PASASALAMAT AT PAGHAMON: Paggunita Sa Ika-46 na Taong Pagkakatatag ng Pamantasan Ng Lungsod ng Maynila at Ika-150 Anibersaryo Ng Kapanganakan ni Gat. Jose Rizal

Nang malaman kong tatanggalin ang “The Flame” bilang tampok na istruktura sa harapan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, inaamin kong umiral sa akin ang pagtatampo sa mga namamahala ng unibersidad. Ang monumentong iyon ang unang bumungad sa akin noong una kong makita nang personal ang Pamantasan, Pebrero 2004. Tinatangi ko iyon hanggang ngayon dahil masasabi kong siya ang tunay na simbulo ng PLM at isa sa mga kapansin-pansing rebulto sa loob ng Intramuros. Mahal na mahal ko yon dahil mayroon pa akong larawan niya sa aking cellphone.

 

Nang mabalitaan ko namang ang papalit sa “The Flame” ay estatwa ni Dr. Jose Rizal upang bigyang-pugay ang ika-150 kaarawan ng Pambansang Bayani, umiral sa akin ang lubusang pagtataka. Sinasabi sa kasaysayan na ang lupaing kinatatayuan ng Pamantasan ay kung saan nakatayo dati ang hukumang tumimbang sa sinasabing kasalanan ni Rizal sa pamahalaang Kastila. Bukod sa senaryong ito ay wala na ‘kong maisip na sapat na mga dahilan para ilagak ang isang Rizal memorial sa facade mismo ng PLM.

 

Hindi naman sobrang napakasama ng loob ko sa paglalagay kay Rizal sa harapan ng unibersidad. Lahat tayong mga Pilipino ay walang dudang sinasaludo ang kanyang kabaynihan. Siya nga ang nagsabing ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’. Samantalang ang PLM, na itinatag noong 1965, sa mismong kaarawan ng pambansang bayani, ang isa sa mga pangunahing institusyon ngayon upang isakatuparan ang mahalagang pahayag na iyon ni Rizal.

 

Kung tutuusin ay wala akong karapatang sabihin ang mga ito dahil hindi naman ako nakapagtapos sa PLM at hindi ko maikokonsiderang alumnus ako ng Pamantasan. Pero mula nang huminto ako sa pag-aaral noong 2006 ay hindi huminto ang paglilingkod ko sa PLM hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagtulong sa opisyal nitong pahayagan na Ang Pamantasan (AP). Ang PLM ang institusyong naglantad sa akin sa kagandahan at pagsubok ng buhay, at kung paano haharapin ang mga hamong ito. Dito natupad ang aking pangarap na maging manunulat at magpahayag ng tunay kong damdamin na ang mga instrumentong gamit ko’y isip at panulat. Hindi man ako nagtapos ng pag-aaral ay patuloy pa rin akong nag-aaral, nananaliksik at natututo sa labas ng Pamantasan. Naglilingkod ako sa bayan sa pamamagitan ng pagtulong sa paraang kaya ko. Walang humpay ang aking pagmamasid sa mga nangyayari sa kapaligiran at malayang inilalahad ang aking saloobin sa pamamagitan ng social networking at iba pang makabagong teknolohiya. Sa mga bagay na iyon ay nagpapasalamat ako sa PLM sapagkat sa tulong niya ay naisasabuhay ko ang gustong makita ni Rizal sa ating mga kabataan.

 

Ang paggunita sa kaarawan ni Rizal ang patunay na nagpapaalala sa atin ng maraming bagay: na ang demokrasya ay ginagamit upang maipahayag nang tama ang lahat; na ang kalayaan ay ipinagtatanggol at pinangangalagaan sa maraming mapayapang paraan, hindi lamang ng dahas; na ang edukasyon ay napakahalaga, na kahit tayo’y wala sa loob ng paaralan ay importanteng paunlarin natin ang ating kaalaman sa mga bagay-bagay. Lahat ng ito’y bahagi siya at nagpapasalamat tayong naging bahagi siya ng ating kasaysayan.

 

Maaaring inilagay si Rizal sa harapan ng PLM upang ipaalala sa mga mag-aaral nito na nanguna siya sa pagpapahayag sa kahalagahan ng edukasyon. Pero kung sa aking pananaw lang, mapapaalala natin si Rizal hindi lamang sa paglalagay sa kanyang rebulto sa lokasyong lagi siyang makikita’t maaalala. Mas mapapaalala natin siya kung patuloy na maibibigay ng akademya ang kinakailangang kalidad ng edukasyon at paglilingkod para sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon. Isa itong hamon sa unang pamantasang panglungsod sa Pilipinas upang mapabuti ang sistema ng kaalaman para sa mga estudyante. Para naman sa mga mag-aaral at mga kabataan, patuloy tayong mabuhay sa pagpapahalaga ng ating Pambansang Bayani sa edukasyon. Maging simula tayo ng mga ninanais nating pagbabago para sa kinabukasan ng ating bayan. Maging Rizal tayo sa sariling paraan.

 

Para sa aking Pamantasang mahal, maligayang ika-46 na taong pagkakatatag. At kung nasaan ka man, maligayang kaarawan, Pepe. Mananatili kang rebulto sa aming puso’t diwang makabayan.

 

 

June 17, 2011.10.45am

Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China.

Ito ay isang pananaw na nagpaparating ng aking bugso ng damdamin bilang isang Pilipinong lumalaban para sa diplomatikong karapatan ng aking bansa. Humihingi na agad ako ng paumanhin sa mga kaibigan kong Tsino at Tsinoy na makakabasa’t makakaintindi ng lathalaing ito kung makakapagbanggit man ako ng mga sitwasyong sangkot kayo at lahing pinagmulan ninyo. Ito ay isang simpleng sanaysay ng mga masasakit na katotohanang kailangang pag-isipan at mapagtanto ng pamahalaan ng Republika ng mga Mamamayan ng Tsina. Ito sana’y lubos ninyong maunawaan dahil alam kong kahit singkit ang inyong mga mata, maputi ang inyong balat at ganap ang pagka-Tsino sa inyong buong panlabas ng katauhan, may dugong Pilipino na rin ang dumadaloy sa inyong sistema. Umaasa ako ng inyong simpatiya ukol dito.

 

+++

 

Maraming taon na’ng pinagdidiskusyunan ang pagmamay-ari sa isang maliit na grupo ng mga isla sa West Philippine Sea na diumano’y may malaking deposito ng langis at enerhiya. Ang Spratly Group of Islands o ang Kalayaan Group of Islands – isang pulutong ng mga pirasong lupa na bahagyang makikita kapag low tide at nawawala sa paningin kapag high tide – pero magkagayunman ay pinag-aagawan ng mga bansang nakapaligid sa karagatang dati’y tinatawag na South China Sea. Sa lahat ng nakikiagaw na bansa, ang hindi ko maintindihan ay ang pakikisali ng bansang Tsina sa pang-aangkin ng Spratlys. Paano? Bakit? Ano ang gusto nilang ipamukha sa atin?

 

Daan-daang taon na ang tagal ng pinagsamahan ng Tsina at Pilipinas sa napakaraming larangan ng buhay. Para sa atin, hindi na lamang basta-basta dayuhan ang tingin natin sa kanilang mga mamamayan kundi bahagi na rin ng ating kasaysayan at kultura. Milyun-milyong patunay ang nagpapakita ng impluwensiyang ito – sa pagkain, sa pilosopiya, sa pagpapatakbo ng mga negosyo’t industriya at marami pang iba.

 

Pero sa likod ng makulay na pagkakapatiran ng dalawang bansa sa matagal na panahon, hindi nito natakpan ang mga masasaklap na di-pagkakasundo ng mga Tsino at Pilipino sa napakaraming pagkakataon. Nariyan ang mga isyu ng pisikal na pang-aapi, pambabastos sa pagkakakilanlan ng mga pinagmamalaki nilang lahi, banggaan ng mga pinaniniwalaan at pagwaksi sa mga di magandang gawain ng isa’t isa. Marami sa mga ito ang muntikan nang makasira sa magandang diplomatiko’t pang-ekonomiyang ugnayan ng Tsina at Pilipinas, pero sabi nga ng marami, mas mahalaga pa rin ang matagal nang pinagsamahan kaysa pagtalunan ang mga bagay na maaari namang pag-usapan at solusyunan.

 

Tulad ng sabi ko kanina, hindi na dayuhan ang tingin natin sa mga Tsino. Sila ang mga pangunahing namumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas kaya’t bukas-palad natin silang tinatanggap sa ating lupain. Marami nang Tsino ang dito na nanirahan, nagkaanak, bumuo ng pamilya’t namuhunan sa kanilang mga negosyo. Ang iba nga sa kanila’y nakilala na dahil sa pagiging primera klaseng negosyante ng ating bansa. Sino ba ang mga may-ari ng SM, Robinson’s, Philippine Airlines, Manila Bulletin, 168 at ng napakarami pang malalaking korporasyon?

 

Kung tutuusin, mga Tsino ang pangunahing nagpapatakbo ng komersyo sa Pilipinas. Pero sa kabila nito, inaabuso ng iilan sa kanila ang kalayaang binibigay natin sa kanila. Kontraktwalisasyon, labis na oras ng trabaho, kulang sa non-wage benefits, at minsan pa’y sinasamantala ang kahirapan, ang ating pagiging mabait at masipag para maitawid ang kanilang mga gawaing hindi naaayon sa batas ng Republika. Hinahayaan nating pagalawain sa kanilang mga palad ang kapalaran ng ating mga kakayahan para lang maging progresibo ang ating ekonomiya. Ang iba pa sa kanila ay malayang nakakapasok ng bansa nang walang kaukulang dokumento. Sila pa ang may layang gumawa ng mga ilegal na aktibidad at mismong mga inosenteng Pilipino pa ang kanilang ginagamit upang isakatuparan ang mga ito.

 

Ang isyu ng pag-agaw ng Tsina sa Spratlys ay isang sitwasyong nagdadala sa aking hinala na tila gusto nilang sakupin ang ating lupain. Mukhang nais nilang ulitin ang ginawa sa atin noon ng Espanya at Amerika, na kahit milya-milya ang layo sa atin ay kinokonsidera nila tayong kolonya. Mahigit 500 NM ang distansya ng Tsina mula sa Spratlys. Ito ay sobrang layo kung ikukumpara sa distansya natin dito na 80 NM LANG ang layo mula sa Palawan. Ayon pa sa United Nations Convention on Law of the Seas, lahat ng nasasakupan ng 200 NM mula sa kalupaan ng bansa ay PAMAMAHALAAN AT PANGANGALAGAAN NG PAMAHALAAN NG REPUBLIKA NG PILIPINAS. Ibig lang sabihin nito, PASOK sa territorial jurisdiction natin ang Spratlys.

 

Kung ang pang-aangkin nilang ito ay kabayaran sa mga tinulong ng kanilang pamahalaan at ng kanilang mga mamamayan sa loob ng napakaraming taon, ito ay hindi katanggap-tanggap na dahilan. Gayundin, kung ang masyadong pagtutulak nila na mapasakanila ang Spratlys ay kabayaran sa mga nangyari sa Manila Hostage Crisis noong isang taon at ang pag-aangkat ng droga ng mga Pilipinong kanilang binitay sa kanila noong Marso, hindi pa rin ito sapat na kadahilanan. Noon pa man, sila ang unang tumuntong sa lupain natin upang ikalakal sa ibang lahi ang kanilang mga produkto. Ang mga mamamayan nila ang pumapasok sa mga gawaing di-kaaya-aya na pati Pilipino o kung sinumang nangangailangan ay dinadamay nila sa mga ito. Ang masakit pa, ang mga nadadamay ang nagbabayad sa kanilang kasalanan at tuluyang nagpapalayo sa kanilang mga pamilya na narito sa bansa. Sila ang dumadayo rito kaya’t sila ang dapat sumunod sa pinapairal nating batas at sa mga pandaigdigang batas na sinusunod din natin.

 

Walang humpay ang pasasalamat natin dahil isa ang Tsina sa mga nagdala sa Pilipinas sa modernong pamumuhay ngayon at sa mga susunod pang panahon. Maaaring nakagawa sila ng monopolyo ng negosyo sa ating bansa na nagkakaroon naman ng magagandang epekto sa buhay nating mga Pilipino. Pero sa usapang pananakop ng teritoryo, sana, maisip ng Tsina na wala na tayo sa panahong barbaro na nananakop ng mga lupain upang makahuthot ng kayamanang hindi para sa kanila. Lubos ang kapangyarihang pampulitikal at kakayahang pangmilitar ng Tsina, kumpara sa atin na ang pinanghahawakan lang ay ligal na kasunduang pang-teritoryal at paanyayang magkaroon ng pag-uusap sa isang maayos na diplomatikong pamamaraan.

 

Sana maisip ng Tsina na ang Spratlys, kung ito man ay may tinatagong ‘kayamanan’, at kung pinapahalagahan nila ang pagkakaibigang meron sila ng ating bansa, ay dapat na nilang ibalato sa atin dahil atin talaga ito at tayo ang mas nangangailangan ng mga ito.

 

 

June 15, 2011.11:49am

Pinasubo

Isang simpleng tulang nagpapahaging sa kung gaano kalaganap ang kamunduan sa pagitan ng mga parehas ang kasarian. Isang panggising para sa mga taong ginagawa ang lahat para magawa ang bisyo, at para sa mga hindi alam ang ‘safe sex’ na nagreresulta sa isang sakit na kung tawagin ay ‘HIV-AIDS’.

+++

 

Walang pangkain

Walang panggastos

Walang panggala

Walang pangnomo

At walang pang-high

 

“Isang teenager,

Isang silahis,

Isang engkwentro…”

 

Sa public CR

Sa bilis sarap

Sa bilis kita

Sa walang malay

Na hahantungan

 

“Hanggang umulit,

Hanggang masanay,

Hanggang mamatay.”

 

 

June 09, 2011.6:27pm