Hindi ako eksperto sa pag-aaral ng mga simbulo at mga selyo, pero pahintulutan ninyo akong ibahagi ang aking sentimiyento sa mga kasalukuyang pagbabago ng mga official escutcheon ng dalawa sa mga pinakapinagpipitaganang pamantasan sa Pilipinas.
Naging kontrobersiyal sa University of Sto. Tomas ang pagbabago sa logo ng kanilang pamantasan bilang paggunita sa kanilang ika-400 taong pagkakatatag. Ang pinakabagong pagsususog sa UST logo ay inaprubahan ng kanilang Council of Regents noong June 21, 2011. Mula sa napakagrandiyosong parisukat na kalasag kung saan pangunahing nakasentro ang Dominican cross at ang Sun of St. Thomas Aquinas, ang opisyal na selyo ng UST ngayon ay ikinulong sa isang itim na circular shield na kinapapalooban ng pangalan ng unibersidad, ang taon ng pagkakatatag at ang ngalan ng Lungsod ng Maynila. Sa loob naman nito ay lumutang ang ginto o dilaw na ginagamit na opisyal na kulay ng pamantasan.
Hindi ako nag-aaral at hindi rin ako alumnus ng UST, pero bilang isang Pilipinong ipinagmamalaki ang unibersidad bilang isa sa mga nanatiling buhay na institusyong pamana ng Katolisismo, medyo nagkaroon ako ng panghihinayang sa naging pagbabago ng opisyal nilang logo. Para ngang lumiit ang pangunahing selyo dahil nasakop ito ng itim na circular shield at ng matingkad nitong kulay sa loob ng bilog.
Tulad ng sinabi ko, makita pa lang ang parisukat na kalasag ay grandiyoso na at walang kupas ang paglutang ng mga simbulo sa loob nito na nagpapakita sa atin na ang UST ay isang natatanging institusyon ng Simbahang Romano Katoliko na nagtataguyod sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ang mismong selyo na mismo ang magpapahanga sa mga makakakita nito at eenggayo sa mga ito na tuklasin ang kasaysayan ng pamantasan. Sa puntong iyon, hindi na dapat ipangalandakan ang pangalan ng UST at kung kailan ito nagsimula.
Literal akong nagulantang sa napakalaking pagbabago sa escutcheon ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Mula sa isang makasaysayang anyo ay naging moderno ang lahat ng simbolo sa buong logo. Ito umano ay pagtatama ng kasalukuyang pamunuan ng Pamantasan sa pagkakamali ng interpretasyon ng lumikha ng kauna-unahang logo sa pamantayang ginawa ng kauna-unahang Board of Regents ng PLM ukol sa opisyal na sagisag ng unibersidad. Bukod pa rito, ang lumang logo ay hindi umano pormal na itinanghal sa madla noong ito’y unang ginamit noong 1965, kaya kaalinsabay sa paggawa ng bagong interpretasyon ng escutcheon ang formal presentation nito noong June 19, 2009, sa pagdiriwang ng ika-44 na taong pagkakatatag ng PLM.
Bagamat alam nang mali umano ang naturang simbulo, ay patuloy pa rin itong ginagamit dahil sa pagiging unique at historical ng lumang logo. Isang sagisag na tunay na ipinagmamalaki ng sinumang gumagamit nito – mula sa uniporme ng bawat estudyante hanggang sa mga sulat na ipinapadala ng Pamantasan sa iba’t ibang opisyal na gamit nito.
MAS GUSTO KO ANG LUMANG LOGO. Bakit? Sa kabila ng pagkakamali ng lumikha nito ay ipinakita nito ang pagiging makasaysayan ng institusyon. Napakaganda ang detalye ng mga simbulo at ang font na ginamit sa pangalan ng Pamantasan na hindi makikita sa ibang logo. Mas pinapahalagahan nito ang mga sagisag ng lungsod ng Maynila at ng PLM bilang kauna-unahang city university sa Pilipinas at unang tuition-free university sa buong Asya.
Alam kong nirerespeto ng kasalukuyang pagbabago sa logo ang tunay na interpretasyon ng kasulatang lumilikha sa opsiyal na simbulo, pero dapat isinaalang-alang nila ang kagandahan ng ilan sa mga natatanging simbulo ng lumang logo, nang sa gayon ay makita ng susunod pang henerasyon ng mga mag-aaral ang kasaysayan ng PLM na nakapaloob doon. Bagkus, sana’y inayos na lang din sa pamamagitan ng board resolution ang deskripsyon ng logo upang tumugma sa lumang logo na mas ipagmamalaki ng mga taga-PLM, kahit luma at may pagka-comic ang pagkakagawa (dahil di pa naman uso ang modernong graphic designing noon).
Oo. Naiintindihan ko ang pagsabay ng lahat ng bagay sa modernisasyon. Pero isipin din natin na ang kasaysayan, kahit anumang mangyayaring pagbabago, ay isang kayamanang dapat na alagaan at ipagpanatili ng sinuman. Sa isyung ito ng pagbabago sa mga pangunahing sagisag ng mga institusyon, nawa’y maisip nila na ito ay bahagi ng kasaysayan – isang maningning na piraso ng kasaysayan na hindi pwedeng basta-basta binabago at binabalewala.
Yung PLM, para sa akin ay gumanda. Yung sa UST naman, para sa akin ay parang gusto lang nila ipakita kung gaano na sila katagal w/c is positive din naman.
Astig ng font ng lumang PLM