“Popular revolution, military rebellion, or restoration of national purpose – the outpouring of love, anger, hysteria and courage that marked the four days of February 22nd to 25th, 1986 in the Philippines expressed itself in a complex web of popular will and calculated politics, which ultimately resulted in a triumph of the center and a reaffirmation, by those leading the revolt, of the conservative values of the nation.” – A. Lin Newmann, Bayan Ko (coffeetable book by Project 28 Days, Ltd. Hongkong, first published in June 1986)
Para sa mga kabataan ng kasalukuyan at ng hinahanap, ang aking pananaw sa tunay na diwa ng 1986 EDSA People Power Revolution, na ngayon ay nagdiriwang ng kanyang ika-25 anibersaryo.
Sa pamamagitan ng Facebook posts ng Ang Pamantasan (official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM) ay naging updated ako sa mga talakayan sa naganap na miting de avance para sa Student Council elections sa nasabing unibersidad kahapon, Pebrero 24. Dito’y narinig ng mga botanteng estudyante ang plataporma’t persepsyon ng mga kandidato para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaang pang-mag-aaral ng buong Pamantasan at ng kani-kanilang mga kolehiyo. Sa pagsubaybay ko sa naturang okasyon, tila hindi ko nakitang itinanong ng sinuman (o sana’y nakalimutan lang na i-post ng kanilang Facebook admin) na itinanong kung ano, para sa kanila, ang diwa ng EDSA para sa mga kabataang lider na tulad nila.
Marami sa atin ang hindi pa pinapanganak nang mangyari ang isa sa mga pinakadakilang digmaan sa kasaysayan ng mundo nitong nakaraang siglo – ang 1986 EDSA People Power Revolution. Dakila, hindi dahil sa maraming napatay na kalaban o ilang siyudad ang napabagsak para muling ibalik sa tama ang pambansang pamahalaan. Ito ay dahil sa mapayapa itong isinagawa ng milyun-milyong Pilipino sa isang kalsada, tangan ang mga armas tulad ng dasal, imahen ng Inang Maria, mga rosas, tapang ng loob, at paniniwala sa kalayaan, pagbabago at kapayapaan.
Marami sa atin ang hindi pa pinapanganak nang mangyari ang digmaan sa EDSA. Lahat ng ito’y ating nasaksihan lamang sa mga libro, mga dokumentaryo, mga tinuturo sa eskuwela at narinig sa kuwento ng mga nakatatanda. Sa panahon ngayon, sapat ang pinagkukunan ng impormasyon upang makita ng kasalukuyan at ng hinaharap kung bakit mahalaga sa ating kasaysayan ang EDSA, tulad ng pagpapahalaga natin sa Kawit at Luneta.
Pero sa ating mga hindi pa pinapanganak nang mangyari ang digmaan ng EDSA, tayong mga kabataan, tuwing kailan natin naaalala, nararamdaman at isinasabuhay ang diwa nito?
Naalala kong bigla si Liliosa Hilao, punong patnugot ng Hasik, ang pinakaunang pahayagan ng PLM, ang isa sa mga kauna-unahang biktima sa ilalim ng Batas Militar na brutal na pinatay noong Abril 1973. Isang lider na lumaban gamit ang panulat na tulad ni Rizal – panulat na nagsilbing sibat na pilit niyang pinapatama sa mga taong nagpapatupad ng maling pamamalakad sa gobyerno. Isa siya sa mga personal kong binibigyang-pugay sa okasyong ito. Bagama’t wala siya noon sa EDSA, alam kong isa ang kanyang istorya sa daan-daang naging inspirasyon ng marami para ituloy ang pagwaksi sa rehimen. Naniniwala akong hanggang sa kanyang huling oras sa mundo’y ipinagtanggol niya ang malayang pamamahayag. Isa siya sa mga kabataang nasayang ang buhay para ipanatili ang kalayaan at patas na karapatan para sa mga kabataang susunod sa kanya – at tayo iyon.
Bilang lider sa klase, sa student council, sa SK o barangay council, sa mga youth organization at kung saan-saan pa, dito natin maisasabuhay ang diwa ng EDSA – ang pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag, ang pangangalaga sa tiwala ng iyong mga pinamumunuan, ang pagiging tapat sa pamamahala, ang taimtim na pananampalataya, at ang paggawa ng tama’t nararapat para sa lahat. Bilang tao at bilang Pilipino, ang pag-alala sa diwa ng EDSA ay hindi lang sana pag-alala sa pagtatapos ng isang madilim na nakaraan. Isa itong paraan ng pagsasabuhay sa mga ginawa ng ating mga bayani noong tayo’y nasa ilalim pa ng pananakop ng mga dayuhan. Isa itong paraan ng pagbibigay-pugay sa libu-libong Pilipinong nagbuwis ng buhay sa loob ng 14 na taong pakikipaglaban sa rehimen. Gawin natin itong inspirasyon, gabay, at upang laging ituwid ang adhikain sa buhay nang may prinsipyo para sa sarili, para sa ating pamilya, para sa ating bayan.
Marami sa atin ang hindi pa pinapanganak nang mangyari ang digmaan sa EDSA. Hindi man natin ituring na utang na loob sa mga pangyayari noong 1986 ang kalayaang tinatamasa ngayon, magsilbi sana itong aral sa ating mga kabataan na manatiling mulat sa katotohanan, maging simula ng mga magagandang pagbabago, at maging bantay sa pagpapanatili sa demokrasyang nakamit, dalawampu’t limang taon na ang nakararaan. Marami pa ring problema ang sambayanan at ang pamahalaan, bagama’t matagal nang wala ang sinasabi nating diktador. Marahil ay ginamit lang ng iba ang makasaysayang senaryong ito para sa kanilang pampulitikang ambisyon at pansariling interes. Pero sa dalawa’t kalahating dekada pagkatapos ng People Power, panahon na siguro para tayo naman ang bumuhay sa tunay na diwa ng EDSA. Panahon na siguro para tayo naman ang tumahak sa kalsadang lubak at gumawa ng mga paraang alam natin para ang daan ay maging makinis at matuwid.
Estudyante man o ordinaryong kabataan, itatak natin ang EDSA sa ating isipan, hindi lang bilang isang kalyeng laging trapik. Naaalala man natin lagi o naalala lang dahil pinapaalala, ang diwa ng EDSA ay mananatiling isang makabuluhang handog ng Pilipino sa mundo – isang handog na dapat tayo mismong mga Pilipino ang magpapuri at magsabuhay, mula noon, ngayon hanggang sa hinaharap.
.
Lem Orven
February 25, 2011
Tondo Manila
naalala ko lang dahil sa pinaalaala lang sa akin…sperm/egg cell palang kasi ako noon…hihihi
🙂
ngaun alum ku na na ganun ung nangyari nung uala paa ako sa mundo!
paniniwala sa poong maykapal
thank u po naka ideya po ako ….hehhe
salamat at may mga taong tumatangkilik parin sa ating bansa. salamat po