Sino Na Si Ninoy Sa Atin Ngayon?

Ang aking kauna-unahang video entry para sa Aurora Metropolis patungkol sa ika-28 taong pagkamatay ng sinasabing “the greatest president we never had”. Isang paggunita at pampagising sa mga Pilipino kung para saan ang kamatayan ng magiting na si Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.

Pahabol: Paumanhin kung ngayon ko lang nailathala ang video na ito na nagawa ko pa noong mismong Agosto 21. Masyado lang po akong naging abala sa mga bagay-bagay. Magkagayunman, hindi naman siguro limitado lang sa Agosto 21 ang paggunita sa kanyang kamatayan.

 

 

FAST POST #4: Manila Hostage Crisis – Pakikiluksa Pero Hindi Paghingi Ng Tawad

Isang taon na ang nakararaan nang mangyari ang malagim na Manila Hostage Crisis sa Quirino Grandstand, na ikinasawi ng walong Hong Kong nationals. Sa paggunitang ito, hinihingi ng pamilya ng mga namatay na turista ang katarunungan sa pamamagitan ng paghingi ng public apology ni Pangulong Noynoy Aquino sa bawat isang pamilyang naulila at panagutin ang mga itinuro nilang pangunahing may responsibilidad sa nasabing trahedya.

Ang akin lang, tama na sigurong nakipagluksa na at nakisimpatya ang pamahalaan ng Pilipinas at ang mamamayang Pilipino sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Kung nagawa na naman ng gobyerno ang lahat upang iparating na sinsero sila sa pagtulong, tama na siguro yun upang tanggapin ng mga ito ang pakikiramay. Pero ang paghingi ng patawad? Hindi, sa palagay ko. Bakit?

Hindi ko masisisi ang mga biktima na madala ng kanilang emosyon sa nangyaring ito. Pero dito lumalabas ang isyu ng lahi o racial issue. Laging nasa utak ng ibang Tsino na ang lahi ay mataas kaysa lahi nating mga Pilipino. Sila yung mga may mindset na dahil mas dakila ang lahi namin at kaming mga matataas ang nawalan ay dapat humingi ng paumanhin ang mismong pinuno natin. Magandang hindi sinunod ng Pangulo ang demand na ito dahil ang alam niya ay may sinusunod na hierarchy ang lahat ng pamahalaan, kahit ang pamahalaan ng ating bansa. Sapat na marahil na pagbigyan sila ni Justice Secretary Leila De Lima upang marinig ang kanilang poot sa krisis na kinasangkutan ng kanilang kaanak at ni Senior Police Inspector Rolando Mendoza, isang taon na ang nakararaan. Sapat na ito upang iparating ng buong bansa na tayo man ay nalungkot sa mga senaryo, bagama’t hindi buong lahing Pilipino ang pumatay sa kanilang mga kalahi.

Ang panahon ng pagbababang-luksa ay narito na. Hindi ko ulit masisisi ang mga kaanak na maghihinakit sa pagpanaw ng mga biktima, pero marahil, ang pangyayaring ito ay tunay na itinadhana ng langit at totoong magaganap upang sila’y bigyan ng pansariling aral sa kani-kanilang mga buhay.

+++

Muling basahin ang “SI ROLANDO MENDOZA, SI VENUS RAJ AT ANG KAPALARAN NG PILIPINAS SA PANINGIN NG MUNDO” dito rin sa Aurora Metropolis, inilathala noong Agosto 2010. O eto po ang link: https://aurorametropolis.wordpress.com/2010/08/24/si-rolando-mendoza-si-venus-raj-at-ang-kapalaran-ng-pilipinas-sa-paningin-ng-mundo/

FAST POST: Si Father E

Marami ang nalungkot at nabigla sa pag-alis ni Father Erick Santos sa Parokya ng Sto. Niño sa Tundo nitong unang bahagi lamang ng taon. Ako man na hindi ganoong palasimba ay nanghinayang sa pagkawala ng minamahal na kura paroko na siyang nagmarka ng simbahan ng Tundo sa mapa ng pananampalataya ng Kalakhang Maynila at ng buong bansa. Siya lang ang bukod tanging pari na hindi ka hahayaang matulog habang pinapalawag sa masaya ngunit malamang sermon ang mga salita ng Diyos.

 

Noong Biyernes (08.19.11) ay ginanap ang values formation segment sa sinalihan kong programa para sa mga kabataan ng lungsod ng Maynila. Nakakagulat na makita si Father Erick at siya pang magiging panauhing tagapagsalita sa naturang bahagi ng programa. Hindi ko mapigilang mapangiti na makita siyang muli at makinig sa kanyang mga masasayang anekdota na nauugnay niya sa mga aral ng Katolisismo.

 

Sa mga taga-Tundo na naging tagahanga niya noong siya’y nasa ating parokya pa lang, masaya akong ipaalam na si Father Erick ay nasa mabuting kalagayan. Siya ngayo’y may tinatahak nang ibang landas sa Simbahan at sa media bilang si Father E sa isang Saturday evening show sa Tambayan 101.9 FM at sa isa sa mga bahagi ng Family Rosary Crusade show. Nararamdaman kong sa pamamagitan ko ay nais niyang ipaabot sa atin na miss na miss na niya ang Tundo at tayong mga naging kaparokya niya.

 

Hindi ako nabigong makapulot muli sa kanya ng mga mahahalagang salitang gagabay sa akin sa mga nalalabi pang panahon ng aking buhay, at gayundin sa mga nakinig sa kanya. Sana’y hindi ko lang ito guni-guni, pero alam ko, sa kanyang mga mata, ay nararamdaman kong natatandaan niya ako. Tulad ng sabi ko, hindi ako palasimba, ngunit kung magsisimba ako na siya ang nagmimisa, hindi pwedeng nasa likod o gitna lang ako ng simbahan. Dapat, lagi akong nasa harap at nakikita’t mas nararamdaman ng kanyang presensiya. At ilang beses na rin niya akong naispatan sa kanyang mga nakakaaliw na sermon.

 

Sa araw na muli ko siyang nakita ay labis akong nagpupuri sa Panginoon dahil nalaman kong nasa maganda siyang kinalalagyan at may mas makabuluhang misyon para sa ating pananampalataya.

 

MAHAL NA MAHAL KA NG MGA KATOLIKONG TAGA-TUNDO, FATHER E. HANGGANG SA MULING PAGKIKITA. 🙂

 

“Know yourself. Be yourself. Be your best self.”