CINEMALAYA SA AKING MATA: Pananaw Sa Mga Piling Obrang Tampok Sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival

 

 

 

 

 

Sinasabi ng marami na unti-unti nang namamatay ang sining ng pelikula sa Pilipinas. Mas nananaig na ang Hollywood at foreign films sa ating mga pinilakang tabing at ang dating mga sikat na moviehouse na na pangunahing instrumento sa pagpapaunlad ng Sine Filipino noong nakaraang limampung taon ay naglaho na. Wala mang halaga sa nakararami ang realidad na ito, isaisip natin na ang senaryong ito ay may malaking epekto sa pangangalaga ng ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

 

Noong 2005 ay isinilang ang isang pagdiriwang na nagtatanghal sa mga tao at grupong pag-asa ng Sine Filipino na mag-aahon sa kanya sa pagkalugmok at muling mag-aangat sa kanya sa dati nang karangalan nito bilang pinakamakulay na industriya ng pelikula sa Asya sa hinaharap. Ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival –nakapaghatid na at patuloy pa ring naghahatid ng mga likha mula sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na ang hangad ay makatulong sa kinabukasan ng industriyang nilulugmok na ng kahirapan, pamumulitika at Kanluraning paghanga. Sa Cinemalaya, nagiging posible ang mga pelikulang hindi sumusunod sa takbo ng komersyalismo at ang tanging pangunahing hangarin ay maiangat ang pelikulang Pinoy hindi lang bilang isang produktong ibinibenta, kundi isang sining na hinuhubog, inaalagaan at pinagmamalaki sa lahat.

 

Nasa kolehiyo pa lang ako ay naging hilig ko na at ng mga kaibigan ko ang manood ng mga pelikula sa Cinemalaya taon-taon. Sobra akong pinahanga ng mga pelikulang natunghayan ko na rito sa napakaraming aspeto – mga aspetong hindi ko laging nakikita sa mga hinahain ng mainstream/commercial cinema. Dito rin sa Cinemalaya ay naging bukas sa mga tulad kong normal na mamamayan ang pasukin at pamanghain ng Sentrong Pangkalinangan ng Pilipinas (Cultural Center of the Philippines) na isang patunay na dapat itrato natin ang lahat ng pelikula bilang buhay na tagapagtaguyod at biswal na mensahero ng sining at kulturang Pilipino.

 

Hindi talaga ako mahilig na gumawa ng mga rebyu ng mga pelikula, pero sa pagkakataong ito, bilang personal na papugay sa Cinemalaya, magiging bahagi ng Aurora Metropolis ang tatawagin kong ‘Cinemalaya Sa Aking Mata’. Hindi ito pormal na rebyu, pero dito ay ibabahagi ko ang aking mga simpleng pananaw sa mga obrang tampok tuwing panahon ng Cinemalaya. Ngayong 2011, sa katatapos lang na ikapitong taon ng Cinemalaya, ay sisimulan ko ang serye ng mga lathalaing ito sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga pelikulang “Maskara” ni Laurice Guillen (ang opening film ng Cinemalaya ngayong taon), Sawasdee Bangkok (isa sa mga tampok na banyagang pelikula mula sa Thailand), “Cuchera” ni Joseph Israel Laban, at “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” nina Alvin Yapan at Alemberg Ang.

 

Isang taos-pusong pasasalamat sa aking mga kaibigang sina Florence Rosini (tagapagtatag ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Film Society), Cherry Aggabao, Anthony Macarayan, Prof. Nerissa Gabelo ng St. Scholastica’s College-Department of Language and Literature at PLM-College of Mass Communication dean, Prof. Ludmila Labagnoy.

 

MATUTUNGHAYAN NYO DITO ANG ‘CINEMALAYA SA AKING MATA’ SA LUNES, AGOSTO 01, 2011 HANGGANG SA BIYERNES, AGOSTO 05, 2011. INYO PO ITONG ABANGAN. MARAMING SALAMAT PO.

One thought on “CINEMALAYA SA AKING MATA: Pananaw Sa Mga Piling Obrang Tampok Sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s