Blessed Pope John Paul II: “Totus Tuus” (Ako’y Sumasaiyo)

Ang kumpletong teksto ng artikulong mababanggit dito (na ang totoong pamagat ay LOLEK: “TOTUS TUUS” [AKO’Y SUMAIYO] – Pagpupugay sa Inyong Kabanalan Santo Papa Juan Pablo Ikalawa [1920-2005]) ay unang inilathala noong Abril 2005. Isinulat ko ito bilang paggunita sa noo’y kamamatay pa lamang na Santo Papa, Pope John Paul II. Sa ikalawang pagkakataon, ilalay ko ang ilang bahagi ng artikulo kong ito at ilang mga karagdagang akda bilang pagpupuri sa Kalangitan sa ispesyal na pangyayari na magaganap bukas, para sa akin at sa buong sambayanang Katoliko.


(*)
“Y Lingua Filipina Tagalog (Tagalog, Ang wikang Filipino)
Mahal kong kaibigang Pilipino
Nawa’y maisapuso ninyo
Ang kaligayang inyong nararanasan
Sa mga araw na ito
At ipahayag sa paggunita ng inyong buhay
Na si Kristo ang Tagapagligtas ng buong mundo.
Mabuhay!”

+ Santo Papa Juan Pablo Ikalawa, Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, Roma, Italya, 2000

Abril 8, 2005. Tanghali sa Vatican. Hinatid na sa huling hantungan ang ika-264 na Santo Papa ng Santa Iglesia Katolika. Sinaksihan ng buong mundo sa kahuli-hulihang pagkakataon ang pinuno ng isa sa mga pinakamalaking relihiyon sa daigdig, matapos na siya’y masawi noong 9:37 ng gabi ng Abril 2, oras sa Roma.

Namatay sa edad na 84 at nanungkulan sa loob ng 26 na taon bilang pinuno ng Katolisismo, ang Santo Papa ay nag-iwan ng malaking pitak sa lahat ng sekta sa sangkatauhan. Sa kanyang pagkamatay, nakita ng buong mundo nag kanyang mga pinagdaanan, mula sa malungkot na pagkabata hanggang siya’y itinuring na prinsipe ng Simbahan at instrumento ng pandaigdigang kapayapaan.

Si Pope John Paul II ay sumibol sa mundo bilang si Karol Josef Wojtyla. Ipinanganak noong ika-18 ng Mayo, taong 1920 sa Wadowice, 35 milya ang layo mula sa kabiserang Krakow, bansang Poland, si Lolek (palayaw ni Karol) ang ikalawang anak ni Karol Wojtyla Sr., retired army officer at isang mananahi, at si Emilia Kaczorowska Wojtyla, isang gurong may lahing Lithuanian.

Nakahiligan ni Lolek ang pagsulat ng tula, pag-aaral ng relihiyon at ang teatro. Noong 1938, siya at ang kanyang ama ay nanirahan sa Krakow, kung saan siya nag-aral sa Unibersidad ng Jagellonian ng literatura at pilosopiya. Nagtatag siya ng lihim na grupong panteatro, nagsulat at umarte sa mga palabas tungkol sa mga naaapi, at sumali sa pagbasa ng mga tula’t iba pang talakayang may kaugnayan sa panitikan.sabi nga ng kanyang mga kaibigan, si Lolek ay isang de-kalibreng aktor at magaling na mang-aawit.

Kahit may mga naghinalang siya diumano ay isang rebolusyonaryong pinuno, marami pa rin ang nagsasabing ang pipiliin ng sagradong College of Cardinals bilang susunod na Santo Papa ay si Karol, (na hinirang bilang Arsobispo ng Krakow noong 1962) matapos mamatay ni Santo Papa Juan Pablo I noong Setyembre 1978 dahil sa atake sa puso. Pinili si Karol noong hapon ng Oktubre 16 at napabalitang tinanggap niya ang resulta ng halalan nang may luha sa kanyang mga mata.

Pinili ni Karol ang pangalang John Paul II sa kagustuhang sundan ang pangalan ng namayapang Santo Papa. Siya ang kauna-unahang hindi Italyanong Santo Papa sa loob ng 455 taon at sa edad na 58, siya rin ang pinakabatang Santo Papa sa loob ng 132 taon.

Ang kanyang mga naging pagbisita sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay di-malilimutan. Ayon sa mga ulat, kahit sino, Katoliko man o hindi, sila’y nagsasama-sama upang masilayan lamang ang Santo Papa. Sa kanyang 200 mga pagbisita sa mahigit 125 bansa sa loob ng 26 na taon, hindi kataka-takang pangaralan siya ng prestihiyosong Time Magazine bilang “1994 Man Of The Year”, na sinasabing ang karisma niya ay “walang kapantay sa kahit sinuman sa mundo”.

Napamahal na sa ating mga Pilipino si Pope John Paul II. Sa kanyang dalawang beses na pagbisita rito sa Pilipinas at sa taon-taon niyang pagbati sa atin sa “urbi et orbi” tuwing Easter Sunday at Christmas Eve masses, nagkaroon na ng malaking puwang sa ating buhay ispirituwal ang pinuno ng Simbahang Katoliko.

Pinakahinahangaan ng Santo Papa ang pananampalataya nating mga Pilipino. Anumang oras, kahit hindi araw ng pagsamba, ay patuloy pa rin tayong nananalangin sa ating Panginoon sa kanyang mga dambana.

Sa lumabas na resulta ng survey ng Social Weather Station noong Marso 2005, isang buwan bago siya yumao, 74% ang patuloy na naniniwala sa Santo Papa – ibig sabihin, siya pa rin ang pinakarespetadong tao ng mga Pilipino sa mundo.

Tayo ang isa sa mga bansang pinakamamahal niya at nais niyang balikan. Maraming mga Pilipinong nagtrabaho sa loob mismo ng Vatican ang nagsasabing palaging kinukumusta ng Papa ang ating bansa at pinagdarasal tayo sa ating mga problema.


Bukas ay isang mahalagang araw para sa mga naniniwala kay Pope John Paul II. Unang araw ng Mayo 2011, siya ay pormal nang sasailalim sa beatification o pagbabasbas ng kabanalan at tatanghaling Blessed John Paul II. Ang hakbang na ito ang unang yugto sa pag-usad ng minahal nating Papa sa pinakamataas na karangalan ng pagkabanal para sa mga Katoliko – ang canonization o ang pagiging santo.

Tayo ay napamahal na kay John Paul II. At ngayong siya ay nakatakda nang gawing banal sa basbas ng Simbahan, nakagagalak sa ating mga puso na siya’y atin nang mahahandugan ng mga dasal. Naniniwala tayo na darating din ang kanyang canonization sa lalong madaling panahon.

“Totus tuus.” Ang ibig sabihin – ako’y sumasaiyo. Ang kasabihang ito ang nagsilbing pagkakakilanlan ni Lolek sa kanyang pagiging Pope John Paul II, na kilala rin sa kanyang pagiging deboto ni Inang Maria. Sa kanyang pagiging banal, siya’y lubusan nang mapapasaatin. Siya’y magkakaroon na ng puwang sa ating mga puso, hindi na lamang bilang alaala ng kanyang maamong mukha, pagngiti’t pagmamahal sa atin, kundi bilang isang minamahal nating banal na ngayon ay sinusubaybayan tayo kasama ng ating Panginoon.

Lem Orven
April 30, 2011, 2:49am

(*) – ang ilan sa mga bahagi ng orihinal na teksto ng artikulong LOLEK: “TOTUS TUUS” [AKO’Y SUMAIYO] – Pagpupugay sa Inyong Kabanalan Santo Papa Juan Pablo Ikalawa [1920-2005] na sinulat ng inyong lingkod noong siya’y manunulat pa lang sa “Ang Pamantasan”, ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).