CINEMALAYA SA AKING MATA #04: DILIM /Cuchera/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Sa lahat ng pelikula ng Cinemalaya ngayong taon, ito talaga ang pinaka-interesado akong panoorin. Bakit? Nagtaka ako kung bakit isang mangkok ng okra ang nasa tapat ng poster ng Cuchera na nasa exhibit sa tapat ng Tanghalang Aurelio Tolentino, kung saan may mga bagay doon na naka-display na naging malaki ang kontribusyon sa mga tampok na pelikula. Bakit nga ba okra? Para sa akin, dumami ang pakahulugan ng okra sa klase ng buhay natin ngayon pagkatapos kong mapanood ang obra ni Joseph Israel Laban. Naalala ko ang “Maynila Sa Kuko Ng Liwanag” ni Lino Brocka sa pelikulang ito. Isang istorya kung gaano naging mas mapusok pa ang mga tao para lang makaahon sa buhay – siya ang Cuchera.

 

 

Habang patagal nang patagal, habang patuloy ang pag-unlad ng lahat ng aspeto sa lipunan, habang lumalawak ang isipan ng mga tao sa mga bagay-bagay, marami ang nagsasabing lalong dumidilim ang mundong ating ginagalawan. Ang kadilimang ito ang nagpapayaman sa iilang tao at nagpapahirap naman sa iba. Pero sa mga naghihikahos, ang kadilimang ito ay nagsilbing pagkakataon para kumapit sa patalim, para mamuhay nang maluwag sa gitna ng dilim.

 

Maituturing na isang pangmulat-mata sa realidad ng kasalukuyang panahon ang Cuchera. Pinagkabit-kabit na kuwento ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot gamit ang mga ‘drug mule’ o tinatawag nilang mola. Dito idinetalye ang proseso ng paglilipat ng droga mula sa Pilipinas papunta sa Tsina at kung paano ito nakaapekto sa mga taong sangkot sa ganitong uri ng iligal na negosyo.

 

Matagal na sa ganitong kalakaran si Isabel, at sa gabing ito, sa halip na siya ang magmomola, ay siya naman ang susubok na sumabak sa pamumuhunan ng pagdadala ng mga kapsula ng droga mula rito sa bansa papunta ng Macau. Mula sa mga dayuhang naging suki niya ang ikakalakal niyang mga kapsula at ito ay kanyang ipupunla sa mga kabataang may iba’t ibang pangangailangan, mga first timer sa ganitong negosyo. Nariyan si Enzo na isang callboy na gustong magkaroon ng ekstrang pera upang pambayad sa kanyang utang sa humahawak sa kanya; si Lolita na nangangailangan ng pampagamot sa ate niyang nasira ang ulo dahil sa pagiging mola; at si Jonathan na pumalit sa kanyang kasintahang si Clarissa upang patunayang kaya niyang gawin ang lahat upang maipakita ang tunay na pagmamahal sa dalaga. Lahat sila ay naranasan sa kauna-unahang pagkakataon ang paglagakan ni Isabel ng mga kapsula sa loob ng kani-kanilang katawan. Una sa bibig, at upang maipasok ito sa kanilang sikmura ay kinakailangan nilang kumain ng nilagang okra upang dumulas ang kapsula sa kanilang lalamunan. Kapag hindi na kaya sa bibig ay sa ‘ibang butas’ naman pilit na ipapasok ang mga kapsula. Kapag naipasok na ang mga kapsula ay ihahanda na ang kanilang mga pekeng pasaporte at ticket, tutungo sa Macau at hahanapin ang contact na paghahatiran nila ng mga kapsula. Pero dahil nga first time nila, ay dinanas nila ang hirap na gawin ang mga iyon, ang hirap na may kaba na baka sila’y masuplong ng mga kinauukulan.

 

Hindi isang kathang isip na kuwento ito dahil nangyayari ito sa napakarami nating kababayan. Ginagawa nila ito upang kahit papaano’y makaahon sa kahirapan. Masasabi nating may ibang nakakalusot, pero sa pinakahuling istadistika, humigit kumulang sa 100 Pilipino ang nakakulong sa iba’t ibang bilangguan sa Tsina dahil nahuli sila sa gawaing ito. Nitong Pebrero lang ay nahatulan ng kamatayan ang tatlo sa kanila dahil sa negosyong ito. Ang pagmomola ay naging panibagong istilo ng mga malalaking sindikato upang maipasok ang droga sa ibang bansa kaya’t hirap ang ating pamahalaan kung paanong hindi makakapasok sa Pilipinas o hindi makakaalis ng bansa ang mga dumadala nito. Ang istoryang ito ay isa lamang sa daan-daan pa, kaya’t sana ay maging mas maigting ang gobyerno sa paglaban sa kalakalang ito.

 

Salamin ng totoong buhay ang paksa ng pelikula kaya’t hindi rito kinakailangan ng sobrang pag-arte at ito ang lubos na kapuri-puri sa mga artistang gumanap sa Cuchera. Para talaga kay Ma. Isabel Lopez ang tauhang si Isabel dahil nakuha nito ang pagganap bilang tumatandang prostitute na magaslaw ang galaw at pananalita. Napantayan din nito ang pagganap ni Simon Ibarra bilang si Samuel, ang asawa ni Isabel na kahit may mapupusok na gawain ay naging suportado sa kanyang kalagayan ng kanyang kabiyak. Naging katangi-tangi rin ang pagganap ng iba pang artista tulad nina CJ Ramos (gumanap na Lobo na adik at mahalay na pamangkin ni Isabel), Sue Prado (gumanap na Lolita) at ang gumanap na kumare ni Isabel na gumagawa ng pekeng pasaporte na tila matrona kung bumato ng kanyang nakakatawang mga linya.

 

Hindi madali ang gumawa ng pelikula sa gabi, kaya hinahangaan ko ang mga tao sa likod ng teknikal na aspeto nito. Naging maganda camera technique ang blur effect at pagiging malikot ng mga anggulo nito. Hindi naging ganoong kakumplikado ang paglalapat sa musika at naging tama lang ang mga ilaw. Tugma ang pananaw ng script sa kondisyon ng mga tunay na masa at hindi ginagawang detalyado ang mga salita upang ilarawan ang mga nagaganap. Walang duda na ang casting nito ay kapuri-puri dahil epektibo ang kanilang pag-arte kahit hindi nagsasalita.

 

Ang kadiliman ay mayroon ding katapusan, hindi man natin alam kung kailan. Kung ang magpapatalo tayo sa dilim ng lipunan, patuloy tayong magagamit ng mga mapang-abuso. Bagama’t iligal ang kanilang mga ginagawa, bigyan natin sila ng pag-unawa dahil hindi naman nila ito gagawin kung hindi nangangailangang umahon sa naghihikahos na pamumuhay. Sa kabila ng lahat, tayo ay mga taong sumusuong sa anumang laban upang mabuhay. Nagkataong ito ang pinili nila, pero balang araw, matatapos din ito at lahat tayo ay magiging maayos at tutungo sa kaliwanagan.

CINEMALAYA SA AKING MATA #03: SALIW /Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Hindi ko inaasahan na mapapanood ko ang pelikulang ito. Muli, nagpapasalamat ako sa kaibigan kong si Florence dahil tinulak niya akong tunghayan ang isang obrang ito sa Cinemalaya ngayong taon. Kasama sina PLM College of Mass Communication dean Prof. Ludmila Labagnoy at Prof. Neriz Gabelo, nanood kami ng pelikulang ito sa mismong gala night noong July 22 sa Tanghalang Nicanor Abelardo. Isa na namang natatanging pelikulang maglalaro sa iyong isipan at damdaming pampanitikan – ito ang “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” ni Alem Chua at Alvin Yapan, sa pakikipagtulungan ng Far Eastern University.

Mapanlinlang ang mundo ng panitikan. Bawat damdamin ay pilit na tinatago sa mga salita at bawat pintig ng puso’t isipan ay hinahalay ng mga taludtod at mga masining na hakbang. Sa kabila niyon, ang panitikan ay isang maingay na alulong upang ihayag ang tunay na pagmamahal at mariing pagsasamo sa hinihinging atensyon ng isang nilalang sa isa pa.

Ang pelikulang Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa ay isang napakagandang halimbawang nagpapakita ng pagsasanib ng literatura gamit ang mga letra at mga galaw ng katawan. Sumesentro ang istorya nito sa tatlong nilalang na may iba’t ibang hangarin patungo sa iisang resulta – pagmamahal.

Hinahangaan ng estudyanteng si Marlon ang kanyang maestra sa Panitikan ng Pilipinas na si Karen. Kilalang walang asawa sa kabila ng kanyang kagandahan, naging mapusok si Marlon na pasukin ang mundo ni Karen upang ito’y kanyang mapahanga at mabihag ang puso nito. Sa pagsunod nito kay Karen ay napag-alaman niyang nagtuturo pala ng sayaw ang una pagkatapos ng pagtuturo niya sa kolehiyo. Naging pagkakataon ito para sa kanya upang magpakitang-gilas sa kanyang babaeng hinahangaan, at sa tulong ng kaklaseng si Dennis ay kukuha siya ng ‘advance lesson’ sa pagsasayaw upang mabigla si Karen na may kakayahan siya sa nasabing sining. Nais ni Marlon na kung hindi man siya manaig sa klase ni Karen sa unibersidad ay mananaig siya sa pagsasayaw na magdadala sa paghanga ni Karen sa kanya. Naging malapit sina Marlon at Dennis, at dito rin naging bukas si Marlon sa buhay ni Karen sa likod ng literatura at sayaw. Di kinalaunan ay nakumpirma ni Karen na tinuturuan ni Dennis si Marlon bago pa man siya pumasok sa klase nito, at dahil dito’y nagkaroon ng sama ng loob si Marlon kay Dennis dahil akala nito’y sinumbong siya ng huli kay Karen. Naramdaman ni Karen ang tensyon sa dalawa at pinagkasundo sa pamamagitan ng sayaw. Sa paglalaro ng kanilang mga damdamin sa bawat hakbang ay nakuha nila ang sining ng pagsasayaw, at dito’y nakumbinsi nila si Karen na sa kanila ibigay ang dalawang pangunahing tauhan sa planong dance adaptation nito na base sa alamat ni Humadapnon. Ang gaganapang tauhan ni Dennis ay si Nagmalitong Yawa na nag-anyong lalaki bilang Sunmasakay na magtatanggol sa datung si Humadapnon sa kuwebang puno ng mga kababaihang nagnanasa sa kanya. Si Humadapnon ay gaganapan ni Marlon, at sa maiigting na pagsasanay sa mga kinakailangang eksena ay umigting din ang kanilang pagsasamahan – hindi na lang para mapasaya si Karen kundi para sa kanilang mga nililihim na nararamdaman sa isa’t isa.

Maraming nag-aakala na ang pelikulang ito ay isang pink film, o pelikulang tumatalakay sa same sex issues at sinasabing ginamit lamang ang kuwento ni Humadapnon upang pagtakpan ang anggulo ng romantikong damdamin ng dalawang parehong kasarian. Pagbibigyan ko ang mga nagsasabi ng mga ganoong perspektibo – oo, maaaring ituring na pink film ang obrang ito – pero hindi ito isang ordinaryong pink film na laging tumatalakay sa kalaswaan o makamundong relasyon ng dalawang lalaki. Ito ang pelikulang masasabi kong nabibilang sa iilang pelikulang nagpapamalas sa mga sarado ang utak na ang pagiging ispesyal ng mga same sex ay nagagamit sa produktibong paraan. Sa bawat saliw ng mga titik ay may kaakibat na pagkamalikhain upang mabuo ang sining ng sayaw. Ito ang pelikulang dapat pamarisan pagdating sa paggawa ng pink films dahil sa mga ganitong obra ay maitatanghal ang pagpapahalaga ng same sex sa panitikang unti-unti nang binabalewala ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Walang katumbas ang galing sa pagganap ni Jean Garcia bilang Karen. Tila umuurong ang kanyang edad nang unti-unti dahil kung nakilala natin siya bilang matandang dalagang si Miss Minchin sa “Sarah: Ang Munting Prinsesa” noon ay nakikita natin siya ngayon na sumasabak bilang isang mananayaw na tinalo pa ang mga kabataang babae. Ipinamalas din dito ni Garcia ang galing niya hindi lang sa pag-arte kundi sa pagbabasa ng mga obrang pampanitikan at sa aking pananaw ay nagawa niya ito nang tama at may damdamin. Gayundin sina Rocco Nacino at Paulo Avelino na naging sobrang galing sa pag-arte at sa pagsasayaw. Aaminin ko, hindi ko gusto ang kanilang pag-arte sa telebisyon, kaya nasorpresa ako dahil sobrang napahanga nila akong dalawa. Nakuha nila ang tunay na emosyon ng mga galaw at mata ng mga taong may nililihim tulad ng isang tunay na same sex. Kahit ang pagbato nila ng mga ‘cheesy’ na dialogue ay nabigyang katarungan nang mahusay. Dito natin mapapatunayan na ang artista’y magiging epektibo kung mabibigyan siya ng tamang role at script upang ilabas ang kanyang tinatagong galing. Nais ko ring palakpakan ang napakaayos na partisipasyon ng mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) at ng Company Of Dance Artists (CODA).

Higit sa lahat, sobrang kapuri-puri ang teknikal na aspeto ng pelikula, bagama’t ito ay may limitadong budget lamang. Naging mas makabuluhan ang grandiyosong choreography rito dahil sa mga nilapat na orihinal na awitin at musika. Isa pa, napakasaya ring marinig sa ganitong klaseng pelikula ang mga obrang pampanitikan ng mga piling manunulat na nagbigay ng halaga at kulay sa pangunahing hangarin ng istorya. Para sa akin, isa ito sa mga tunay na art films at isang obrang nagpapaangat ng moral ng mga nasa same sex upang maging mahusay sa larangan ng sining na tunay na yaman ng bansang ito.

Ang sayaw ay isang biswal na panitikan. Ang isang magandang sayaw ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang emosyon ng isang tao kahit hindi siya nagsasalita. Gayundin ang pag-ibig, nararamdaman ang tunay na pagmamahal ng isang taon, hindi sa mga magagandang salitang sinasambit o sa mga galaw na nakakapagpakilig. Tulad ng sayaw, ang tunay na pag-ibig ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang sinseridad ng puso at pagiging totoo ng damdamin na para bang isang natatanging obra ng sining.

CINEMALAYA SA AKING MATA #02: HALAGA /Sawasdee Bangkok (2009, Thailand)/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Martes, Hulyo 19. Wala talaga akong interes na manood ng kahit anong pelikula sa Cinemalaya dahil nagipit ako sa budget noong araw na iyon. Pero dahil sa kaibigan kong si Che ay pinautang niya ako para samahan sila sa pelikulang target nilang panoorin. Sa kasamaang palad ay sold out na ang mga tiket para doon. Pinautang ako ni Che at bumili ng tiket para naman sa pelikulang papanoorin ng isa naming kaibigan na si Macky. Nag-bakasakali akong may tiket pa sa pelikulang iyon. Ang masaklap pa ay napakahaba ng pila sa box office kaya inabot ako ng 6:15pm, ang umpisang oras ng 3rd run ng showing sa lahat ng teatro. Talagang inis na inis ako dahil hindi ko na masisimulan ang target kong panoorin nun, at sa kamalas-malas, pagdating ko sa harapan ng box office ay sold out na rin ang pelikulang pinapanood na ni Macky. Nagtanong ako sa takilyero kung ano pa ang hindi sold out na pelikula at nagpakita siya ng dalawa – isang movie workshop at isang Thai movie. Pinili ko ang Thai movie, ang Sawasdee Bangkok na tumatakbo na noon sa loob ng Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater) – at late na ako ng 15 minutes nung pumasok ako roon.

 

 

Ano ang halaga? Sino ang mga taong dapat nating pahalagahan? Kailan tayo nagpapahalaga sa isang tao o sa isang sitwasyon? Bakit natin pinapahalagahan ang mga ito? Paano tayo magpahalaga?

 

Sa ganitong mga tanong nagkakaisa ang mga tampok sa Sawasdee Bangkok, isang nine-segment-short film anthology mula sa Thailand na unang ipinalabas noong 2009. Ito ay mga pelikulang idinerehe ng ilan sa mga pinakamagagaling na direktor ng nasabing bansa, kung saan tampok ang iba’t ibang mukha at mga kuwentong naganap sa napakagandang lungsod ng Bangkok. Apat lamang, sa halip na siyam, sa ang bukod tanging itinampok sa nakaraang Cinemalaya: ang Sightseeing (Wisit Sasanatieng), Bangkok Blues (Aditya Assarat), Pi Makham (Kongdej Jaturanrasamee) at Silence (Pen-ek Ratanaruang).

 

Sightseeing

Nanguna sa apat na pelikula ang Sightseeing – isang kuwento ng bulag na si Na na nakatira sa ilalim ng tulay at nabubuhay sa ganda ng Bangkok sa pamamagitan lamang ng casette tape na kanyang pagmamay-ari. Dito’y nakakilala siya ng isang istranghero na sinamahan siyang libutin ang Bangkok, at tulad ng kantang lagi niyang pinapakinggan sa casette tape, ang natatanging bukambibig lamang nito ay ang kagandahan ng lungsod. Nagtiwala siya sa taong ito na unang beses niya pa lamang na nakilala dahil ang paniniwala ni Na ay isa itong anghel na sumagip sa kanya nang siya’y muntik nang halayin ng dalawang lalaking lasing. Sa pamamagitan ng kanyang bagong kaibigan ay nilibot ni Na ang Bangkok at hindi ininda ang kawalan ng paningin upang damhin ang lungsod. Sa mga salita ng lalaking iyon ay parang nakikita na rin niya kung anong meron sa Bangkok, ngunit lahat ng mga salitang iyon ay tila parang isang alamat lamang. Ang Bangkok na sinasabi ng istrangherong iyon ay tila lungsod na likha at pinaunlad ng mga anghel sa kalangitan, pero ang katotohanan, ang lungsod na iyon ay puno ng pagsubok at puno ng mga patibong na kahit sino ay maaaring mahuli, masaktan at maaaring ikasawi ng isang buhay.

 

Sinasalamin ng Sightseeing ang halaga ng tiwala, bagama’t hindi naging maganda ang resulta ng pagtitiwala ni Na sa misteryosong lalaking ito. Nakumbinsi naman ako ni “Tak” Bongkot Kongmalai (gumanap na Na) sa kanyang pagganap bilang bulag na ginagamit ang kanyang pandinig at pang-amoy upang matukoy niya ang mga bagay at nangyayari sa kanyang paligid. Magkagayunman, sana’y hindi naging magalaw ang kanyang mga kamay na kumakapa ng kung ano-ano para lang masabi na siya ay bulag. Hindi naman naging akma ang pag-arte ng aktor na gumanap sa lalaking istranghero. Hindi ko man alam kung paano nila iarte ang kanilang mga salita, pero naniniwala akong mas gaganda pa ang banat ng mga nakakatawang linya kung maibabato ito sa mas nakakatawa pang pagganap.

 

May mga kuha ang kamera na tila hindi tugma sa pangangailangan ng eksena tulad nung pinapakita ang ilang mga lugar sa Bangkok na kanilang pinuntahan. Sa kabila noon, gusto ko ang mga unang eksena kung saan pinapakita kung gaano kahirap sa isang bulag ang mag-isa sa buhay. Naging patas naman ang trato ng musika sa eksena, lalo pa’t naging sentro ng aspetong ito ang kantang laging pinapatugtog ni Na sa kanyang casette.

 

Ang pinakaispesyal na eksena sa lahat para sa akin ay yung parteng sila ay nasa rotonda sila, kung saan parang nakakita ang kasamang lalaki ni Na na nagpagulo ng isip nito. Napakagandang simbolismo ang paggamit sa busina ng bus na tila alulong ng isang elepante na siyang importanteng hayop sa Thailand. Lubos nitong pinaparamdam na ang lungsod, tulad ng isang elepante, ay may pinapakitang kabaitan ngunit may tinatagong bangis.

 

Bangkok Blues

Sa Bangkok Blues naman ay isinama tayo ng dalawang magkaibigan sa isang abandonadong palaruan sa Bangkok. Sa katabing apartment nun ay pinipilit ayusin ni Louis ang kanyang problema sa kanyang minamahal na babae na si Sajee. Habang naghihintay, ang kaibigan naman ni Louis na si Ananda na mahilig mag-record ng mga tunog ng kapaligiran, ay naglibot-libot upang makahanap ng lugar para siya makasagap ng kanyang idadagdag sa koleksyon ng mga recording. Dito’y nakilala niya ang isang batang babae na humahangos sa sobrang pagod. Mula sa pagbibigay ng tulong ay nabahaginan pa ni Ananda ng interes ang batang babaeng ito sa kanyang hilig sa pagre-record ng mga tunog. Sa kabilang banda, tila hindi naayos ni Louis ang kanyang problema sa kanyang kasintahan. Samakatuwid, umuwi silang may magkaibang napulot na natutunan sa buhay na kung anuman ay hindi malinaw na nilahad.

 

“To love others, you must love yourself.”

“Memory lasts forever.”

 

Ipinarating sa atin ng Bangkok Blues ang halaga ng mga alaala at ng komunikasyon sa pagpapatibay ng anumang pagsasamahan. Ang dalawang magkaibigang ‘farang’ (expatriates) na ginampanan ng comedy team nina Ananda Everingham at Louis Scott ay tila lumagay sa medyo seryosong mga sitwasyon pero nagbabanatan din naman, tulad ng totoong magkaibigan. Ipinakita nilang dalawa na kahit ano pang lumabas na kalokohan sa kanilang bibig, ang mahalaga ay ipinaparamdam ng isang tao na kahit sa anong bagay ay buo ang suporta nito sa kanyang kaibigan. Si Sajee ay naging epektibo sa pagbabato nito ng mga linyang may mura, pabulyaw pero nakakatawa. Mas nakakatawa pa nang nakita ni Scott na suot ni Sajee ang kanyang T-shirt. Umalma ang huli at agad na hinubad ang suot na T-shirt at binato kay Louie na nasa baba ng terrace. Ang tauhang ginampanan naman ni Everingham ay may tinatago mula sa aksidenteng kanyang naranasan, kaya’t meron siyang benda sa kanyang kamay at ulo. Kalmado ang kanyang pag-arte at napakalimitado, akma lamang sa isang taong may kakaibang hilig na sining tulad ng pagre-record ng mga tunog. Naging makahulugan naman ang naging pagganap ng batang babae (hindi tinukoy ang pangalan) na naging palatanong tungkol sa hilig ni Ananda sa pagre-record ng tunog. Pinakagusto ko ang eksenang lumibot ang kamera sa lumang palaruan habang pinapakinggan ng batang babae ang recorded audio ni Ananda sa Central Park, New York. Isang pakahulugan na minsan, ang abandonadong lugar na kanilang kinalalagyan ay minsang naging lugar ng mga alaala ng mga batang naglaro rito at maaaring isa ang batang babaeng iyon sa mga nagdadala ng mga masasayang alaala mula sa lumang palaruan.

 

Hindi naman gaanong gumamit ng teknikal na aspeto sa produksyong ito pero naging sapat ang pagganap ng mga artista. Mas magiging maganda pa sana ang eksenang lumilibot ang kamera sa palaruan habang pinapakinggan ng batang babae ang mga tunog sa Central Park kung dinamihan pa nito ang anggulo at naging mas detalyado pa ang mga tunog sa recording at hindi lang tawanan ng mga bata. Hindi naging malinaw ang pagtatapos, ni nag-iwan ng tuldok kung tatapusin na ba ng tauhang ginampanan ni Scott ang panunuyo sa kasintahan o kung bakit biglang nawala sa eksena ang batang babae na kasama ni Everingham sa palaruan bago dumating si Scott.

 

Pi Makham

Hindi isang tipikal na love made overnight ang istorya ng Pi Makham. Tampok dito ang kuwento ng isang binatang naghahanap ng kanyang ama sa Bangkok at nakakilala ng isang prostitute na tahimik na nakatayo sa isang sulok ng Sanam Luang. Ang gabing iyon ay hindi isang ordinaryong gabi para sa binata at dalagang iyon dahil ipinaramdam sa pelikulang ito ang ilan sa mga makatotohanang senaryo sa lungsod tuwing gabi. Nakakagulat ang kuwento dahil hindi inaasahan na ang namumuong pagtitinginan ng dalawa ay tila isang panaginip lang – isang panaginip na para sa binata ay isang pangyayaring nanaisin niyang ulit-ulitin. Ang babaeng nakatalik, nakausap, nahalikan, nahawakan ang kamay at nakasama niya sa buong magdamag na parang higit pa sa na-pickup na prostitute ay kaluluwa pala ng isang dalagang pinatay sa lugar kung saan mismo nakita ng binata ang babaeng inuumpisahan na niyang mahalin.

 

Tulad ng nabanggit ay hindi inaasahan na ganito kadilim ang sinapit ng istorya sa pelikulang ito. Gayunpaman, napahanga ako sa pagganap ng dalawang artistang gumanap sa pelikula, lalo na sa gumanap na binata (Namo Thongkamnerd) na napatotohanan ang pagganap na probinsyanong hindi kailanman bumalik na pumunta sa isang lungsod. Ang pagiging ignorante sa Bangkok at ang mabilis na pagkahulog ng loob nito sa prostitute (Kalorin Nemayothin) ay isang realidad, lalo na sa isang binatang naging bigo sa pag-ibig at humahanap ng kalinga sa taong sa hindi inaasahan ay kapareho ng kanyang nakaraang minahal. Nadala nilang dalawa ang buong istorya na nanaig ang kilig at naramdaman ang pag-usbong ng emosyon sa pagitan ng dalawang nilalang sa gitna ng hindi ligtas na gabi sa lungsod.

 

Tila naging isang anyong pampanitikan ang pelikula dahil sa voice over na tila story teller na nagdedetalye sa lihim na saloobin ng mga bida at ilang mga paliwanag sa mga eksena na istorya. Hindi naging galawgaw ang mga kuha ng camera at naging mabuti ang hindi masyadong paggamit ng musical scoring upang mapagtuunan kung ano ang tunay na tunog ng isang lungsod kapag sumasapit ang gabi. Ang mga simbolismo tulad ng rebultong kuwago at ng sapatos ng ama ni Namo na natagpuan nila sa paanan ng tulay ay hindi naging ganoong kalinaw sa relasyon nito sa istorya, maliban sa pagsasabi ni Kalorin na huwag nang umasa si Namo na mahahanap pa niya ang kanyang amang sumabak sa Bangkok upang sumali sa mga kilos protesta laban sa pamahalaan. Naging malinaw, bagama’t mahiwaga ang katapusan ng kuwento na mag-iiwan sa inyo ng pagtindig ng balahibo, lalo pa’t noong pinakita ang larawan ng babae noong siya ay natagpuang patay sa Sanam Luang.

 

Para sa akin, isa itong pelikulang hindi malilimutan, bagama’t simple lang ang takbo ng istorya. Isang pag-ibig na hinintay na magtagpo, pero nakakapanghinayang na hindi naisakatuparan dahil sila ay nasa magkabilang dimensyon na ng buhay.

 

Silence

Pinakahuli sa mga tinampok na pelikula ng Sawasdee Bangkok ay ang Silence na patungkol sa isang mayamang dalaga na nasiraan ng kotse sa highway at nakatagpo ng isang binging taong grasa, na para sa perspektibo ng lahat ay nakakadiri at walang gagawing maganda. Minaliit ng dalaga ang kakayahan ng taong grasa na tipikal naman ng reaksyon ng lahat. Sa huli, sa kung ano-anong pagbubutingting nito sa kotse ay umandar ito. Sinubukang bayaran ng dalaga ang taong grasa, pero para sa huli, hindi ito ang kanyang hinihinging kapalit. Ang gusto niya lang na makamit ay sana, marinig nito ang simpleng pasasalamat ng dalaga sa kanyang nagawa.

 

Sa apat na pelikula ay ito, para sa akin, ang pinakamaganda’t pinakamakahulugan. Kung tutuusin, ang buong kuwento nito ay naging komedya pero naging kahanga-hanga ang pagtatapos nito dahil sa isang aral na tila nakakalimutan na ng ilang kabataan sa kasalukuyan – ang halaga ng paggalang at pasasalamat. Ang pagganap ni Ploy Horwang ay naging epektibo upang ipakita kung gaano kapusok ang mga kabataan sa modernong panahon, lalo pa’t nabubuhay sa karangyaan at mga bisyo sa buhay. Binibigyan ko rin ng pagkilala ang pagganap ni Nopachai Jayanama bilang dahil kahit wala siyang dialogue ay naging maganda ang pagdadala niya sa tauhan ng bingi’t mahiwagang taong grasa.

 

Simple lamang ang paghabi sa teknikal na aspeto ng pelikulang ito, mula sa nilapat na musika, kuha ng camera at editing. Medyo may konting hindi pagkatugma sa lighting, lalo na sa eksena sa highway. Gayundin sa bahaging kasama niya ang kaibigan sa bar sapagkat hindi ko naintindihan kung yung lalaki sa pinakaunang eksena nito ay nai-table sila o kasama talaga nila sa loob ng bar. Sa kabila ng mga iyon, hindi nito nahadlangan ang pinupunto ng pelikula dahil ang tunay na nagdala ng kuwento rito ay ang dalawang bida.

 

Totoong nakakaiyak ang huling bahagi ng pelikula, lalo pa’t sa ganoong pagkakataon mo pa matatanto ang realidad na mahalaga ang salitang ‘salamat’. Makabagbag-damdamin ang parteng iyon dahil mararamdaman mong siya ang tipong hindi marunong magpasalamat sa mga simple ngunit magagandang pangyayari sa kanyang buhay. Sana ganun din tayo. Gawin nating laging bukambibig ang pasasalamat dahil ito ay may halaga sa lahat ng tao.

 

Ang apat na pelikulang itinampok sa Sawasdee Bangkok ay nagbigay daan sa mga eksena kung saan nakikibaka ang ilang mga mamamayan sa gulong pampulitika sa Thailand noong mga panahong iyon. Matatandaang nagkaroon ng gusot ang pamahalaan nila mula nang mapatalsik sa puwesto ang kanilang dating Punong Ministro Thaksin Shinawatra. Ang paghahabi sa mga pelikulang ito ay isang pakahulugan ng pagkakaisa ng mga lumikha sa mga nabanggit na obra para isalin ang kanilang disposisyon sa nangyayari sa kanilang gobyerno. Walang dudang isa itong pagtatanghal na karapat-dapat na matampok sa mga film festival tulad ng Cinemalaya.