hindi ito dapat maging hadlang sa atin dahil hindi lang sila ang bansang nakikinabang sa ating pinagmamalaking produkto’t maipagmamalaking mga kakayahan. Marahil ay kaya nilang maapektuhan ang ating turismo at ekonomiya, pero sa palagay ko, mas marami pang bansa ang nagtitiwala’t sumusuporta sa atin. Oo. Tayo si David na bumabangga kay Goliath para sa karangalan ng mga isla at ng karagatan. Tayo ang sumusunod sa diplomasya at ligal na pamamaraan kaya wala tayong dapat ikapangamba sa ating mga hakbangin.

Oo. Tayo si David. At dahil tayo ang nasa tama, darating ang panahon na tayo ang mananaig. Walang maliit na hindi nakakapuwing. Tandaan nila yan.

FAST POST #10: Ang Pagbabalik Ng Otso Pesos Na Pamasahe Sa Jeep… GRANTED!

Kahapon lang ay ilathala ko ang naging pananaw ko sa hindi pagsusukli ng 50 sentimos ng ilang jeepney drivers kapag ang binabayad mo ay hindi sakto sa PHP 8.50.

Kanina lamang ay ibinalita sa TV Patrol ang binabang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa PHP 8.00 ang regular na pasahe sa jeep (sa unang 4 na kilometro ng biyahe) sa Metro Manila simula bukas, May 15, 2012. Resulta ito nang unti-unting rollback na ilang petroleum companies sa presyo ng gasolina.

Hindi maikakailang natuwa ang maraming mananakay sa balitang ito. Hindi rin maiiwasang umalma ang ilang jeepney groups, ngunit meron ding mga grupong sumuporta sa fare rollback dahil sa pakikisama ng pamahalaang Aquino sa programang makakapagpagaan sa bigat na nararanasan ng mga jeepney driver at operator sa tuwing nagtataas ng presyo ang gasolina.

Ang unang reaksyon ko nang marinig ko ang balitang ito: “Mabuti naman. Abusado kasi ang iba sa kanila kapag nanunukli.”

Sa ngayon, tayong mga pasahero ay hindi na muna masyadong mamomroblema sa 50 sentimos. Ipunin muna natin ang mga 25 sentimos sa alkansya para sakaling bumalik sa PHP 8.50 ang pasahe sa jeep (Sabi kasi ng LTFRB na ibabalik nila sa PHP 8.50 ang jeepney fare kapag tumuntong uli sa P48.00 pataas ang kada litro ng gasolina) ay meron na tayong ipapambayad… at para may ipansukli na rin ang mga driver.

PAALALA: Kung may driver na aalma sa pagbalik ng pasahe, kunin ninyo ang plate number at ibigay sa awtoridad (LTO, LTFRB, local traffic personnel) . National government na mismo ang nagsabi kaysa nasa sa inyo ang karapatan. Huwag hayaang maabuso laban sa inyong karapatan.