Isang pananaw sa sinasabi ng isang grupo na ang Pilipinas umano ay isang bansang hindi pinagpala’t kabilang sa mga alagad ng impyerno.
+++
Hindi ako dinadalaw ng antok kahit halos 24 oras na akong gising, kaya bilang pampaantok ay sinamantala ko ang pagkakataong mag-surf sa internet. Sa panggagalugad ko sa Facebook ay may mga hindi kaaya-ayang fanpage ang bumungad sa akin.
“Philippines Belongs To The Devil”. “Philippines is the Modern Hell”. Mga fanpage na likha ng Westboro Community Church at Ultra-Altaic Community sa pangunguna ng mga pinuno nitong sina Bill Waggoner at Sir Yorkeshire. Halos milyun-milyong tao na ang kumukondena sa kanila dahil sa mga paniniwalang hindi makatao at hindi maka-Diyos.
Bilang isang Pilipinong tulad ko, hindi naman maganda o katanggap-tanggap na makita na hinuhusgahan ng isang kuwestiyonableng sekta ang Pilipinas na sinasabing bansang nararapat na mapunta sa kaharian ng demonyo. Nakakaduda ang galit ng grupong ito sa ating bansa na halos ipagkanulo ang buong lahi kay Satanas.
Oo. Ang bansang ito ay hindi perpekto. Magulo, napupuno ng gutom at kahirapan, isang bayang puno ng pagsubok at may mga kamalian. Oo, tayo ang isa sa mga iilang bansang taos ang pananalig sa Kristiyanismo pero naghahati ng pananaw at paniniwala dahil sa pulitika at kanser ng lipunan. Pero tulad natin, tao silang hindi puwedeng basta-basta manghusga sa kahihinatnan ng ating kaluluwa. Kung ang tingin nila sa ating mga ritwal sa pagsamba ay mali, marahil, marami sa atin ang kabaligtaran nito, na respetuhin kung ano ang kanilang pamamaraan ng pagsamba sa kinikilala nilang Diyos o pagpapatakbo sa pamahalaan.
Kung anuman ang galit ng grupong ito sa mga Pilipino, sobrang malaki at napakalala ng kanilang pinanghuhugutan. Marami nang Pilipino ang mas nauna pang nakatuklas ng fanpages na ito. Maging ako’y sa unang tingin ay napuno ng poot sa kanila at ni-report sa Facebook (na sana naman ay bigyang tugon nila). Pero sa kabila niyon, mga kababayan ko, huwag natin ipakita sa kanila na tayo’y nagpapaapi, na ipinagtatanggol natin ang ating pananampalataya sa tamang paraan na nananatili pa rin ang respeto natin sa isa’t isa. Kung personalan man ang kanilang laban at pantaob nila sa ati’y malawakang diskriminasyon, huwag tayong mangamba. Iilan lang sila. Nananalig akong mas maraming tao sa mundo ang naniniwalang ANG PILIPINAS AY PINAGPALA NG LANGIT. Na ANG PILIPINAS AY TAIMTIM NA NANINIWALA SA ARAL NG TUNAY NA DIYOS. Na ANG PILIPINAS AY NILIKHA NG DIYOS HINDI UPANG MAGING MODERNONG IMPIYERNO, KUNDI MAGING PARAISO PARA SA BAWAT NILALANG SA MUNDO.
Maaaring hindi sila maging interesado sa artikulong ito dahil ito’y isinulat sa Tagalog, o kung may Pilipinong magsasalin para sa kanila nito sa kanilang wika ngunit ito’y pinagwawalang-bahala nila. Pero ang masasabi ko lang, kung may mga nakilala kayong isang taong hindi kayo nagawan ng mabuti, hindi ang taong iyon ang magpapakita ng tunay na ugali ng buong lahing Pilipino.
Kung sinasabi ninyong kilala nyo na ang mga Pilipino kaya’t nahusgahan nyo na kami nang ganoon, hindi kami naniniwala. Mas kilalanin nyo pa kami, hindi sa anggulong negatibo kundi sa anggulong positibo rin. Kung kami ay nabibilang sa mga alagad ni Satanas, sana, hindi kami binigyan ng lupa ng Panginoon na isang paraisong may 7,107 isla sa tabi ng dagat Pasipiko. Sana, kung kami ay pinanganak upang maging masama, sana, noon pa, matagal na kaming nilamon ng dagat o niluto ng nagbabagang asupre ng mga bulkan para ibalik sa sinasabi ninyong dapat naming kalagyan.
Lahat tayo ay makasalanan, pero tayo’y Kanyang patatawarin. Kung ang ating Panginoon nga ay kayang magpatawad, kami, o tayong mga tao pa kaya? Pinapatawad na namin kayo sa kabila ng inyong mga panghuhusga.
“Truly, I say to you, all sins will be forgiven the children of man, and whatever blasphemies they utter, but whoever blasphemes against the Holy Spirit never has forgiveness, but is guilty of an eternal sin for they were saying, ‘He has an unclean spirit.’” – Mark 3:30
.
10:27am, June 05, 2011
isa akong Kristyano. nakita ko rin ang page na yan sa facebook. mas maganda cguro kung mag unlike ang mga pinoy na salungat doon na napa like lang para iparating ang kanilang gustong i-comment. inaamin ko, mali tlga ang pagtuturo sa ibang churches dito sa pinas pero sana naman matutong rumespeto ng paniniwala ng iba. . ndi maganda ang makipagsabayan ang ilan nating kababayan sa salita. dahil para lang nating sinasabi na pareho natin cla.. sayang. ang gumawa pa naman ng page na iyon ay isang pilipino. natutuwa ako at merong blog na katulad nito na ipinararating sa iba ang pagkadisgusto sa page na iyon sa tahimik na pamamaraan at ndi gumagamit ng masamang salita. Godbless to you!
Salamat sa pagsang-ayon. Tama ka rin sa mga sinabi mo. God bless din sa’yo.