Marami ang nalungkot at nabigla sa pag-alis ni Father Erick Santos sa Parokya ng Sto. Niño sa Tundo nitong unang bahagi lamang ng taon. Ako man na hindi ganoong palasimba ay nanghinayang sa pagkawala ng minamahal na kura paroko na siyang nagmarka ng simbahan ng Tundo sa mapa ng pananampalataya ng Kalakhang Maynila at ng buong bansa. Siya lang ang bukod tanging pari na hindi ka hahayaang matulog habang pinapalawag sa masaya ngunit malamang sermon ang mga salita ng Diyos.
Noong Biyernes (08.19.11) ay ginanap ang values formation segment sa sinalihan kong programa para sa mga kabataan ng lungsod ng Maynila. Nakakagulat na makita si Father Erick at siya pang magiging panauhing tagapagsalita sa naturang bahagi ng programa. Hindi ko mapigilang mapangiti na makita siyang muli at makinig sa kanyang mga masasayang anekdota na nauugnay niya sa mga aral ng Katolisismo.
Sa mga taga-Tundo na naging tagahanga niya noong siya’y nasa ating parokya pa lang, masaya akong ipaalam na si Father Erick ay nasa mabuting kalagayan. Siya ngayo’y may tinatahak nang ibang landas sa Simbahan at sa media bilang si Father E sa isang Saturday evening show sa Tambayan 101.9 FM at sa isa sa mga bahagi ng Family Rosary Crusade show. Nararamdaman kong sa pamamagitan ko ay nais niyang ipaabot sa atin na miss na miss na niya ang Tundo at tayong mga naging kaparokya niya.
Hindi ako nabigong makapulot muli sa kanya ng mga mahahalagang salitang gagabay sa akin sa mga nalalabi pang panahon ng aking buhay, at gayundin sa mga nakinig sa kanya. Sana’y hindi ko lang ito guni-guni, pero alam ko, sa kanyang mga mata, ay nararamdaman kong natatandaan niya ako. Tulad ng sabi ko, hindi ako palasimba, ngunit kung magsisimba ako na siya ang nagmimisa, hindi pwedeng nasa likod o gitna lang ako ng simbahan. Dapat, lagi akong nasa harap at nakikita’t mas nararamdaman ng kanyang presensiya. At ilang beses na rin niya akong naispatan sa kanyang mga nakakaaliw na sermon.
Sa araw na muli ko siyang nakita ay labis akong nagpupuri sa Panginoon dahil nalaman kong nasa maganda siyang kinalalagyan at may mas makabuluhang misyon para sa ating pananampalataya.
MAHAL NA MAHAL KA NG MGA KATOLIKONG TAGA-TUNDO, FATHER E. HANGGANG SA MULING PAGKIKITA. 🙂
“Know yourself. Be yourself. Be your best self.”
Hello. Do you have any information on Fr. Eric? Do you know where we could go see/visit him? 😊
Hello! Personally, I have no idea on where is Fr. Erick right now. My last update was he’s serving a nursing home for old priests in a Sampaloc parish.
Thank you! 😊