Una Sa Lahat: Ang artikulong ito ay unang inilathala noong Abril 2005 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nilalaman nito ang mga pangyayari mula nang magsimulang sakupin ang telebisyong Pinoy ng isang bagong format ng drama series, ang pag-angat ng fantaserye.
Malikhain ang pag-iisip nating mga Pilipino. Nakakalikha ng maraming bagay na imposibleng magawa, ngunit nabibigyang-buhay dahil sa ating malikot na kamay at imahinasyon. Nakakakuha ng ibang konsepto sa ibang bagay at nabibigyan ng kakaibang pag-anyo na mas maganda pa kaysa orihinal nito.
Sa kasalukuyan, tayong mga Pinoy ay ‘adik’ sa panonood ng telebisyon, lalo na sa mga ‘teleserye’. Ang laman ng telebisyong Pinoy ngayon ay mas kakaiba kung ihahambing mo, limang taon na ang nakalilipas. Mas naging kapana-panabik ang mga eksena at mas naging award winning pa, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibayong dagat. Nabebenta na rin sa ibang bansa ang mga gawa nating palabas, tulad ng “Pangako Sa’Yo” na nanguna sa mga palabas sa Malaysia at patuloy na pinapalabas sa ibang bansa. Hindi na rin puro Spanish ang ating napapanood, kundi yung mga galing naman sa bansang Korea at Taiwan na tinatawag nating ‘chinovela’.
Siyempre, hindi rin natin maiiwasan ang mabilis na takbo ng ating panahon. Kaya nagiging malawak na rin ang pag-iisip ang mga Pinoy, pagdating sa paggawa ng mga konseptong ginagamitan ng makabagong teknolohiya. At dito nabuo ang isang uri ng programang tinatangkilik natin sa kasalukuyan – ang ‘fantaserye’. Bakit nga ba ‘fantaserye’? Siguro, nasa pag-iisip na rin natin kung bakit ang mga ganoong uri ng palabas ay tinawag na ‘fantaserye’. Sa diksyunaryong Ingles, ang salitang ‘fantasy’ ay imahinasyon, at ang ‘serye’ ay nanggaling sa salitang teleserye.
Kailan ba nagsimulang ipalabas ang tulad ng mga ‘fantaserye’? Ang ganitong konsepto ay matagal nang nauso sa ibang bansa. Noong bata pa tayo, ang mga Intsik na palabas tuwing Linggo ay naglalaman ng mga istoryang may halong mahika.
Pero nagbago ang lahat sa kasaysayan ng ating mga telenovela’t teleserye dahil nagsimula na ang bagong trend sa paggawa ng telenovela, at sa pagkakataong ito, ang target naman ng primetime television ay ang mga bata, at pati na rin tayong mga ‘young at heart’. Noong isang taon lamang (2004), buwan ng Pebrero, ay sinimulan ng ABS-CBN ang kauna-unahang likhang fantaserye sa telebisyonm at ito ay ang kuwento ni “Marina”. Hindi maikakailang ang konsepto nito ay galing sa tanyag na pelikulang “Dyesebel”, na maraming beses nang isinapelikula noong dekada ’90. Ngunit dahil sa makatotohanang special effects, costumes, istorya at pagganap ng mga artista, nagkamit ito ng pinakamataas na rating sa primetime nang maraming buwan.
Siyempre, hindi maiiwasan na magkaroon ng mga sumunod sa unang nakalikha. Gumawa naman ang GMA 7 ng kuwelanovelang “Marinara”. Hindi ito masyadong nagtagal sa telebisyon kaya muli silang lumikha ng isang kakaibang obra at ito ay ang telepantasyang “Mulawin”. At dahil sa mga tauhang ‘taong ibon’, nagkamit rin ito ng mataas na rating sa telebisyon. Dito na nagsimulang sumulpot ang mga karakter na ngayon lang naglabasan, tulad nina Krystala, Leya, ang mga nilalang na may extraordinary powers sa “Spirits”, at ang mga mandirigmang diwata mula sa lupain ng “Encantadia”. Nagsisimula na ring isalin sa telebisyon ang mga sikat na alamat na sa pelikula lang dating napapanood at sa mga komiks lang nababasa, tulad nina Darna, ang Kampanerang Kuba at ang Panday.
Sa fantaserye, nauso na rin ang mga kakaibang pangalan tulad na kina Istah, Alwina, Pagaspas at ang sikat na sikat na si Dugong. Nainis sa mga kasamaan ni Pirena at Braguda. Mas na-inlove tayo sa mga romantikong paraang nagpapakita ng wagas na pag-iibigan. Naging ‘klik’ din ang mga salitang hindi naman naintindihan pero tinangkilik pa rin tulad ng salitang ‘ugatpak’ at ‘batong bignoy’.
Tunay ngang sinakop na ng fantaserye ang telebisyong Pinoy at maging ang imahinasyon nating mga Pilipino. Hindi man tayo mga batang walang kamalay-malay sa galaw ng mundo, naaakit nila ang mga puso’t damdamin sapagkat kahit papaano, natupad nila ang mga pangarap nating lumipad sa kalangitan, lumangoy sa malalalim na karagatan at magkaroon ng kapangyarihan. Pinatunayan din nila kung gaano ka-importante ang kalikasan, pagkakaisa at pamilya sa pagkakaroon ng isang maayos na sangkatauhan. Kapos man sa teknolohiya ang ating bansa, kumpara sa teknolohiya ng mga karatig bansa, masasabi nating kaya nang lumaban ng Pinoy fantaserye sa iba, hindi lang sa special effects kundi sa istoryang may kabuluhan. Mas makapangyarihan pa sa ‘batong samared’ at sa pulang bato, ang fantaserye ay tunay na tatak Pinoy at patunay sa galing ng Pilipino.