2011 Yearstarter: Ang Valentine’s Day, Ang Birthday, At Ang Pangongonsensya Sa Sarili
Ito ang kauna-unahang sulatin na aking ilalathala bilang isang blogger para sa taong ito. Eto kasi ang unang beses ngayong 2011 na nasa mood ang utak at daliri ko na ikumpol ang piraso ng mga salita para gawing halimaw ng aking nagngangalit na pag-iisip na dati’y pilit na kumakawala sa pinakasulok ng aking kukote pero hindi mabuo-buo. Hindi mabuo dahil marahil na rin sa may hinihintay itong mga sitwasyon, may hinihintay itong mga pagkakataon – at ito ay ang pagtayo sa paninindigan na hindi na ako magiging denial emo ko sa Taon ng Bakal na Kuneho. 😀
Oo. Tama. Mararamdaman sa buong linggong ito ang pag-ibig dahil Valentine’s Day sa buong mundo. Mananaig ang imahe ni Kupido, ang kulay pula at napakaraming hugis puso sa paligid; ang condom na inaayawan ng Santa Iglesia Katolika; ang mga motel na magiging pugad ng mga magkasintahan at mga iligal na nagmamahalan; mga love song at love story; at marami pang iba. Pero hindi iikot sa mga ito ang gusto kong ipunto.
Labing-pitong araw (o labing-walong araw kung nasa leap year) mula Pebrero A-Katorse ay aking kaarawan. Bagama’t hindi magkalayo ng distansya ang dalawang petsa, tila wala pa rin sa aking kapalaran ang salitang “pag-ibig”. Tatlong taon na itong wala sa listahan ko (at ikaapat na ngayon) kaya’t lagi kong naiisip nitong mga nakaraang araw: may koneksyon ba ang kasalukuyang ako at ang aking lovelife?
Pagmamahal na may koneksyon hindi lang sa puso, kundi sa buong pisikal na katauhan ko – isang uri ng pagmamahal na ni minsa’y hindi ko nagawang maging personal long-term commitment. Masarap kumain, masarap humilata at mag-text; masarap tumambay sa cyberspace sa maghapon; masarap ang lagi mong hawak ang oras mo; pero dahil sa mga kasarapan ng buhay ay tila hindi ko naramdaman ang halaga ng aking ika-22 taon. Pero napaka-ironic na sa nakaraang taon ko’y sumabak ako sa aking pinaka-demanding na panahon para hanapin ang pag-ibig kung saan marami akong nakaaway at lalong dumami ang hindi makaintindi ng aking nararamdaman. Sa mga makakaintindi, hindi ninyo naman ako masisisi dahil ganun talaga kapag desperado kang mahalin at magmahal. Yun nga lang, ang malaking mali ko ay ipinagsisiksikan ko ang aking pagmamahal sa taong hindi ako kayang mahalin dahil sa isang di maikakailang dahilan.
Ewan. Ang alam ko’y hindi naman ako pangit. Mataba lang ako. Pero ngayon ko lang nakumbinsi ang sarili ko na talagang ‘chusi’ na ang nakakaraming nilalang sa mundo. At hindi ko itatangging apektado ako ng mga pagkakataong ito. Matagal nang may mga nagsasabi sa akin (at marami sila) na kung mas mahal ko raw ang sarili ko’y mas marami ang magmamahal sa akin. Ngunit nanindigan ako sa prinsipyo ng pagmamahal na tinatawag kong “Maging Sino Ka Man” na tila hindi ko rin naman naramdamang totoo.
Mahigit may dalawang linggong pagitan ang Valentine’s Day at ng birthday ko. Hindi ito gaanong nalalayo sa araw na ang lahat ay nagpapahalaga sa tunay na pakahulugan ng pag-ibig. Kaya siguro’y panahon na rin para itatak ko sa utak ko na ang pagmamahal ay hindi lang pinapagana ng puso – kundi pinapaganda ng resistensiya at nagpapabuti ng kalusugan. Hindi ko alam kung paano ito uumpisahan o hanggang kailan ko ito magagawa, pero alam kong may mga susuporta na sa akin na hindi hahayagang tulugan ko na naman ang aking tanging tangka sa aking ika-23 kaarawan.
PS: Pinipilit kong maalala at bigyang-importasya ang dalawang Sunday nights na nilakad ko mula Mall of Asia hanggang CCP Building, kasama ang mga bagong kaibigan. Medyo nakatulong pero alam ko (at alam kong itutulak nila) na marami pa kong lalakarin na malalayo’t malalapad na kalsada para makita ko ang resulta sa pangongonsensya sa sarili ko. =D
and i quote “kaya siguro’y panahon na rin para itatak ko sa utak ko na ang pagmamahal ay hindi lang pinapagana ng puso – kundi pinapaganda ng resistensiya at nagpapabuti ng kalusugan.” – sensible.. and you are amazing!
🙂 advance happy birthday.. and i super agree, hindi ka talaga pangit! ang mga taong pangit ang pkikitungo sa buhay ang dapat tawagin na pangit. you’ll find love soon.. or rather, love will find you soon! happy hearts day!
Salamat Ate Maze! =)