FAST POST #02: Si Mideo, Ang ‘Poleteismo’, At Ako

Magiging tapat na ako agad sa inyo: takot akong gumawa ng aking pananaw ukol sa usapin ng kontrobersyal na installation art ni Mideo Cruz na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines na pinamagatang “Poleteismo”. Pero dahil ako’y nasa malayang bansa at may karapatan naman siguro akong tumugon sa isyu malayang tao – taos puso ko itong ibabahagi sa mga mambabasa.

Ako Bilang Isang Katoliko:

Tama. Hindi maganda sa mata nating mga debotong Kristiyano at Katoliko na makitang binababoy ang anumang larawan o imahe ng ating Panginoong Hesukristo. Isa itong mabigat na kasalanang moral na kahit maaaring hindi nasusulat sa Banal na Kasulatan ay mahigpit na pinagbabawal bilang pagsamba at paggalang sa kinikilala nating Maylikha.

 

Ako Bilang Manunuri Ng Sining:

Ang sining ay pagtatanghal ng kalayaan sa pagpapahayag? Oo. Naroon na tayo sa puntong ang pagtingin sa mga obrang tulad ng Poleteismo ay nangangailangan ng malawak na kaisipan upang unawain ang malalim na kahulugan ng exhibit. Kung sa totoong buhay, marami sa mga Pilipino ang tulad ng Poleteismo o mas malala pa. Yung tipong ginagamit ang Diyos para sa pansariling interes. Sinasamantala ang pangalan ng Panginoon upang gumawa ng mga bagay na marumi at hindi tama. Dinudungisan ang kapangyarihang atas ni Hesukristo upang makapang-abuso sa mga kababaihan, kabataan at sinumang walang laban. Sa malalim na perspektibo, mauunawaan mo si Cruz kung bakit niya nalikha ang ganitong bagay. Maaaring may pareho kaming pananaw. Pero ang mali lang niya, sinagad niya ang limitasyon ng sining kung saan marami nang tao ang hindi makaunawa at nasasaktan.

 

Ako Bilang Isang Pilipino:

Nasasangkot na naman tayo sa banggaan ng pulitika at relihiyon sa kontrobersiyang ito. Nakukuha ko ang punto na tayo’y dapat na maging mulat sa isyung ito dahil nakasalalay dito ang moralidad ng ating Simbahan at higit sa lahat, ng ating pananampalataya. Pero bukod dito, marami pa ang kailangan nating gawin. Kung hihinto tayo sa Poleteismo, sa palagay ko, mas lalong hindi yun magugustuhan ng Diyos dahil tumitigil tayo sa mga usaping madaling limutin, madaling patawarin. Kung nagkasala man, parusahan sa tamang hukuman. Pero pakiusap, galaw na tayo. Business as usual.

Siguro, kung ang exhibit na ito ay ginawa sa isang bansang walang dominanteng relihiyon, hindi ito gaanong papansinin. Kung may papansin man, ituturing nila itong isang simpleng pagpapahayag ng damdamin bilang isang tao, isang artista, isang nilikha ng Panginoon. Malas lang talaga si Cruz na ang tinamaan ng kanyang sinasabing obra ay ang pinakamalakas na simbahan sa Pilipinas.

Ang pinakapunto ko lang: Maging bukas ang ating isipan. Hindi magagalit ang Diyos kung pagmamasdan natin ang gawang ito gamit ang talino’t malalim na pag-iisip. Tandaan natin na ang Poleteismo, hindi man natin siya ituring na tunay na sining, ay nakapagpapaalala sa ating lahat na hindi natin dapat bastusin ang Diyos sa iba’t ibang adyenda. Itatak natin sa ating mga utak na ang Poleteismo ay isang malayang pagtatanghal ng isang artista, hindi isang salamin kung saan nakikita natin kung paano natin nababastos ang Panginoon sa araw-araw nating pamumuhay sa mundo. Sana nga.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s