Ang Panaginip Na Pinagsisihan Kong Hindi Ko Napaginipan Nang Mas Maaga

Marami ang ibig iparating kung tayo ay nananaginip. Maaaring ito’y pag-alala sa ating nakaraan, paglingon sa ating posibleng kinabukasan, babala sa maaaring mangyari sa atin at pagpaparamdam ng kung anong puwedeng maganap kung ang mga pinapangarap natin sa buhay ay magkatotoo.

Pero hindi ko akalain na dahil sa isang panaginip ay matatanto ko na ito ay sampal na realisasyon na ang isang bagay na pilit kong hindi pinapansin ang siyang tunay na hinahanap ko at ngayo’y lalong nakakagulo sa pagtibok ng aking puso.

Isa akong kaluluwang napadpad sa dimensyong maghahanda sa akin sa aking kinabukasan, sa aking pagbabalik bilang normal na nilalang. Napakaraming tulad kong naghahanap ng tunay na pagkakakilanlan upang makaahon sa hirap ng kawalan at pinagsama-sama kami ng mga anghel upang tulungang maisakatuparan ang aming hangad. Dito ko nakilala ang isang kaluluwang nagtataglay ng magandang mukha at matatas na pananalita’t pag-iisip.

Para sa akin, hindi siya ekstra-ordinaryong kaluluwa, pero sa maraming araw na magkasama kami, sa tingin ko’y nagkamali ako. Dumating ang mga pagkakataong hindi na nagiging ordinaryo ang trato ko sa kanya. Sa tuwing katabi ko siya sa mga lihim na kasiyahan at apektado ng gayumang dulot ng tubig ng paglimot, pakiramdam ko na ako’y ligtas. Sa tuwing siya’y nakatitig, nakangiti’t masayang nakikipagpalitan ng mga salita sa akin, hindi ko maiwasang tumingin lang sa kanya at hinahayaang angkinin niya ang aking atensiyon. Sa tuwing hindi kami magkakasundo sa aming mga ideolohiya, para kaming mga hangal na nag-iiwasan ng mga mata pero nagpapakiramdaman kung tama bang nagtalo kami o isa lang paghamon sa aming nagsisimulang lalong pagkakasundo.

Hindi ang tipo niya ang gusto kong maging kakabit ng aking puso, pero habang papalapit nang papalapit ang panahong maghihiwalay na kami ng landas at babalik sa normal naming buhay, nalulungkot ako dahil ang pakiramdam ko’y hindi na niya ako maaalala. Nung malaman kong may nagmamay-ari na ng kanyang puso, para akong tinusok ng karayom sa aking puso at utak, pero pilit na nakangiti’t sumasabay sa alon ng kanyang kasiyahan. Alam kong mali ang pakiramdam na iyon, kaya’t nanindigan akong isa lang siyang panandaliang kaluluwang dinaanan lang ng aking buhay papunta sa dapat kong kalagyan.

Nakatagpo ako ng kaluluwang yumakap sa aking sistema at ako’y tuluyan niyang inangkin. Tuluyan ko nang inabandona ang inilaan kong pagtingin sa kanya at tinuring na lamang siyang isa sa mga lumiligid sa aking kalikasan, tulad ng ibang nakilala ko lang sa dimensyong iyon… ngunit dumating ang isang pagkakataong nakapagpabago sa aking mga paniniwala – at iyon ay ang pagtungo ng aking huwisyo sa mundo ng panaginip.

Mapanlinlang ang mga panaginip. Nakikita nila ang pagkaambisyoso ng mga kaluluwa sa gusto nilang mangyari kaya inaabuso nila ito’t nagpapaka-impostor, niyayakap nila ang bawat kaluluwang naroon at dinadala sa pansamantalang kasayahan na magdudulot ng pag-asang walang siguradong kapupuntahan. Akala ko’y ganun din ang gagawin nila sa akin, pero may isang panaginip na sumigaw sa aking pagmumukha’t tinumba akong parang posteng binuwag ng malakas na hampas ng hangis.

“HUWAG MO NANG ITANGGI! SIYA ANG GUSTO MO! TAKOT KA LANG DAHIL HINDI KAYO PAREHO NG ESTADO! SIYA ANG PANGARAP MO AT HINDI ANG TAONG NASA IYO NGAYON! SIYA ANG GUSTO MO! SIYA ANG MAHAL MO!”

Nakakabinging sigaw, kaalinsabay ng malakas na hanging may dalang alikabok. Pinilit kong dumilat pero ang nakita ko’y isang puting kawalan. Tuluyan kong binuksan ang aking mga mata at nakita ko sa puting kawalan ang isang imaheng papalapit sa akin. Kilala ko siya. Siya nga. Hinawakan niya ang aking mga kamay at niyakap. Sa pagyakap na iyon ay bumalik ang mga alaala ng aming masasayang pagsasama. Ang mga alaalang ako’y nakatitig lang sa kanya nang walang dahilan. Ang mga alaalang naiinis ako sa kanya dahil di niya napapansin ang mga ginagawa kong maganda. Ang mga alaalang halos magkadikit ang aming mga mukha sa tuwing binubulong niya ang kanyang mga hinaing at mga punto. Ang mga alaalang tinatanggi ko na gusto ko siya. Lahat ng iyon ay umikot sa aking hinuha habang kayakap ko siya sa mundo ng panaginip. Isang panaginip na ayoko nang matapos.

Dumilat ang aking mga mata sa araw na ang lahat ay matatapos na. Lahat kami ay lilisan na sa dimensyon ng paghahanda. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa kanya at mamamaalam. Dumating ang takipsilim, natapos na ang mga dapat tapusin bago tuluyang tuldukan ang lahat. Nagkaroon ng piging at yun ang huling pagkakataon na iinom kami ng tubig ng paglimot bilang mga preso ng mga panuntunan. Bagama’t may pagkailang ay pinilit kong maging normal ang lagi naming ginagawa na kuwentuhan at tawanan. Pinilit kong maging normal sa tuwing may ibubulong siya na halos magkadikit na ang aming mga mukha. Pinilit kong maging normal at nagtagumpay ako. Pero tama nga ba ang ginawa ko?

Naglalakad ako pauwi na binubuo ang palaisipan ng aking puso na lalong nagiging mahirap dahil sa epekto ng tubig ng paglimot. Sa gitna ng pagkatulala ay narinig ko ang aking pangalan, ang pangalan kong kanyang sinisigaw. Sa aking paglingon, nakita kong nakangiti siyang kumakaway, nakangiting nagpapaalam. Hindi ako nakagalaw nang labinlimang segundo sa aking kinatatayuan, at saka tumalikod at bumalik sa kawalan.

Oo. Siya nga marahil ang gusto ko. Siya nga marahil ang aking pangarap. Siya nga marahil ang mahal ko. Pero hindi ko binigyan ang tadhana ng pagkakataong iparamdam ang pagsintang iyon sa kanya. Pareho na kaming masaya. Ako sa piling ng iba at siya sa piling din ng iba. Huli ko mang natantong mahal ko siya dahil sa panaginip na iyon, ngunit masaya akong naging bahagi siya ng aking paglalakbay. Hindi ako naniniwalang iyon ang huli naming pagkikita. Alam kong magtatagpo pa kami ng landas. Sana, sa aming pagtatapong muli sa hinaharap ay walang mabago. Sana. Sana.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s