Hindi ako ang taong nagtatagal sa iisang karera. Napakarami nang larangan ang aking napuntahan pero karamihan sa mga iyon ay madali kong napagsawaan. May bahagi sa ‘kin na ako’y nanghihinayang tulad ng panghihinayang ng mga taong naniniwala sa akin, pero naninindigan ako na hindi ko pinagsisisihan ang pag-iwan ko sa mga nasabing oportunidad.
Ngunit may isang bagay ang masasabi kong imposible kong atrasan – ang pagsusulat. Inaamin kong madaldal ang aking utak at ‘emo’ ang aking puso kaya maraming posibilidad na mag-ingay din ang aking mga kamay. Ako yung tipong pang-Twitter kung bumuo ng mga ideya, pero pinipilit kong kumpulin ang aking mga nalalaman upang maging note sa Facebook o entry sa WordPress. Sa pagtitiyagang sumulat ng mga sanaysay ay naging matagumpay ako sa pag-iipon ng mga ito – at naging posible ito sa pamamagitan ng Aurora Metropolis.
Hunyo 2010 nang umpisahan ko ang Aurora Metropolis. Nagsilbing isang hakbang upang takasang pilit ang bahagi ng aking pagkatao kung saan ako’y laging bigo. Isang paraisong nagdadala sa akin sa aking paninindigan bilang manunulat. Isang daigdig na kung saan pinaparamdam ko ang aking pananaw, hindi lang para malaman ng mundo na ang mga katulad ko ay dapat respetuhin, kundi ipakita na rin sa lahat na ang sinasabi ng isang simpleng mamamayang nagmamahal sa bayan tulad ko ay may karapatang marinig ng kapwa ko at ng mga kinauukulan.
Ang Aurora Metropolis ay aking nilikha para maglathala ng mga kuwentong kapupulutan ng inspirasyon at realidad ng mga kapwa ko na kabilang sa gay/bimale community. Subalit hindi ito limitado sa mga pilosopiyang ‘maka-beki’ tungkol sa buhay at buhay pag-ibig. Ang Aurora Metropolis ang aking ‘third eye’ – ang aking mga matang nagsasalita ukol sa mga bagay na maaaring hindi napapansin ng pagkaraniwang tao sa ating lipunan. At bilang manunulat, masaya akong ialay ang lahat ng nakikita at sinasalaysay ng mga matang ito.
Maaaring muli akong maghandog ng mga kuwento ng pag-ibig sa pag-uumpisa ng ikalawang taon ng Aurora Metropolis ngayong Hunyo. Nakaka-miss na kasing magsulat ng mga nakakakilig na eksena eh. Hinahamon ko rin ang sarili kong makapagsulat ng medyo ‘daring’ na same-sex love/romance story. Sana magawa ko. Pero kung hindi ko man magawa ito, nangangako akong patuloy na magsusulat at patuloy na magiging malaman ang Aurora Metropolis. May nagbabasa man o wala, walang tigil na dadaldal ang aking utak, mag-i-emo ang aking puso at dadakdak ang aking mga kamay para makapagsalita ang aking bibig at aking mga mata. Alam ko at NANINIWALA ako na may maisusulat pa akong magsisilbing ambag sa pamamagitan ng aking panulat, at alam kong ako ay ginagabayan ng Maykapal.
May 26, 2011
11:25am