Bumabati lamang po ng Maligayang Araw Ng Mga Puso! 🙂
Month: Pebrero 2012
Isang Paggunita Sa Tunay Na Diva… Paalam Whitney Houston
Ngayong araw lamang ay isang nakakagulat na balita ang nagpalungkot sa buong mundo. Alas-4 ng hapon (US Pacific Time) nang ideklarang patay sa kanyang tinutuluyang hotel sa Los Angeles, California ang sikat na mang-aawit na si Whitney Houston. Tinaguriang “Greatest Diva Ever Lived” at “Most Awarded Female Artist OF All Time” ng Guiness Book Of World Records, naging sukdulan ang pagpapatunay ni Whitney Houston na ang musika ay nakakapagpabago sa takbo ng buhay ng isang tao at ng daigdig na ginagalawan nito. Sino bang hindi nakakaalam ng mga kantang “The Greatest Love Of All”, “One Moment In Time”, “I Will Always Love You”, “I Wanna Dance With Somebody” at daan-daan pang awiting tanging boses niya lang ang kayang magbigay-hustisya?
Sa pagkawala niyang ito ay mas higit na nagluluksa ang masasabi kong mga “pinakamasusugid” na Whitney Houston fans — ang mga Pilipino. Hindi kaduda-dudang maraming Pilipino, bata man o matanda, sikat na mang-aawit man o ordinaryong taong kumakanta sa mga banyo o videoke machine, ang nakakaalam ng kanyang mga obra. Ilang oras pagkatapos kumalat ang balita ng kanyang pagkamatay ay nag-trending sa Twitter Philippines ang mag patungkol kay Whitney Houston, maging ang kanyang mga sumikat na kanta. Marami ang hindi napigilang sabihin sa Facebook at iba pang social networking sites ang kanilang kalungkutan sa pagpanaw niya. Nagkalat din bigla sa online community ang mga Youtube link ng video ng mga Whitney Houston hit upang magpugay sa ng kauna-unahan at pinakamagaling na diva ng mundo.
Ang buhay ng tao ay hindi nahuhulaan kung hanggang kailan magtatapos, pero hindi ito ang tunay na mahalaga para sa isang Whitney Houston. Sa kabila ng mga masasamang impormasyong kakabit ng kanyang pagkamatay, hindi maikakaila ng marami na siya ay hindi malilimutan, ang tunay na idolo sa musika na di kailanman mabubura sa kasaysayan ng mundo at sa mga puso ng mga Pilipino.
Mananatili ang ginintuan mong tinig. Ikaw ang tunay na diva. Tapos na ang misyon at maging masaya ka nawa sa piling Niya. hanggang sa muli, Whitney Houston.
ANG MAGSULAT PARA SA VALENTINE’S DAY
Ang huling pagkakataon na nagkaroon ng halaga sa akin ang araw na February 14 ay noon pang 2008, nang bumalik ang koneksyon ko sa isang gangster na dati kong minahal. Tandang-tanda ko pa na masarap pala talaga ang pakiramdam kapag tumutuntong ang Araw ng mga Puso na mayroong taong nagpapahalaga sa’yo sa kabila ng pagkakaiba ng mundong aming ginagalawan at sa kabila ng pagkakaudlot ng aming pagmamahalan. Hindi umabot sa pormal na relasyon ang pagsasamahan naming dalawa kahit boto sa amin nung mga panahong iyon ang aming mga kaibigan at kanyang mga kaanak. Magkagayunman, sa kanya ko unang napatunayan na ang pagmamahal ay isang prosesong dapat na pinagkakasunduan – na kahit walang deklarasyon ng pag-ibig ay pwede pa ring maging isa ang puso ng dalawang nagkakasundo’t nagkakaintindihan.
[May asawa’t anak na siya ngayon. Facebook na lang ang contact namin sa isa’t isa pero masaya akong makita sa mga pino-post niyang pictures na masaya siya. Walang pagkakataon para magkita kaming muli bilang magkaibigan, pero marami pang araw para mangyari yun. Naghihintay lang ng tiyempo ang panahon.]
***
Marami sa atin ang ginagawang “big deal” ang Valentine’s Day. May mga masaya, pinipilit maging masaya, namomroblema at nagpapakalugmok sa kung anumang epekto ng araw na ito sa mga puso nila. Kumbaga, isa itong “worldwide mardi gras of emotions” na kapag hindi ka naki-ride ay mababansagan kang manhid.
Ang Valentine’s Day ay parang isang special working day para sa akin. Hindi yun sa dahilang pinipilit kong maging manhid sa mga dinaanang February 14 ng buhay ko (maliban noong 02/14/2004,2005,2008). Tulad ng marami, mas gusto kong itrato ang Valentine’s sa iba pang ispesyal na pamamaraan. Sabi nga nila, may karapatan din naman ang mga single na magdiwang sa Feb. 14.
Sa taong ito ay nagsusulat ako para gunitain ang Valentine’s. Ganito ko gustong ipagdiwang ang Valentine’s Day 2012 hindi lang dahil kabilang ako sa STWTVD (Samahan ng mga Taong Walang Tamis ang Valentine’s). Minamahal ko ang pagsusulat at isa itong malaking dahilan para mapanatili ko sa aking sarili ang magmahal. Mahal ko ang mga taong nagtitiyagang magbasa para marinig ang aking mga masasabi tungkol sa napakaraming bagay. Sa paraang iyon, para na rin akong nagmamahal ng isang kasintahang nakikinig sa aking mga tagumpay at hinaing. Sa paraang iyon, para na rin akong pumasok sa isang romantic relationship na tiwala akong hindi basta-basta mabubuwag ng selos at hidwaang walang pinatutunguhan.
Tradisyunal na sagisag ang Pebrero 14. Ito ang kumakatawan sa kahalagahan ng pag-ibig na binigay sa tao ng Diyos upang palaguin at pahalagahan na tulad ng isang binhing dapat alagaan upang maging isang matayog na puno. At tulad ng isang punong namumunga ng matatamis na prutas, nararapat tayong matutong magmahal at ibahagi ang pagmamahal na ito sa lahat.
Bantayog na pagdiriwang ang Valentine’s Day, tulad ng birthday, Christmas Day, New Year’s Day, araw ng mga patay, April Fools Day, Earth Day, Independence Day, anniversary, monthsary, at kung ano-ano pang okasyon sa ating buhay. Hindi intensyon ni Saint Valentine na magpakadakila para pakiligin ang sangkatauhan. Puwedeng maging Valentine’s Day ang anumang araw na gustuhin natin. Araw-araw ay pwede tayong kiligin, maglambing sa ating mga boyfriend/girlfriend, magsulat ng mga kuwento ng pag-ibig at malayang ipagsigawan sa buong daigdig ang pagmamahal na nasa kaibuturan ng ating puso.
Sa umpisang bahagi ng artikulong ito ay nilahad ko ang aking sariling Valentine’s Day story. Sinulat ko ito upang ipaalala sa aking sarili at sa lahat ang tunay na pakahulugan ng Feb. 14. Marami tayong nagmahal, nagmamahal at magmamahal pa, pero isipin natin na ang pagmamahal ay hindi laro, hindi panandaliang aliw, hindi paraan ng pakikipagsiping, hindi adiksyon, hindi tanawin. Ang pagmamahal ay isa lamang maliit na parte ng ating buhay na kapag pinalago nang tama sa gitna ng mga pagsusubok ay magdudulot ng mas magagandang bagay na higit pa sa iyong inaasahan.
Sa mga taong ang Facebook status ay single, it’s complicated, in a relationship, engaged, married o widowed, sa lahat ng wagi at sawi, at sa lahat ng mga nagmamahal… MALIGAYANG ISPESYAL NA ARAW NG PAG-IBIG! HAPPY VALENTINE’S DAY!