Nang malaman kong tatanggalin ang “The Flame” bilang tampok na istruktura sa harapan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, inaamin kong umiral sa akin ang pagtatampo sa mga namamahala ng unibersidad. Ang monumentong iyon ang unang bumungad sa akin noong una kong makita nang personal ang Pamantasan, Pebrero 2004. Tinatangi ko iyon hanggang ngayon dahil masasabi kong siya ang tunay na simbulo ng PLM at isa sa mga kapansin-pansing rebulto sa loob ng Intramuros. Mahal na mahal ko yon dahil mayroon pa akong larawan niya sa aking cellphone.
Nang mabalitaan ko namang ang papalit sa “The Flame” ay estatwa ni Dr. Jose Rizal upang bigyang-pugay ang ika-150 kaarawan ng Pambansang Bayani, umiral sa akin ang lubusang pagtataka. Sinasabi sa kasaysayan na ang lupaing kinatatayuan ng Pamantasan ay kung saan nakatayo dati ang hukumang tumimbang sa sinasabing kasalanan ni Rizal sa pamahalaang Kastila. Bukod sa senaryong ito ay wala na ‘kong maisip na sapat na mga dahilan para ilagak ang isang Rizal memorial sa facade mismo ng PLM.
Hindi naman sobrang napakasama ng loob ko sa paglalagay kay Rizal sa harapan ng unibersidad. Lahat tayong mga Pilipino ay walang dudang sinasaludo ang kanyang kabaynihan. Siya nga ang nagsabing ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’. Samantalang ang PLM, na itinatag noong 1965, sa mismong kaarawan ng pambansang bayani, ang isa sa mga pangunahing institusyon ngayon upang isakatuparan ang mahalagang pahayag na iyon ni Rizal.
Kung tutuusin ay wala akong karapatang sabihin ang mga ito dahil hindi naman ako nakapagtapos sa PLM at hindi ko maikokonsiderang alumnus ako ng Pamantasan. Pero mula nang huminto ako sa pag-aaral noong 2006 ay hindi huminto ang paglilingkod ko sa PLM hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagtulong sa opisyal nitong pahayagan na Ang Pamantasan (AP). Ang PLM ang institusyong naglantad sa akin sa kagandahan at pagsubok ng buhay, at kung paano haharapin ang mga hamong ito. Dito natupad ang aking pangarap na maging manunulat at magpahayag ng tunay kong damdamin na ang mga instrumentong gamit ko’y isip at panulat. Hindi man ako nagtapos ng pag-aaral ay patuloy pa rin akong nag-aaral, nananaliksik at natututo sa labas ng Pamantasan. Naglilingkod ako sa bayan sa pamamagitan ng pagtulong sa paraang kaya ko. Walang humpay ang aking pagmamasid sa mga nangyayari sa kapaligiran at malayang inilalahad ang aking saloobin sa pamamagitan ng social networking at iba pang makabagong teknolohiya. Sa mga bagay na iyon ay nagpapasalamat ako sa PLM sapagkat sa tulong niya ay naisasabuhay ko ang gustong makita ni Rizal sa ating mga kabataan.
Ang paggunita sa kaarawan ni Rizal ang patunay na nagpapaalala sa atin ng maraming bagay: na ang demokrasya ay ginagamit upang maipahayag nang tama ang lahat; na ang kalayaan ay ipinagtatanggol at pinangangalagaan sa maraming mapayapang paraan, hindi lamang ng dahas; na ang edukasyon ay napakahalaga, na kahit tayo’y wala sa loob ng paaralan ay importanteng paunlarin natin ang ating kaalaman sa mga bagay-bagay. Lahat ng ito’y bahagi siya at nagpapasalamat tayong naging bahagi siya ng ating kasaysayan.
Maaaring inilagay si Rizal sa harapan ng PLM upang ipaalala sa mga mag-aaral nito na nanguna siya sa pagpapahayag sa kahalagahan ng edukasyon. Pero kung sa aking pananaw lang, mapapaalala natin si Rizal hindi lamang sa paglalagay sa kanyang rebulto sa lokasyong lagi siyang makikita’t maaalala. Mas mapapaalala natin siya kung patuloy na maibibigay ng akademya ang kinakailangang kalidad ng edukasyon at paglilingkod para sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon. Isa itong hamon sa unang pamantasang panglungsod sa Pilipinas upang mapabuti ang sistema ng kaalaman para sa mga estudyante. Para naman sa mga mag-aaral at mga kabataan, patuloy tayong mabuhay sa pagpapahalaga ng ating Pambansang Bayani sa edukasyon. Maging simula tayo ng mga ninanais nating pagbabago para sa kinabukasan ng ating bayan. Maging Rizal tayo sa sariling paraan.
Para sa aking Pamantasang mahal, maligayang ika-46 na taong pagkakatatag. At kung nasaan ka man, maligayang kaarawan, Pepe. Mananatili kang rebulto sa aming puso’t diwang makabayan.
June 17, 2011.10.45am
“Maging Rizal tayo sa sariling paraan.” Ito ang diwa ng araw ni Rizal. Sang-ayon ako dito at sana lahat ng pulitiko maging ganun.
hello, aurora metropolis!
marahil, ang isa sa mga paliwanag sa pagpapalit ng simbulo ng iyong pamantasan ay ang hilig ng mga tagapamahala sa mga matitigas at pangmatagalang simbulo gaya nga ng rebulto at mga gusaling commemorative. o, di kaya, simpleng politika o kagustuhang sumabay sa uso.
anupaman, tama ka sa iyong payong marapat na ipagpatuloy natin ang mga adhikain ni rizal sa iba’t ibang paraan. at isabuhay natin ang kanyang mensaheng to keep the fire burning, ‘ika nga. and to march forward as a people.
ako man ay nag-isip ring sumulat sana ng isang commemorative post para kay rizal. pero wala akong gaanong panahon para sa research these days kaya di ko muna itinuloy. medyo ambitious ‘yon, e. ang tentative title, imagining the nation on rizal’s 150th. ayon….
salamat sa paggawi-gawi sa amin at sa pagbabasa. keep on writing! 🙂
regards,
DPSA