Ang Mga Kakampi Ng Mga Beki

Sa kasalukuyan ay hindi na ganoong kalaking isyu sa lipunang Pilipino ang pagiging lantad ng ating mga kapatid sa ikatlong lahi. Pero bago pa man nakamit ang kalayaang ito ay kaliwa’t kanang pagkondena ang naranasan ng marami sa atin para lang ihayag sa lahat na ang pagiging bakla o beki ay hindi isang imoral na pagpapakita ng totoong ekspresyon ng ating buhay.

Bagama’t may iilang mga sitwasyong nakaranas ako ng insulto dahil sa pagiging beki ko, masasabi kong mahina pa ang mga iyon kumpara sa dinanas ng maraming tulad natin – binubugbog ng magulang, kinakahiya ng mga kamag-anak, inaabuso ng mga kalalakihan, kinokonsiderang excommunicado ng iilang mga relihiyosa, minumura’t binabasura ng mga tao sa paligid nila.

Sa kabila ng mga ito ay nakakahanap tayo ng iilang mga kakampi na umuunuwa’t gumagalang sa pinili nating landas:

BABAE. Mas naiintindihan ng babae ang sitwasyon natin dahil may mga pangangailangan at kinahihiligan tayo na parehas ng sa kanila. Mas nagtutugma ang emosyonal na aspeto natin sa kanila kaya hindi kataka-taka kung bakit karamihan sa atin ay babae ang matalik na kaibigan.

KAPWA BAKLA O KAPWA BEKI. Tulad ng sa babae ay sila ang mas makakaintindi pang tao sa nararamdaman natin – dahil ganoon din sila. Meron mang mga beki na hindi kagandahan ang ugali (plastik, backstabber, maldita) ay makakahanap pa rin tayo ng mga beki na nagiging malapit nating kaibigan na pwede nating pagsabihan ng mga bagay kung saan naiitindihan nila ito at pwede pa silang magpayo.

CLAN. Hindi na tago sa lipunan ang paglaganap ng social networking, lalo na sa kasalukuyang Facebook Era. Nagkalat din ang textmates at mga clan na nag-iipon ng mga beki para gawing isang grupo’t masayang barkadahan. Nagiging trademark sa mga third sex clan ang laging inuman, sextrip o orgy kapag nagkakaroon sila ng mga eyeball. Pero hindi naman lahat. Mas marami pa ring clan ang tumataguyod sa ikabubuti ng kanilang mga miyembro. Gumagawa sila ng mga paraan upang magamit ng mga kapatid natin ang talentong meron sila tulad ng contest, team buildings at marami pang iba. Sa maliliit na grupong ito’y nagagamit ng iilan ang kanilang managerial skills, kung saan natututo sila kung paano maging lider.

IILANG LALAKI. Hindi lingid sa ating kaalaman na sa kabila ng pagiging ganito natin, hindi natin maitatanggi na lalaki pa rin tayo. Bagama’t may mga straight na hindi gusto ang presensiya natin, ay may iilan pa ring kayang umunawa at rumerespeto sa ikatlong lahi tulad ng pagrespeto nila sa ibang tao. Karamihan pa sa iilang ito ay nirerespeto tayo na para bang tayo ay mga tunay na babae.

HUMAN RIGHTS ORGANIZATIONS. Ang mga bakla ay mga tao rin, at bawat tao ay pinoprotektahan ng mga batas para malayang magamit ang kanilang mga karapatan. Sa mga tulad natin, bukas man ang lipunan sa mga gawain ng third sex community ay may mga tao pa ring nagiging marahas sa pagtrato sa ilan sa atin. Kung may mga ganito kayong sitwasyon ay huwag mahiyang lumapit sa mga organisasyong may kaalaman tungkol sa ating mga karapatan. Alam nila kung ano ang proteksyong kinakailangan mo laban sa mga umaabuso sa’yo.

Hindi ko maisasama sa mga kakampi ang pamilya. Sila man ang mga pinakamalapit na tao sa atin ay dito rin karaniwang nagsisimula ang hindi pagtanggap ng lipunan sa mga nasa ikatlong lahi. May mga iilang nakakaintindi, pero karamihan pa rin ay lumilingon sa ideyang hindi kailanman magiging maganda sa paningin ng iba ang pagkakaroon ng kapamilyang bakla.

Pero para sa akin, ang pinakamatinding kakampi nating mga beki ay, walang iba, kundi ang PANGINOON. Oo, kinokonsidera ng sinumang relihiyon na dalawa lang talaga ang kasariang ginawa ng Diyos sa mundo – lalaki at babae. Sa kabila nito, naniniwala akong sa lahat ng pagkakataon – malungkot man o masaya – ay katabi ko ang Panginoon at Siyang yumayakap sa akin at sumusuporta nang walang humpay. Kung imoral man tayo sa paningin ng tao, kabaligtaran iyon sa paningin ng Maykapal. Hindi mapanghusga ang Langit, bagkus, patuloy na umuunawa, nagmamahal at nagbibigay ng biyaya sa mga ginagawa nating kabutihan. At alam ko, alam nating lahat iyan.

Lem Orven

April 28, 2011, 8:47am

One thought on “Ang Mga Kakampi Ng Mga Beki

  1. eklavumer ay nagsasabing:

    marahil ay napapanahon na upang ituwid natin ang isang katawagan sa ating uri na THIRD SEX. it is politically incorrect and downright humiliating. walang THIRD SEX… please lang pakituwid. maraming salamat and happy blogging.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s