Ilang minuto lang ang nakararaan ay nagse-surf ako sa isang group ng Facebook at may nakita akong isang Youtube link na ang pamagat ay “Cat tries to wake up dead friend” (uploaded June 24,2010 location: Turkey). Sinubukan kong tingnan ang video at hindi ko aakalaing bubuhos ang luha ko sa aking napanood. Sinaliwan ng kantang “My Immortal”, ipinapakita sa video na sinusubukang gisingin ng puting pusa ang isang itim na pusa na tila natutulog lang. Apat na minuto lang ang video, pero ayon sa nakalagay na impormasyon doon, apat na oras niya itong ginigising sa pamamagitan ng pag-apak nito sa katawan at pagtulak nito sa ulo. Patay na ang pusa, pero ayaw niyang sumuko sa pagpapabangon dito. Maya’t maya’y hihinto ito sa paggising at tatabi sa itim na pusa na tila pinoprotektahan ito sa mga taong nakapansin ng nakakalungkot sa sandaling iyon. Sa huli, dinala ng mga tao ang patay na pusa sa beterinaryo, kasama ang kaibigan nito na nagtiyagang gawin ang lahat, mabuhay lang ang kaibigan. Mahigit 500,000 na ang nakapanood sa video na ito, at ilan sa mga nagkomento, tulad ko, ay hindi napigilang umiyak sa nakakaantig na video.
Ang hayop at tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.
Sa aming pamilya ay nag-aalaga kami ng isang aso at isang kuneho. Pero sa kabila niyon ay tinuturing namin silang kapamilya. Lagi ko ngang pinagmamalaki na hindi ako ang bunso ng aming tahanan kundi sina Bruce (isang Japanese spitz na dinala sa amin noong Valentines Day 2005 mula sa kaibigan ng aking kapatid) at si Bunny (isang gray rabbit na dala ko bilang souvenir mula sa dati kong trabaho noong New Years Day 2009). Masaya kaming nakakasalo sila sa aming araw-araw na buhay. Kung ano ang kinakain namin ay yun din ang kinakain nila. Kinakausap na parang tao. Katabi ng aking mga magulang sa pagtulog tuwing siesta. Hinahalikan natin lagi-lagi kahit bawal sa aming magkapatid (pareho kaming may allergy sa buhok ng hayop). Masaya kami nung dumating sila sa aming pamilya at mas sumaya pa kami nung naging bahagi na sila.
Pero masakit mang isipin, darating ang panahon na sila’y mawawala sa amin. Tulad ng mga tao, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili. Higit sila sa pagiging kaibigan. Hindi man sila nakakapagsalita ay pinapakita nila sa kani-kanilang paraan kung gaano ka nila kamahal, kung gaano sila nag-aalala at kung gaano ka nila ituring na mahalaga sa buhay nila.
Sana, sa mga nakakabasa nito, pahalagahan natin ang lahat ng hayop. MAHALIN NATIN SILA. Para sa akin, ang mga hayop ang mga PINAKA-TAPAT, PINAKA-LOYAL, PINAKAMAGALING NA LISTENER, PINAKAMALAMBING at PINAKAMAGALING na KAIBIGAN sa buong mundo. Sana kayo rin.
Iba pang video na aantig sa inyong mga puso, mula sa Youtube: