ANG PAGLALAKAD PARA SA KARAPATAN, KAMULATAN, AT KAPATIRAN (Isang Personal Na Pananaw sa 2010 LGBT Pride March)

Nabibilang ba natin kung ilang steps ang ating nagagawa sa araw-araw nating paglalakad? Ilan sa mga ito ang masasabi nating may katuturan at may kabuluhan?

Lahat naman tayo’y nagsimulang gumapang bago matutong lumakad. Bawat hakbang ay ikinararangal ng ating mga magulang at bawat galaw ng ating mga paa’y isang pagtanaw sa naghihintay na napakaraming landas na bubuo ng ating pagkatao.

Hindi biro ang maglakad ng halos isang oras sa gitna ng kalsada habang nagngangalit ang araw, kasabay ang titig ng mga taong hindi mo alam kung anong masasabi o magiging reaksyon sa ginagawa mong pagmamartsa na kasama ang mga pambihirang grupo ng tao sa mundo.

Ito ang “ONE LOVE”, ang LGBT Pride March na inorganisa noong December 04, 2010 ng Task Force Pride of the Philippines, AIDS Society of the Philippines at ng pamahalaang lungsod ng Quezon City. Nilahukan ito ng humigit kumulang isang daang organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan (kasama ang HBOX, ang kinabibilangan kong grupo, na sa unang pagkakataon ay sumali sa ganitong klaseng aktibidad) at libu-libong tao, straight man o hindi, ang nakimartsa para ihayag sa masang madadaanan nito ang paggalang na asam ng Pinoy third sex at ang pagkondena ng LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transexualscommunitysa dumadaming kaso ng HIV/AIDS sa Pilipinas.

Ang lakarang nagsimula sa panulukan ng Tomas Morato at Sct. Lozano ay nagsilbing personal kong senyales na nararapat ko talagang ikarangal ang pagiging ganito ko. Bagama’t may mga grupo nakaantabay sa kalye upang ipagsigawang kami’y “makasalanan”, alam ko sa sarili kong ang pagiging bahagi ng ikatlong lahi ay hindi isang malaking isyu ng imoralidad at ang makaramdam ng pagmamahal sa kapareho mo ng kasarian ay hindi isang kasalanan.

Hindi mahalaga ang sakit ng paa at pawisang mga katawan sa krusadang ito. Kung tutuusin, hindi naman talaga nakakapagod ang martsang ito dahil marami kang kasamang naghuhumiyaw para sa pangunahing layunin ng Pride March – ang lumakad para sa ninanais na karapatan, malawakang kamulatan, at nagkakaisang kapatirang tumutuligsa sa diskriminasyon at sumusuporta laban sa isa sa mga pinakamalubhang sakit na pumapatay ng napakaraming tao sa mundo.

Lahat tayo’y nagsimulang gumapang bago matutong lumakad. Bawat hakbang ay may dahilan at bawat galaw ng ating mga paa’y may itinadhanang patutunguhan. Pero ang paglalakbay na ito sa hapon ng Disyembre a cuatro ang masasabi kong pinakamakabuluhang lakad ng aking buhay – ang pagmartsa para ipagmalaki sa lahat na ako ay kabilang sa mga pinakamalikhain at pinakamasayang grupo ng tao sa mundo.

.

Lem Orven

December 05, 2010

Sunday 3:09pm

.

*Ispesyal na pasasalamat sa Task Force Pride of the Philippines sa pangunguna ni Gelo Camaya at sa mga kasama ko sa La Nacion Real de HBOX sa pamumuno ni Rhon “Hitaro” Bianes.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s