SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Sa lahat ng pelikula ng Cinemalaya ngayong taon, ito talaga ang pinaka-interesado akong panoorin. Bakit? Nagtaka ako kung bakit isang mangkok ng okra ang nasa tapat ng poster ng Cuchera na nasa exhibit sa tapat ng Tanghalang Aurelio Tolentino, kung saan may mga bagay doon na naka-display na naging malaki ang kontribusyon sa mga tampok na pelikula. Bakit nga ba okra? Para sa akin, dumami ang pakahulugan ng okra sa klase ng buhay natin ngayon pagkatapos kong mapanood ang obra ni Joseph Israel Laban. Naalala ko ang “Maynila Sa Kuko Ng Liwanag” ni Lino Brocka sa pelikulang ito. Isang istorya kung gaano naging mas mapusok pa ang mga tao para lang makaahon sa buhay – siya ang Cuchera.
Habang patagal nang patagal, habang patuloy ang pag-unlad ng lahat ng aspeto sa lipunan, habang lumalawak ang isipan ng mga tao sa mga bagay-bagay, marami ang nagsasabing lalong dumidilim ang mundong ating ginagalawan. Ang kadilimang ito ang nagpapayaman sa iilang tao at nagpapahirap naman sa iba. Pero sa mga naghihikahos, ang kadilimang ito ay nagsilbing pagkakataon para kumapit sa patalim, para mamuhay nang maluwag sa gitna ng dilim.
Maituturing na isang pangmulat-mata sa realidad ng kasalukuyang panahon ang Cuchera. Pinagkabit-kabit na kuwento ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot gamit ang mga ‘drug mule’ o tinatawag nilang mola. Dito idinetalye ang proseso ng paglilipat ng droga mula sa Pilipinas papunta sa Tsina at kung paano ito nakaapekto sa mga taong sangkot sa ganitong uri ng iligal na negosyo.
Matagal na sa ganitong kalakaran si Isabel, at sa gabing ito, sa halip na siya ang magmomola, ay siya naman ang susubok na sumabak sa pamumuhunan ng pagdadala ng mga kapsula ng droga mula rito sa bansa papunta ng Macau. Mula sa mga dayuhang naging suki niya ang ikakalakal niyang mga kapsula at ito ay kanyang ipupunla sa mga kabataang may iba’t ibang pangangailangan, mga first timer sa ganitong negosyo. Nariyan si Enzo na isang callboy na gustong magkaroon ng ekstrang pera upang pambayad sa kanyang utang sa humahawak sa kanya; si Lolita na nangangailangan ng pampagamot sa ate niyang nasira ang ulo dahil sa pagiging mola; at si Jonathan na pumalit sa kanyang kasintahang si Clarissa upang patunayang kaya niyang gawin ang lahat upang maipakita ang tunay na pagmamahal sa dalaga. Lahat sila ay naranasan sa kauna-unahang pagkakataon ang paglagakan ni Isabel ng mga kapsula sa loob ng kani-kanilang katawan. Una sa bibig, at upang maipasok ito sa kanilang sikmura ay kinakailangan nilang kumain ng nilagang okra upang dumulas ang kapsula sa kanilang lalamunan. Kapag hindi na kaya sa bibig ay sa ‘ibang butas’ naman pilit na ipapasok ang mga kapsula. Kapag naipasok na ang mga kapsula ay ihahanda na ang kanilang mga pekeng pasaporte at ticket, tutungo sa Macau at hahanapin ang contact na paghahatiran nila ng mga kapsula. Pero dahil nga first time nila, ay dinanas nila ang hirap na gawin ang mga iyon, ang hirap na may kaba na baka sila’y masuplong ng mga kinauukulan.
Hindi isang kathang isip na kuwento ito dahil nangyayari ito sa napakarami nating kababayan. Ginagawa nila ito upang kahit papaano’y makaahon sa kahirapan. Masasabi nating may ibang nakakalusot, pero sa pinakahuling istadistika, humigit kumulang sa 100 Pilipino ang nakakulong sa iba’t ibang bilangguan sa Tsina dahil nahuli sila sa gawaing ito. Nitong Pebrero lang ay nahatulan ng kamatayan ang tatlo sa kanila dahil sa negosyong ito. Ang pagmomola ay naging panibagong istilo ng mga malalaking sindikato upang maipasok ang droga sa ibang bansa kaya’t hirap ang ating pamahalaan kung paanong hindi makakapasok sa Pilipinas o hindi makakaalis ng bansa ang mga dumadala nito. Ang istoryang ito ay isa lamang sa daan-daan pa, kaya’t sana ay maging mas maigting ang gobyerno sa paglaban sa kalakalang ito.
Salamin ng totoong buhay ang paksa ng pelikula kaya’t hindi rito kinakailangan ng sobrang pag-arte at ito ang lubos na kapuri-puri sa mga artistang gumanap sa Cuchera. Para talaga kay Ma. Isabel Lopez ang tauhang si Isabel dahil nakuha nito ang pagganap bilang tumatandang prostitute na magaslaw ang galaw at pananalita. Napantayan din nito ang pagganap ni Simon Ibarra bilang si Samuel, ang asawa ni Isabel na kahit may mapupusok na gawain ay naging suportado sa kanyang kalagayan ng kanyang kabiyak. Naging katangi-tangi rin ang pagganap ng iba pang artista tulad nina CJ Ramos (gumanap na Lobo na adik at mahalay na pamangkin ni Isabel), Sue Prado (gumanap na Lolita) at ang gumanap na kumare ni Isabel na gumagawa ng pekeng pasaporte na tila matrona kung bumato ng kanyang nakakatawang mga linya.
Hindi madali ang gumawa ng pelikula sa gabi, kaya hinahangaan ko ang mga tao sa likod ng teknikal na aspeto nito. Naging maganda camera technique ang blur effect at pagiging malikot ng mga anggulo nito. Hindi naging ganoong kakumplikado ang paglalapat sa musika at naging tama lang ang mga ilaw. Tugma ang pananaw ng script sa kondisyon ng mga tunay na masa at hindi ginagawang detalyado ang mga salita upang ilarawan ang mga nagaganap. Walang duda na ang casting nito ay kapuri-puri dahil epektibo ang kanilang pag-arte kahit hindi nagsasalita.
Ang kadiliman ay mayroon ding katapusan, hindi man natin alam kung kailan. Kung ang magpapatalo tayo sa dilim ng lipunan, patuloy tayong magagamit ng mga mapang-abuso. Bagama’t iligal ang kanilang mga ginagawa, bigyan natin sila ng pag-unawa dahil hindi naman nila ito gagawin kung hindi nangangailangang umahon sa naghihikahos na pamumuhay. Sa kabila ng lahat, tayo ay mga taong sumusuong sa anumang laban upang mabuhay. Nagkataong ito ang pinili nila, pero balang araw, matatapos din ito at lahat tayo ay magiging maayos at tutungo sa kaliwanagan.