Napa-update ako ng blog nang di oras dahil naintriga ako sa mga komentong aking naririnig tungkol sa pagpuwesto ni Shamcey Supsup bilang 3rd runner-up sa katatapos lang na 60th Miss Universe sa Sao Paolo, Brazil.
Sa TV Patrol ko lang natunghayan ang mga detalye sa naganap na kompetisyon. Sa Question and Answer portion ng Final 5, marami ang nagsasabi na si Supsup lang ang gumamit ng wikang Ingles sa pagsagot ng katanungang binigay sa kanya, samantalang ang iba’y gumamit ng kanilang katutubong wika. Marami rin ang mga nagkomentong napakahusay ng pagtugon nito sa tanong na kung ano ang kanyang pipiliin sa pagitan ng kanyang sariling relihiyon at sa relihiyon ng kanyang mapapangasawa.
Narito ang apat na komentong rumehistro sa isip ko matapos kong marinig ang kanyang naging sagot:
1. Kung nakaramdam siyang hindi ganoong kagaling mag-Ingles ang mga makakasama niya sa Top 5, sana’y humiling din siya ng interpreter para maging patas ang pagsagot ng mga tanong.
2. Maganda ang kanyang sagot dahil mas pinatatag nito ang pagpapatunay na matibay ang mga Pilipino pagdating sa ating pananampalatayang Kristiyano.
3. Bagama’t lubhang kanais-nais ang pagtugon ni Supsup, mas angkop siguro kung mabilis niyang tinimbang ang halaga ng relihiyon at pag-ibig. Bakit? Nirerespeto ko naman ang kasagutan niya pagdating dito, pero lumabas kasing naging demanding ang kanyang sagot na kung mahal siya ng kanyang mapapangasawa, “HE SHOULD LOVE MY GOD TOO”. Naging authoritarian ang dating at hindi naging patas ang dating nito kung pakikinggan. Mas mabuting naisip niya rin na lahat ng tao sa mundo ay may iisang Diyos na may iba’t ibang pangalan, base sa kinalakhang pananampalataya.
4. Halatang kabado siyang sumagot. Siguro’y mas bigyang pansin ng mga susunod pang sasali sa Miss Universe ang tamang postura o diskarte kung sasagot sa final question na hindi halatang kinakabahan. Ganun din kasi ang naging kaso nina Miriam Quiambao noong 1999 at ni Maria Venus Raj noong nakaraang taon.
Maganda ang naging resulta ng pagkapanalo ni Raj bilang 4th runner up noong Miss Universe 2010 dahil nagbigay ito ng pagkakataon upang mapag-aralang mabuti ni Supsup ang dapat niyang gawin sa naturang beauty pageant. Pero hindi pa rin tayo nagtagumpay na muling masuot ng isang Pilipina ang pinakamataas na karangalan ng kagandahan sa daigdig. Maaaring hindi ito ang panahon dahil para sa akin, nagawa na ni Supsup ang pianakamagandang bagay para lang muli nating masungkit ang minimithing korona. Ang karangalan ay mananatiling karangalan, at sa pagiging pangatlong pinakamagandang babae sa mundo ng ating pambato, manatili pa rin tayong magbunyi at tanggapin nang buong sigla ang naabot ni Supsup. Kahit papaano, hindi biro ang mapasok sa Top 16, Top 10 at lalung-lalo na sa Top 5.
Congratulations Shamcey! Isa kang dagdag na matinding karangalan ng Pilipinas sa mundo. Mabuhay ka!
sayang lang pero maging masaya na tayo kung ano man ang kanyang narating. panalo pa rin sya para sa akin..;-)
okey lang yan basta hindi tayo nawala sa kada top circle na tinatawag