Oras. Katapatan. Sakripisyo.

Sa misang pinuntahan ko noong Palm Sunday ay tinalakay ng pari sa kanyang sermon ang kwento ng paru-paro na umiibig sa isang napakagandang puting rosas.

 

Sa kabila ng oras at paghanga na binibigay ng paru-paro sa rosas, kabaligtaran naman nito ang naging damdamin ng huli. Tila napakayabang pa nito dahil alam niyang sobrang naaakit sa angkin niyang ganda ang pobreng paru-paro. Sinubukan ng puting rosas kung ano ang kayang gawin nito para sa kanya na alam niyang mahihirapan naman ang paru-paro. Sinabi ng puting rosas na iibig lang siya sa paru-paro kapag naging pulang rosas na siya. Walang atubali ang ginawang hakbang ng paru-paro – piniga niya ang kanyang sarili sa ibabaw ng rosas – pumatak ang dugo at tuluyang nawalan ng malay ang paru-paro. Sa pagkamatay niyang ito ay siya namang naging katuparan ng rosas. Ang dugo ng nagmamahal na nilalang ang nagpabagong-anyo sa kanya. Mula sa isang puting rosas, siya ngayon ay naging isa nang napakaganda’t mas kaibig-ibig pang pulang rosas. Ang pagyayabang ng rosas ay nauwi sa kalungkutan. Hindi niya akalaing kayang gawin ng paru-paro ang bagay na yun para lang patunayan nito na tunay niyang mahal ang rosas. Minahal na niya ang paru-paro, pero ito’y huli na.

Matagal ko nang naririnig at natatanggap sa mga text message ang kuwentong ito at hindi siya nabibigong pukawin ang aking puso. Isang kuwentong para sa akin ay isang magandang pagsasalarawan kung ano ang kayang gawin ng tunay na pag-ibig – Oras. Katapatan. Sakripisyo.

Itong istoryang ito ang naging inspirasyon ko para muling sumulat. Ako ngayon ay nakapaloob sa isang relasyon na sa Lunes ay magta-tatlong linggo na. Bagama’t may masasabi akong karelasyon ay hindi ko masasabing lubusan akong masaya at kuntento. Oo, naintindihan kong marami siyang prayoridad dahil sa siya’y anim na taon na mas bata sa akin. Wala namang problema sa akin yun dahil isip-bata rin naman ako. Hindi ko rin naman hinihiling na ako ang nasa tuktok ng kanyang mga prayoridad. Pero sa isang relasyon, lalo pa’t kung ito’y nagsisimula pa lang, kailangan ng sakripisyo upang itayo ang pundasyong magpapanatili ng aming lakas bilang isa. Sakripisyong tulad ng oras, hindi para sa akin kundi para sa amin – na ngayon ay hindi niya magawa.

Medyo katangahan man, pero aminin natin, na kaakibat ng kakulangan sa oras ng iyong karelasyon ay ang pagkakaroon natin ng pagdududa. In short, inaatake tayo ng paranoia. Hindi na isyu sa akin ang kanyang kaadikan sa programang “Glee”, na tinuturing kong mortal na karibal sa kanyang oras. Pero mula nang makatanggap ako ng isang kahina-hinalang text message ng kanyang ex-girlfriend na tila sinisiraan siya sa akin, aaminin ko, nagsimula na’ng manatili sa utak ko ang kawalan niya ng katapatan sa aming relasyon. Hindi na bago sa pananaw ko ang pagiging unfaithful ng karamihan sa teenagers, lalo na sa pag-ibig. Mapusok ang mga nasa ganitong edad at napakaraming gusto sa buhay. Pero kahit alam ko ang bagay na ito, nahihirapan pa rin akong tanggapin na posibleng maranasan ko ito kung di magiging malinaw at maayos ang kinalalagyan ko sa relasyong ito.

Kahapon ay muntikan na akong humagulgol sa simbahan ng Baclaran dahil sa pag-iisip sa kahahantungan ng relasyon namin – isang bagay na hindi ko ginawa sa mga dati kong naging karelasyon. Hanggang pag-uwi ng bahay ay iyak pa rin ako ng iyak habang pinakikinggan ang “Runaway” ni Bruno Mars – ang theme song namin. In short, nag-UBER EMO ako. Pero naisip ko, kailangan ko nang itigil ang pag-atungal kong ito. May mga taong tumulong sa akin kahapon na ipagtanto sa aking sarili na mali ang ginagawa ko – na dapat ay maging normal ako na tulad ng dati. Na tumawa kahit may mga di magagandang sitwasyon. At kagabi, dun ko na itinigil ang drama.

Oo. Kami pa rin. Pero sa ngayon, hangga’t ganun pa rin siya sa relasyon namin, ay hindi ko muna siya iintindihin. May mga prayoridad din ako sa buhay. Itatak ko sa isip ko pansamantala na ako yung taong walang commitment na dinadala. Gusto kong maging kumportable ang puso ko at di muna nag-aalala sa kanya. Oo, mahal na mahal ko siya, pero hangga’t di niya naiisip na mahalaga ang oras, kahit konti, sa isang relasyon, ay magpapakasaya muna ako na tulad ng isang single. Bahala na. Go with the flow na lang.

Good Friday

5:23pm

One thought on “Oras. Katapatan. Sakripisyo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s