CINEMALAYA SA AKING MATA #01: PAGTATAKIP /Maskara [Laurice Guillen]/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Halos maraming taon din mula nang huli akong dumalo sa opening night ng Cinemalaya. Isang maigting na pagpapasalamat sa kaibigan kong si Florence na naging volunteer dun at nagkaroon ako ng pagkakataon para bumalik ang interes ko sa pagdalo sa mga mahahalagang kaganapan na may kaugnayan sa ating pinilakang tabing. Ang opening film ng Cinemalaya na huli kong napanood ay noong itinanghal ang Kubrador ni Jeffrey Jeturian, at alam kong sobrang tagal na nun dahil estudyante pa ako noong pinanood ko yun. Pero dahil sa naka-attend ako ng Cinemalaya 7 Opening, masaya akong sabihin na hindi na ako outdated sa independent film industry. Ngayon, muli kong binubuhay ang aking diwa sa Cinemalaya sa pamamagitan ng paggawa ng mga sulating nagbibigay ng aking pananaw sa ilang mga pelikulang itinampok dito ngayong taon – at unang-una diyan ang opening film, ang Maskara, mula sa direksyon ni Laurice Guillen at sa panulat ni Irina Feleo.

Sinasabi ng marami na ang pag-aartista ay para na ring pagbubukas ng libro ng iyong buhay sa napakaraming tao. Dahil isa ka ngang libro na binubuklat at handang basahin ng iyong mga tagahanga at kritiko, nararapat ay nakahanda ka ring mapuri, mapuna at posibleng masira. Pero kung natapos ang iyong buhay bilang isang artistang may iniwang makahulugang bakas sa industriyang nag-angat ng pangalan mo sa marami, paano kung sa huli nito’y mismong pamilya mo, na kasama mo lagi sa lahat ng nangyayari sa’yo, ay makatuklas ng isang lihim na kahit sa kanila ay tinago mo nang matagal na panahon? Sa tingin mo, paano sila tutugon sa rebelasyong ito?

 

Hindi kakaibang istorya ang Maskara ng batikang artista at direktor na si Laurice Guillen. Hindi ito bago, lalo na sa mga artistang may nilihim at nililihim na ibang pamilya o ibang anak sa kanilang mga ligal na pamilya. Sa kabila niyon, hindi inaasahan ang pag-ikot ng tadhana para sa mga pangunahing tauhan at hindi ito nag-iwan ng negatibong impresyon para sa taong naging puno’t dulo nito.

Nangyari ang mga rebelasyon sa ika-40 araw ng kamatayan ni Bobby. Nagsama-sama ang mga nakasama niya sa industriya at sinabi ang lahat ng mga magagandang alaala tungkol sa kanya. Nariyan ang kanyang pagiging mahusay na aktor, magaling na katrabaho, tunay na kaibigan at walang kapares na mentor para sa mga batang artistang nakahalubilo niya. Ngunit sa kabila ng imaheng iyon ay ang pagiging mabuti niyang ama sa anak na tinago niya sa kanyang kabiyak na si Helen. Sa kanyang pagkamatay ay nakilala ni Helen sa pamamagitan ng mga sulat si Anna, at sa pamamagitan din ng mga sulat na iyon, napagtanto niya ang malinaw na komunikasyon nito kay Bobby hanggang sa malapit na itong mamatay. Sa huli, nakilala rin nang personal ni Helen si Anna. Hindi man naging malinaw ay tinanggap ni Helen nang maluwag sa kanyang kalooban si Anna at tinuring itong naging bahagi ng makulay na buhay ni Bobby.

Walang dudang maganda ang pagkakahabi sa pelikula. Naging positibo ang pananaw ng kuwento nito lalo na sa perspektibo ng pagtanggap at pagmamahal. Hindi rin maikakailang makatotohanan ang istorya dahil binase ang karamihan dito sa kuwento ng namayapang Johnny Delgado na asawa ni Guillen at tatay ni Feleo, na siyang nagsulat ng screenplay at napakagaling na gumanap sa papel ni Anna. Ang lahat din ng mga nagsalita sa salu-salo sa 40 days ni Bobby ay ilan sa mga totoong nakasama ni Delgado sa trabaho at binago na lamang ang pangalan nito para sa kapakanan ng pelikula. Gayundin naman, naging mahusay ang pagganap ni Sharmaine Centenera-Buencamino bilang Helen na siyang pangunahing tauhan sa pelikula dahil sa mukha pa lang ay makikita na agad ang kinakailangang emosyon at hindi niya iniiwanang walang damdamin ang bawat salitang kanyang binibitawan. Kahit pasulpot-sulpot ay maganda din naman ang naging pagganap ni Tirso Cruz III sa papel na Bobby. Hinayaan niya tayong makita ang artistang hinahangad na maging katulad ng lahat na magaling at hindi mapili sa kanyang mga makakatrabaho. Sa kabila ng kanyang pagtatago sa anak ay hindi nito binalewala ang kanyang obligasyon dito at naging mabuti pa rin siyang tatay kay Anna at gayundin, ang pagiging mabuting padre de familia sa pamilya nila ni Helen.

Hindi naman ginawang kumplikado ang paglalapat ng musika at ilang post production technicalities. Naging tugma naman ang mga kuha ng camera sa mga eksena at nanatiling kalmado sa mata ang bawat eksena. Nagkaroon lang ng pagkahalata doon sa bahay nina Anna na hindi ganoong natural ang ilaw sa loob nito. Higit sa lahat, naging kapansin-pansin ang closing billboard dahil pinakita roon ang isang actual video ni Johnny Delgado habang sumasabay na umaawit sa tinutugtog sa isang restaurant sa Spain. Pinakita rito kung gaano kagiliw ang beteranong aktor sa kabila ng sakit na kanyang taglay noong siya ay nabubuhay pa.

Ang simbolo ng maskara ay maraming ibig sabihin. Sa industriya ng showbiz, ang maskara ay may kakambal. Kung may masayang maskara na humaharap lagi para pasayahin tayo, may nakasimangot ding maskara upang ipakita na sila ay tao rin: nalulungkot sa anumang pagsubok na kanilang pinagdaraanan. May isa pang pakahulugan ang maskara, ito ay para itago ang ilang bagay na hindi nais maipakita sa nakararami. Ang maskara ay gamit upang takpan ang tunay na sinasaloob ng isang tao. Pero magkagayunman, ang maskara para sa mga artista ay kung saan kapag mas epektibo ang pag-arte nila ay nakikita rito ang kanilang tunay na buhay.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s