“… Pero masakit mang isipin, darating ang panahon na sila’y mawawala sa amin. Tulad ng mga tao, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili. Higit sila sa pagiging kaibigan. Hindi man sila nakakapagsalita ay pinapakita nila sa kani-kanilang paraan kung gaano ka nila kamahal, kung gaano sila nag-aalala at kung gaano ka nila ituring na mahalaga sa buhay nila.” – Ang Pakiramdam Ng Namatayan Ng Isang “Kaibigan” (Aurora Metropolis, Enero 04, 2012)
Nitong Sabado lamang, April 14, 2012 sa kabila ng saya ng aking puso sa matagumpay naming pagsasagawa ng 2012 IYF World Camp Philippines ay gumimbal sa aking pag-uwi ang isang masamang balita. May nakatirik na kandila sa dulong bahagi ng aming bahay. Pagkakita ko nito mula sa hagdanan paakyat ng aming tahanan ay kinabahan na ako. Sa pagpasok ko ng aming pintuan ay agad na nagsalita ang nanay ko: “Wala na.” Agad na sinundan ng tatay ko ang sinabi niya. “Namatay na si Bunny. Nilagay ko na dyan sa may kahon ng sapatos” Hindi agad lumabas ang totoo kong reaksyon dahil sa sobrang pagod kaya’t lumapit ako sa kung saan nakatirik ang kandila, katabi ang isang shoebox. Dinama ko ang labas ng kahon, pilit na kinarga pero mabigat. Hindi ko alam kung talagang mabigat ba yun o talagang nakaramdam agad ng panlulumo ang aking katawan sa katotohanang ang aking alagang kuneho, ang pinakabatang miyembro ng aming pamilya, ay wala na sa amin.
*Ipinangako kong hindi na iiyak dahil dito, pero habang tinitipa ng aking mga daliri ang laman ng aking puso’y hindi ko mapigilang maluha. Ipagpaumanhin ninyo ang pagiging emosyonal ko.*
“Ang hayop at tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.”
Enero 01, 2009. Umaga. Dinala ko sa aming bahay ang isang kunehong kasinlaki lang ng aking kamao. Napaka-cute at napakasigla. Pinangalanan ko siyang BOA (hango sa pangalan ng aking unang account sa call center na Bank Of America) Sa kabila ng pagtutol ng aking nanay ay wala na siyang magagawa. Noong una’y wala kaming ideya kung paano mag-alaga ng kuneho. Napakamaligalig at talon nang talon sa bawat sulok ng bahay. Kinakain ang wire ng mga gamit namin (nakailang palit ako ng cellphone charger dahil sa kanya) . Gayunman, sa kalikutan niyang iyon ay tila nakabisado na niya ang aming bahay at ang aming pamilya. Hindi tumagal ay naging at home na si BOA sa amin at gayundin kami sa kanya. Kung ano ang kinakain namin ay kinakain nya rin. Isang araw ay pinalitan ng aking kuya ang pangalan ni BOA dahil mas kahawig niya ang sikat na cartoon character na si Bugs Bunny, kaya tinawag namin siyang “Bunny”. Naging laman si Bunny ng aming tahanan ng dalawang taon hanggang dumating sa pagkakataong hindi kami pwedeng mapalapit sa mga mababalahibong bagay. Nilabas si Bunny at doon ay ginawan siya ng aming tatay ng matitirhan na gawa sa lumang plate dispenser. Naging kumportable siya roon dahil hindi gaanong mainit ang hangin sa bandang iyon ng bahay.
Malakas kumain si Bunny. Walang pinipiling pagkain. Minsan pa nga’y inaagaw pa niya ang tinapay ng tatay ko sa almusal at inaagaw ang kanin ng aso naming si Bruce tuwing tanghalian o hapunan. Napakagana niyang kumain. Parang walang bukas. Sabi nga nila, mana raw sa amo.
Pero nitong mga nakaraang linggo ay napansin ng tatay ko na hindi kumakain si Bunny. Matamlay at tila walang enerhiyang salubungin ng kakulitan ang bawat isa. Tumagal ito ng maraming araw na talagang kinabahala ko sa puntong umiiyak ako nang palihim sa gabi. Itinaas ko siya sa aking panalangin at kahit papaano’y narinig naman ng Diyos ang aking dasal. Sumigla siya nang bahagya at tunay na nagpapasalamat ako. Kinausap ko si Bunny, tulad ng lagi kong ginagawa habang kinakamot ko ang kanyang ulo at likod na parang masahe ko na sa kanya. Sinabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya at sana’y bumalik na siya nang tuluyan sa dati. Doon ay hinalikan ko ang kanyang labi na lagi kong ginagawa kapag nagse-share ako sa kanya, tanda ng pasasalamat sa kanyang pakikinig sa akin.
Naging abala ang mga nakaraang araw, kaya’t nakikita ko na lang siya kapag aalis ako ng bahay at kapag pauwi na ako. May isang araw, nang papaalis na ako ng bahay ay pinaikutan niya ako nang walang humpay na lagi niyang ginagawa. Tila ayaw niya akong paalisin. Nilibang ko muna siya na para bang nakikipaglaro. Nakahanap ako ng tiyempo upang tumawid sa harang at makalabas ng bahay. Nang nasa kabilang bahagi na ako ng harang ay nilingon ko siya, at nakita ko si Bunny, nakatayo nang may buong lakas, nakalingon sa akin na ang mata’y tila may gustong ipahiwatig, at yun pala ang huling pagkakataon na makikita ko ang kanyang napakaamong mata.
Nang gabing iyon nang sinabi sa akin ng aking pamilya na patay na si Bunny ay sinabihan ako ng kuya ko na nag-text siya sa akin nang mas maaga para sabihin ang malungkot na balita. Tila hinintay lang pala ni Bunny na umuwi ang kuya ko galing sa isang out-of-town conference at hinintay lang niyang makumpleto kaming naroon sa bahay bago siya tuluyang pumanaw. Pumasok ako sa kuwarto na tulala. Nagtanggal ng bag. Pumikit. At unti-unting pumatak sa aking mata ang mga luha. Halos tahimik akong humagulgol upang maiwasang marinig ng aking pamilya ang sakit ng aking puso noong panahong iyon.
Kinaumagahan pagkatapos ng kanyang pagkamatay ay lumabas ako upang kunin ang tuwalya. Nakita ko si Bruce na nakalingon sa lugar kung saan laging natutulog si Bunny. Wala ang kanyang kaibigan. Hinahanap niya ito at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pagtataka kung nasaan ang kunehong tinuring na niyang kapatid. Hindi ko natiis na maluha. Ako rin, sa araw-araw ng buhay ko ay hindi ko nakakaligtaang haplusin ang kanyang ulo at ang krus sa kanyang likuran sa tuwing mag-uumpisa ang araw ko. Nawalan ako ng kapatid na alam kong laging handang makinig sa akin.
Ngayon, alam ko na naglalaro na siya sa hardin kung saan naroon ang Panginoon. Kumakain na siya ng pagkain na mas masarap pa sa kanyang mga kinakain dito sa bahay. Kahit papaano’y masaya ako na sa kabila ng pag-iwan niya sa amin ay mas mabuting makakapiling na niya ang Lumikha sa kanya. Doon ay walang hanggang kapahingahan at walang hanggang saya ang kanyang madarama.
Tanging kapiraso ng repolyo lang ang aking alaala sa kanya. Ang repolyong iyon ang huling pagkaring katabi niya bago siya namatay. Nilagay ko ito sa maliit na lalagyan at laging dala upang kahit sa alaalang iyo’y lagi ko siyang nakakasama.
Bunny, kung nasaan ka man ngayon, MAHAL NA MAHAL KITA. Magkita tayo sa Paraiso balang araw. Malalaman kong ikaw yun kapag inikutan mo ako sa aking pagdating doon, at masaya tayong maghahabulan magpakailanman. Pero sa ngayon, paalam kapatid kong kuneho.
Ang hayop t tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.
sa pagbabasa nito, nadama ko muli ang kalungkutan ng minsang maranasan ko na mawalan ng isang taong malapit sa aking buhay. nais kong ibahagi sa iyo ang panulat na napapanahon sa iyong katha.. http://25pesocupnoodles.wordpress.com/2012/03/28/ang-iyong-huling-hantungan-your-final-destination/
maraming salamat sa paghahandog ng magandang panulat.