KAHON: Pinoy TV Game Shows – PILIPINAS, GAME KA NA NGA BA?

 

 

 

 

Una Sa Lahat: Ang artikulong ito ay unang inilathala ng inyong lingkod noong Mayo 2006 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Mayroon lamang kaunting pagbabago at dagdag na impormasyon sa iilang bahagi upang tumugma sa kasalukuyang panahon. Nilalaman nito ang ilan sa mga mahahalagang pangyayari sa Philippine television kung kailan umangat ang format ng game shows sa kultura ng lipunang Pinoy.

 

 

 

Sa loob ng 58 taon, naging malaking bahagi sa buhay ng mga Pilipino ang isang kahong may bintanang puno ng kamangha-manghang mahika – ang telebisyon. Ang bintanang ito ang nagsisilbing daan ng komunikasyon at impormasyon tungkol sa mga nagaganap sa kapaligiran. Ang bintanang ito ang naglalabas ng tunay na emosyon at ugali ng mga tao sa kani-kanilang estado sa buhay. Ang bintanang ito ang pumupukaw ng ating makabayang damdamin sa tunay na kondisyon ng ating ginagalawang lipunan. Ang bintanang ito ang nagsisilbing libangan at pag-asa ng mga gustong umangat ang kabuhayan.

 

 

 

Isa sa mga pinakamalaking hain ng telebisyong Pinoy sa masa ang konseptong tinatawag nating ‘game show’. May iba’t ibang istilo, iba’t ibang paraan ng paglalaro, at iba’t ibang laki ng premyo. Pero may maituturing tayong tatlong pinakamahahalagang layunin ng game show: ang magbigay ng impormasyon, ang magpaligaya sa mga tagasubaybay nito at ang magbigay ng mga papremyo para makatulong sa kapus-palad nating mga kababayan.

 

 

 

DITO TAYO MAGSIMULA

 

Bago pa man umusbong ang TV game show at maging ang mismong telebisyon, meron nang parehong konsepto ng programa ang tanyag sa radyong Pinoy, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong dekada ’50. Isa rito ay ang ‘Kwarta O Kahon’ na pinangungunahan ng tinaguriang Hari ng Pinoy Game Shows na si Pepe Pimentel o Tito Pepe kung tawagin. Gayundin, ang sikat na noontime variety show noon na ‘Student Canteen’ ni Leila Benitez, kung saan ang mga segment nito ay mga palaro’t tunggalian sa pag-awit.

 

 

 

Ang konseptong ito ay sinimulang ipasok sa mahiwagang kahon noong 1958 nang ilunsad ng ABS-CBN Channel 3 ang kauna-unahang game show sa telebisyon, ang ‘What’s My Living?’. Hindi rin nagtagal, ang kinabaliwang laro ng bayan na ‘Kwarta O Kahon’ ay naging laman na rin ng libangan sa telebisyon sa pamamagitan ng ABS-CBN Channel 9 noong dekada ’60. Nagtagal ang programang ito ng mahigit 38 taon sa parehas na channel (RPN Channel 9) at parehong host, sapat upang tawagin itong longest running game show sa kasaysayan.

 

 

 

Napukaw din ng konsepto ng game show ang mga kabataang mag-aaral. Noong kalagitnaan ng dekada ’70, inilunsad ang ‘National Super Quiz Bee’ at ngayo’y nasa ikatlong dekada na ng pagsasagawa ng mga kompetisyon sa mga piling mag-aaral ng elementarya, sekondarya at kolehiyo.

 

 

 

HUMANDA NA…

 

Nagbalik ang sigla ng game shows noong dekada ’90. Animo’y naging parlor game ang istilo ng ilang mga game show. Ilan sa mga sikat na game shows noong panahong iyon ay ang ‘Game Na Game Na!’ nina Roderick Paulate at Pangie Gonzales, at ‘Ready, Get Set, Go!’ nina Eric Quizon, Eula Valdez, Eagle Riggs at Patrick Guzman sa ABS-CBN Channel 2; at ‘Gobingo’ ni Arnell Ignacio sa GMA Channel 7, kung saan tinagurian siyang Game Master ng Philippine Television.

 

 

 

Sa dekada ring ito, halos naging game show format na rin ang mga noontime variety show, tulad ng pinagmulan nito noong dekada ’50. Ang mga programang Eat Bulaga (ang longest running noontime variety show) ang naglunsad ng ilang mga palaro noon na ‘Kaserola Ng Kabayanan’ at ‘Lottong Bahay’. Maging ang katunggali nitong ‘Sang Linggo nAPO Sila’ ng APO Hiking Society sa ABS-CBN 2 ay nagkaroon ng kinabaliwang ‘Grand Sarimanok Sweepstakes’ kung saan kailangan nong mag-purchase ng produkto ng mga sponsor upang makasali.

 

 

 

NEXT LEVEL NA…

 

Sa pagpasok ng ikatlong milenyo ay nag-iba ang dating simpleng Pinoy TV game show. Naging senyales ng pagbabagong-anyo ang pagdating ng mga tanyag na game shows mula sa ibayong dagat, ang ‘Who Wants To Be A Millionaire’ at ‘The Weakest Link’. Ang mga ito ay ipinalabas sa IBC 13 sa pamamagitan ng Viva Television. Dahil sa naging klik ito sa masa ay hindi nagpatalo ang mga Pinoy na gawa. Sinimulan ito ng ABS-CBN noon 2002 nang ilunsad ang kanilang 100% all Pinoy modern game show, ang ‘Game KNB?’ na pinangunahan ni Kris Aquino, kung saan tinagurian siyang Reyna ng Pinoy Game Shows. Sinundan ito ng ‘Korek Na Korek Ka Dyan!’ nina Vic Sotto at Joey de Leon ng TAPE Inc. (ang producer ng Eat Bulaga, kung saan nanggaling ang naturang game segment) at ng ‘K! The P1,000,000 Videoke Challenge’ ni Arnell Ignacio, parehong nasa GMA 7. Hindi rin nagpadaig ang ABC Channel 5 dahil kinuha nila ang mga sikat ding ‘Wheel Of Fortune’, ‘Family Feud’ at ‘The Price Is Right’. (Nitong mga huling taon ng unang dekada ng 2000 ay nakuha ng ABS-CBN ang franchise Wheel Of Fortune at The Price Is Right, samantalang nakuha naman ng GMA 7 ang franchise ng Family Feud) Lumikha naman ng malaking ingay sa tanghali ang mga game segment ng mga noontime variety show tulad ng ‘Pera O Bayong’ ng Magandang Tanghali Bayan at ‘Laban O Bawi’ sa Eat Bulaga, na nagpasikat sa Sexbomb Dancers.

 

 

 

Nabago na rin ang konsepto ng Pinoy TV game show sa kaanyuan ng reality shows, dahil sa kasikatan ng Fear Factor, isang banyagang reality challenge show sa America. Sinimulan ito ng ‘Extra Challenge’ ni Paolo Bediones at Miriam Quiambao sa GMA 7 (mula sa magazine show na ‘Extra Extra’ ni Bediones at Karen Davila) noong 2003. Nagbago rin ng game format ang ‘Game KNB?’ at naging ‘Next Level Na! Game KNB?’

 

 

 

Noong 2004, sa halos isang taong pagkawala, muling nagbalik ang ‘Game KNB?’ sa ere upang palakasin ang pantanghaling timeslot ng ABS-CBN. Tumagal ito hanggang matapos ang programa noong 2010 nang mapagdesisyunan ng bago nitong host na si Edu Manzano na sumabak sa halalan bilang kandidato sa pagka-pangalawang pangulo. Nagbago rin ng format ang ‘K!’ at naging ‘All Star K!’ nina Jaya at Allan K., kung saan ang mga manlalaro ay puro artista lamang. Noong Pebrero 2005, tuluyan nang nasakop muli ng game show ang noontime television dahil sa paglulunsad ng ‘Wowowee’ ni Willie Revillame sa ABS-CBN 2 na nilagay pagkatapos ng ‘Game KNB’. Natapos ang programa noong 2010 dahil sa insidenteng kinasangkutan ni Revillame at ng radio host na si Jobert Sucaldito. Sa kasalukuyan, nagtayo si Revillame ng sarili nitong production outfit (Wil Productions) at tinuloy sa TV5 (dating ABC 5) ang kinasanayan niyang game variety format na may titulong ‘WilTime Bigtime’.

 

 

 

ANG JACKPOT…

 

Hindi maikakailang malaking hatak sa kasikatan ng game shows ang mga papremyo. Kung dati’y pupwede na ang ilang daang piso’t mga regalo mula sa sponsors, ngayon, hindi lang milyun-milyong pisong salapi kundi may mga sasakyan, appliances at house and lot pa. Kumpara sa mga dating game show, ilang patunay sa lalo pang kasikatan ng game shows ay ang mga libu-libong mail entries, text entries, at mga taong nakapila sa labas ng mga himpilan para sumali sa mga ito.

 

 

 

Sa mga nabanggit na patunay ay lumalabas ang positibo’t negatibong implikasyon ng makabagong TV game show sa Pilipinas. Sa ngayon, kaalinsabay ng iyong paglalaro sa mga game, meron kang mga tinatawag na home partners, text partners at charity na matutulungan mo kapag nagwagi ka sa nilalaro mo. Meron din namang mga game show na hangga’t hindi nakukuha ang jackpot prize ay lumalaki ito nang lumalaki. Meron namang sa pagnanais na manalo, kailangan nilang mandaya o manlinlang ng kapwa upang sila ang makuha. Halimbawa nito ang naging kaso sa anibersaryo ng Magandang Tanghali Bayan noon, kung saan sa anniversary edition ng ‘Pera O Bayong’, ang nagwagi para maglaro sa jackpot round ay nandaya pala dahil sumingit lamang siya sa mga nakapila sa tamang sagot. Dahil sa insidenteng ito, kinailangang pabalikin sa susunod na episode ang mga natanggal na kalahok upang maglarong muli.

 

 

 

Ang trahedyang naganap sa unang anibersaryo ng ‘Wowowee’ noong Pebrero 4, 2006 sa ULTRA Pasig ay isang resulta ng desperasyon para sa malalaking premyo sa isang game show. Isinakripisyo ng halos 70 kataong nasawi ang pagod, dumi sa katawan at pamilya, kapalit ang pag-asa na sila’y mapili at manalo ng mga naglalakihang papremyo. Hindi lang ang mga premyo ang naging implikasyon dito, pati na rin ang pamamahala ng isang malakihang pagganap ng isang programa sa labas ng himpilan at ang crowd control sa labas ng venue ay kinuwestiyon din dito.

 

 

 

 

Tulad ng isang TV game show, ang mga isyung tulad ng kahirapan at kawalan ng trabaho ang mga nagsisilbing katanungang hinahanapan ng kasagutan at kinakailangang malampasan. Kumbaga, tayo ang mga manlalaro sa isang malaking studio na kung tawagin ay Pilipinas. Kailan ba natin mahuhulaan ang kahong kinalalagyan ng ‘1’ para makuha ang P1,000,000 na lulutas sa ating mga problema? Kailan natin makikita sa Tarantarium at kailan natin masasakto ang pag-ikot ng roleta ang mga sagot na makapagbibigay sa ating bansa ng higit pa sa isang milyong pisong halaga ng magandang kinabukasan? Konting tiis pa! Think positive! Mahahanap din natin ang jackpot!

 

GIP Batch 02-2011: Ang Kabataang Manilenyo Sa Loob Ng Dalawampung Araw

“When we were younger, our parents would always remind us not to talk to strangers. Good thing we do not totally listen. Because if we did, we could never find our dear friends. Because truly, every friend was once a stranger.”

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito ang matalinhagang pangungusap na unang pinaniwalaan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal at patuloy na naririnig at sinasabi ng maraming Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Pero sa panahon ngayon, kung sino pa ang mas bata ay siya pa ang mas nauuna at nagmamadaling gawin ang mga bagay na hindi tama o hindi nararapat sa kanilang murang edad. May mga kabataang maagang dumarating sa maturity stage, at dahil madali silang tumuntong sa ganitong pagkakataon ay nakita nila ang mga pagsubok ng buhay sa pinakamabigat nitong estado. Hindi man pisikal na pagsubok, may mga tulad nila ang dumaranas ng emosyonal na paghihirap na nagpapadama sa kanila na hindi sila mahalaga, o ang pinakamalala, ay hindi sila karapat-dapat para magkaroon ng magandang kinabukasan sa mundong ito.

“GIP? Anong klaseng trabaho yun?” Ito ang unang tanong ko sa sarili nang sinabihan ako ng kuya ko na mag-apply sa Manila City Hall. Wala akong clue o ideya kung ano ang tungkuling pilit na ipapatrabaho sa akin ng kapatid ko, pero dahil napaka-adventurous ko at kahit anong bagay ay gusto kong gawin, ang madiin kong sagot sa kanya? GO!

Anim na distrito. Hindi hihigit sa isandaang kabataang may iba’t ibang edad at estado sa buhay. Sila ang mga makakasama ko sa GIP, ang Government Internship Program. Ito ay isang programang pinangangasiwaan ng Youth Development and Welfare Bureau (YDWB) na umaagapay sa mga out of school youth ng lungsod upang mahubog sila sa iba’t ibang aspeto ng buhay at para mas maging handa sa mga susunod na taon ng kanilang kabataan. Sila ang mga makakasama ko sa susunod na dalawampung araw. Ang bubuo ng Batch 02-2011. Sa paglibot ng aking mga mata sa kanilang itsura at tindig, bawat isa ay may karakter na maaaring matuklasan ko sa mga susunod na araw. Dalawang reaksyon nang malaman ko ang konsepto ng pinasukan kong ito – “ano raw??!” at “interesting!!!”

Sa mahigit na dalawampung araw ay nakilala ko kung ano talaga ang kabataang Manilenyo ngayon. Hayaan ninyong magbigay ako ng dalawampung pangalan upang katawanin ang mga katangiang lumalarawan sa tunay na imahe ng kabataan ng lungsod:

1. BARNEY – Ang Maynila ay pinamamahayan ng napakaraming beki. Lantad man o hindi, masasabi kong ang mga beki ang isa sa mga pinakamatatalino’t pinakanakakaaliw na mamamayan ng lungsod. Isa na rito si Barney. Noong una ko siyang nakita ay pinagtatawanan siya ng mga coordinator dahil beterano na siya sa GIP. Naka-tatlong GIP batch na siya pero mahiyain pa rin sa pagsasalita sa harapan ng maraming tao. Pero nung nakasama ko na siyang magtrabaho sa mga activity ay tinataglay niya ang maraming ideya at lubos ang kanyang partisipasyon upang maging maganda ang kalalabasan ng aming ginagawa. Binabagay niya ang kaartehan sa tamang sitwasyon, hindi tulad ng ibang beki. Naging malaking tulong siya sa akin dahil binigyan niya ako ng napakaraming ideya kung ano talaga ang tatakbuhin ng programang sinalihan ko. Walang duda kung bakit siya muling kinukuha ng YDWB upang maging kasali sa GIP.

2. MARICAR – Si Ate Maricar ang pinakauna kong nakilala at nakasundo sa GIP. Kung tama ako ay siya ang pinakamatanda sa batch. Meron na siyang dalawang anak at sumabak na sa napakaraming trabaho, pero piniling mag-GIP upang magkaroon ng pagkakaabalahan habang hinihintay ang inaasam na trabaho. Kinakatawan ni Ate Maricar ang matibay na babae para sa kanyang mga anak, ngunit mahina ang puso pagdating sa pagmamahal. Hindi ko siya masisisi sapagkat lahat naman tayo ay nagnanais na mahalin siya bilang tao, bilang kapareha at bilang nag-iisang babae ng kanyang minamahal. Pero hanga ako kay Ate kahit minsan ay sobrang harot niya. Isa siyang babae na puno ng aral para sa mga magiging ina at babae ng hinaharap.

3. JEFF – Kung titingnan mo ang taong ito ay para lang siyang tipikal na binata — sakto lang pumorma pero may appeal. Pero sa mga araw na magkakilala kami, makikita kung ano talaga si Jeff sa paraan ng kanyang pananalita. Hindi malayo ang edad sa akin ni Jeff pero bukambibig niya ang mga katagang ‘papunta pa lang sila, pabalik na ako’. Sa kanyang mga salita ay naniniwala ako sa kanya dahil hindi siya nahihiyang ihayag ang kanyang mga nalalaman at handa siyang ipaglaban ang kanyang mga sinasabi dahil alam niyang tama ito. Siya rin ang tipo ng taong marunong umiwas sa pananakit sa damdamin ng iba, dahil kung may masabi man siyang hindi maganda ay kinikimkim niya lang ito o kaya’y binubulong sa mga taong alam niyang mapagkakatiwalaan niya, at pakiramdam kong mapalad ako dahil isa ako sa mga iyon.

4. DIANE – Una kong napansin si Diane noong nakasakay kami sa Thomas & Friends train na kasama sa centennial convoy noong ika-100 kaarawan ni Doña Teodora Alonzo. Malaking babae pero makulit. Pero mas nakilala ko siya noong unang beses na nagkayayaan na magsaya ang ilang GIP sa isang billiard house na malapit lang sa amin. Sa mga nagdaang araw ay siya lang ang tanging pinagkukuwentuhan ko ng mga nangyayari sa akin na hindi pwedeng ilantad sa marami. Good listener. Kapalit niyon, handa rin akong makinig sa mga sasabihin niya at handang magbigay ng mga payo sa abot ng aking makakaya. Itinuturing ko na siyang isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan ngayon at masaya ako na sa pagtatapos ng GIP ay may trabaho na siya sa call center kung saan una akong nagtrabaho noong 2008.

5. JEPOY – Tumatak sa akin ang taong ito dahil napakarami niyang sentimental songs sa kanyang cellphone. Sa panahon ngayon, mas kinagigiliwan ng maraming kabataan ang mga rap at gangsta songs. Hindi ko pinagtatawanan ang tipo ng musika ni Jepoy, mas natutuwa pa nga ako dahil nakikita sa kanyang personalidad na sa likod ng matapang niyang itsura ay may lambot sa kanyang puso na nirereserba sa tamang pagkakataon – at yun ang tunay na katangian ng tunay na lalaki. Ilang beses siyang nagtampo sa grupo dahil may mga bagay na hindi niya kayang gawin at tila hindi siya nakakaramdam ng suporta galing sa amin. Pero ipinakita niyang kaya niya iyon, na sa kabila ng kanyang kahinaan ay kakayanin niyang subukan ito upang maging tama ang lahat.

6. EIRO – Aaminin ko, noong una, si Eiro ang tipo ng babaeng makakasundo ko. Merong mga nakakaalam na hindi ko gusto ang pag-uugali niya lalo na kapag umaasta siyang magaling sa grupo. Ilang beses na rin siyang nakasakit ng damdamin ng iba naming kasamahan. Pero nag-iba ang lahat nang magsimula na kaming mag-practice ng aming closing presentation. Natural ang pagiging taklesa ni Eiro, pero marunong siyang humingi ng tawad sa kabila ng kanyang nagawa. Happy go lucky ang babaeng ito pero alam kong sa likod niyon ay isang babaeng maraming karanasang dapat na pagpulutan ng aral ng mga dalaga. Masaya akong isa si Eiro sa mga nakakasundo ko, lalo na pagdating sa mga kasiyahan. At sa kabila ng kanyang pagiging ‘itchy’, si Eiro ang isa sa mga babaeng masasabi kong taglay ang tibay at tapang ng isang babaeng dapat na mahalin nang tunay ng nararapat na lalaki.

7. ZEUS – Nakita ko kay Zeus ang dalawang mukha ng kabataan – isang masaya at isang may pinagdaraanan. Ipinapakita niya ang mukha ng kasiyahan sa pagkakataong masaya ang paligid. Makulit, maharot pero hindi nakakainis at masarap lambingin. Sa kabila niyon, ilang beses ko nang nakita sa kanyang mga mata ang lungkot na pilit niyang itinatago. Nung minsang humiwalay siya sa grupo at naki-bonding sa ibang distrito ay nagtaka ako at nalungkot sapagkat nawala ang makulit na Zeus na una kong nakilala. Pero nawala iyon nang sabihin na niya ang tunay na dahilan, at masaya akong hindi siya nagbabago. Siya ang pinakagusto kong ituring na nakababatang kapatid. Siya ang bunsong handa kong gabayan sa kanyang mga problema, damayan sa sayang kanyang nararamdaman, at bigyan siya ng suporta upang ilabas ang kakayahang hindi niya mailabas dahil walang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para gawin iyon.

8. PRINCESS – Minsan ko lang nakita na tahimik ang babaeng ito, at yun ay ang pagkakataon na naka-headset siya at nagsa-soundtrip gamit ang kanyang cellphone. Si Princess ay maingay na babae, pero napapaiyak ng mga senti na kanta. Kung ilalarawan ko siya, masasabi kong nasa kategorya na siya ng isang ‘babaeng bakla’. Maharot man ay alam kong mahal na mahal niya ang kanyang boyfriend. Isa siya sa mga taong nagpaingay ng grupo namin at walang dudang nagpasaya sa amin. At kung saan, hindi lang mahiyain ang babaeng ito, maipapakita niya sa lahat ang kanyang ginintuang boses. Marahil, siya ang may pinakamagandang singing voice sa batch na ito.

9. KIKO – Una kong napansin ang taong ito nang maglaro ang Youth Bureau ng basketball sa San Andres Sports Complex, ang unang pagkakataon na nanood ng basketball game ang mga departamento ng Manila City Hall. Hindi ako makapaniwalang kayang maglaro ng isang matangkad pero patpating binata, kasama ang mga naglalakihan ang katawan. Pero mas naging malapit ako kay Sir Kiko nang magkaroon ng peace conference sa EARIST at makasabay ko siyang umuwi pagkatapos niyon. Ang pagsabay namin sa jeep sa halos tatlumpung minuto ay naging isang pintuang nagbukas sa akin sa kapirasong buhay ng tahimik na junior officer ng YDWB. Isa ring Abadian na tulad ko (nagtapos kami sa Jose Abad Santos High School), si Sir Kiko ay nag-iwan sa akin ng mga mahalagang paalala kung sakaling itutuloy ko ang paglilingkod sa Youth Bureau pagkatapos ng GIP. Isa siyang drummer at nagmula sa pamilya ng mga musikero, at pinatunayan niya ang kanyang galing nang tumugtog sila sa closing ceremonies ng GIP Batch 02-2011. Isa siya sa nakikita kong magiging kinabukasan ng Youth Bureau, isang lider na binubuo upang maging mas magaling sa hinaharap.

10. DHAVEY – Si Mam Dhavey na yata ang nakita kong pinakamaingay na babaeng supervisor na nakasama ko sa mga naging trabaho ko. Bilang coordinator ng grupong may pinakamaraming pasaway, hindi ko siya masisisi na bulyawan kami sa aming mga pagkukulang. Narinig ko niyang sinabi bago ang closing performance namin na kinakabahan sa gagawin namin, pero alam kong kahit papaano ay may konti siyang tiwala na gagalingan namin ang aming pagtatanghal. Ipinakita sa amin ni Mam Dhavey ang tunay na babaeng taga-Tundo na kahit dakdak nang dakdak ang bibig ay marunong dumiskarte at mabuhay sa gitna ng kagipitan, at nakita ko yan noong makapagluto kami ng simpleng pagkain upang iulam habang nag-eensanyo ng sayaw sa basketball court. Para sa akin, siya ang nanay namin na kahit pinapagalitan kami ay mahal na mahal kami.

11. IAN – Nakita ko ang sarili ko kay Ian noong high school pa ako, yung laging inaasar at pinagkakaisahan, may ginagawa mang katatawanan o wala. Sa kabila niyon, nasa kanya pa rin ang katangian ng isang lider na marunong magmando ng mga tao. Siya ang isa sa mga pinakabuhay ng batch at kung wala si Ian, malamang nganga ang batch.

12. CHERRY – Ang kabataang Manilenya ay may natural na kagandahan at angking katalinuhan, at kung kakatawanin ito ng isang taga-GIP, malamang ito ay si Cherry. Hindi kami kailanman nagkausap nang personal ng isa sa mga miyembro ng District 5, pero sa tuwing siya’y magsasalita sa mga reporting namin ay umaangat ang kanyang galing na kasabay ng mukhang napakaamo’t walang kapares.

13. ERICK – Kung hindi mo kakilala si Erick at naglalakad ka sa isang alanganing kalye, malamang katakutan mo siya. Pero para sa akin, isa siya sa mga iilang pinakatotoong taong nakilala ko sa GIP na karapat-dapat na kaibiganin. Makulit pero may lalim, si Erick din ang iilan lang sa mga taong hindi nakakalimot na batiin ako at hindi siya nabibigong pasayahin ako. Sa kabila ng kanyang masamang nakaraan, nararamdaman kong sa kanyang tuloy-tuloy na pagbabago ay magkakaroon siya ng makabuluhang kinabukasan.

14. JANE – Minsan ko lang nakasama si Jane at hindi ko rin siya nakausap nang personal sa buong panahon ng GIP. Ngunit sa mga obserbasyon ko sa kanya, ang dalagang ito ay isang modernong kabataang Manilenya. Happy go lucky si Jane pero hindi siya yung tulad ng iba na pinipilit magpakasosyal, siya yung tipong simple pero may dating. Mukha man siyang sosyal pero marunong siyang makisama kahit anong oras at kahit saan.

15. PAU – Masasabi kong siya ang team leader ng District 2 GIP. Tulad ko, isa rin siyang beki at taglay ang galing upang dalhin ang grupo sa mga activity. Hindi maarte si Pau at madaling pakisamahan. Masuwerte akong nakilala ko siya dahil iilang beki lang ang nakikilala ko na may utak at may kakayahan.

16. DAYANARA – Tulad ni Cherry, wala rin akong pagkakataon na makakwentuhan nang personal si Dayanara. Nakita ko sa tahimik at medyo nerdy na dalagang ito ang katalinuhan at kagalingan sa pagsasalita. Iilan siya sa mga tao sa batch na napapahanga ako kapag nasa harapan namin at nagre-report.

17. CHRISTIAN – Unang tumatak sa akin si Christian noong nagkaroon siya ng allergy dahil sa di kagandahang hangin sa Army Navy Club. May pagka-sensitibo ang kanyang kalusugan kaya’t kahit papaano’y nag-aalala kami sa kanya pag may inaalma siya sa kanyang katawan. Pero mas tumatak sa akin ay ang kanyang nakakalokong tawa. Isa siya sa mga taong ipinapakita sa akin na masaya siya sa mga nagawa ko para sa grupo. Sa mga tulad niya ay nakakakuha ako ng lakas ng loob na gumawa pa ng mas maganda sa aming mga activity at importante sa akin ang mga papuring iyon.

18. LHEN – Si Lhen ang kauna-unahang batchmate na hindi ko ka-distrito na nakapansin at pumuri sa aking mga nagawa sa mga activity ng GIP. Isa siya sa mga regular kong nakaka-bonding sa GIP at natutuwa akong nagkaroon siya ng pag-ibig mula sa aming grupo. Itinuturing nang ampon sa District 1, si Lhen ay isang simpleng babaeng hindi madaling pakisamahan at maging kaibigan.

19. JONO – Hindi ko siya gustong makasundo noong una — mukha kasing maangas ang dating niya. Dati, sa pakiwari ko’y hindi siya ang tipo ng lalaking gusto kong maging malapit na kaibigan dahil wala akong makitang unique sa taong ito. Maporma, may kotse, mukhang may kaya. Pero aaminin ko, naging judgmental ako kay Josefino a.k.a Jono. Sa kabila ng pagiging angat sa buhay, nakita ko sa kanya ang pagiging palakaibigan sa lahat at walang pinipiling lalapitan. Medyo nitong huli na lang kami nakakapag-usap ng taong ito dahil naging mailap ako sa kanya, di tulad ng ibang beki sa batch. Pero masaya ako na kahit papaano, naging OK ang tingin ko sa best escort ng batch.

20. JEORNA – Para sa akin, siya ang tunay na role model ng GIP. Nasa kanya ang mga katangian ng pagiging huwarang kabataan at ng susunod na magaling na lider. Si Jeorna ang tao na madaling maging kaibigan at sa pagkakakilala ko, siya ang tipong iniintindi ang kapakanan at ikabubuti ng iba. Maraming pagkakataon na nagka-bonding kaming dalawa dahil nakakasama namin siya sa grupo. Magaling na host, magaling na singer, mabait na kaibigan. Taglay niya ang kabataang dapat pamarisan ng kabataang Manilenyo. Mabuhay ka!

Marami pang pangalan ang gusto kong banggitin, o kung posible nga’y mabanggit ko ang pangalan ng lahat ng GIP Batch 02-2011 members. Magkagayunman, sa pagkakaiba-iba ng mga kabataang ito, nakilala ko man nang mabuti o dinaanan lang ng aking paningin, silang lahat ang nagpapatunay na kabataan pa rin ang pag-asa ng bayang ito. Sa dalawampung araw na ginugol ko sa ganitong programa, lalo akong nanindigan na umisip ng mga bagay at pamamaraan upang makatulong sa paghubog ng aking sarili, hindi lang bilang batang Manilenyo, kundi responsableng mamamayan ng Republika ng Pilipinas. Masasabi kong mapalad akong napadpad ako sa GIP dahil hindi ko aakailaing ang mga kabataang minsa’y istranghero sa aking mga mata ay magiging kaibigan ko na naging inspirasyon ko bilang tao, bilang makabayan at mapagmalasakit sa kapwa kabataan.

Pasasalamat: Taos pusong pasasalamat sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Alfredo S. Lim, at sa tanggapan ng Youth Development and Welfare Bureau, lalong-lalo na sa direktor nitong si Arch. Dunhill E. Villaruel.