Isang pagbabalik-tanaw at pagtanaw ng utang na loob sa matatapos na taong dalawang libo’t sampu.
Para sa kapakanan ng aking malikot at gulo-gulong kaisipan, ay tutuldukan ko ang aking buhay sa taong 2010 ng mga bagay na bumuhay ng aking dugo ngayong taon. Wala namang mawawala kung magbahagi ako sa inyo ng iilan. Hehe!
Nawala. Marami ring mga bagay ang nawala sa akin ngayong taon. Nawalan ng ganang magtrabaho, nawalan ng mga matatagal nang kaibigan, nawalan ng iilang mga permanenteng kaaway, nawalan ng lola, nawalan ng lovelife, nawalan ng pagkakataong ipakita ang aking kakayahan bilang pinuno, nawalan ng ganang makipag-text at makipagtalamitam sa mga beki; at nawalan ng oportunidad na pumayat.
Oportunidad. Nung mga panahong hindi ko na hilig ang text ay bumalik ang pagmamahal ko sa pagsusulat ng mga kuwento, tula, sanaysay, at kung anu-anong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Lahat ng ito’y naibahagi ko sa aking Facebook Notes at sa aking Aurora Metropolis (https://aurorametropolis.wordpress.com) blog account. Nung bumalik naman ang gana kong makisalamuha sa beki world, ay nabigyan ako ng tyansang maging events manager at graphics designer para sa matagumpay na “HBOX Singing Icon: The Second Battle”, isang malaking singing competition ng mga bimale singers. Dahil dun ay maraming mga karanasan ang aking naranasan at maraming mga tao ang di ko inaasahang maituturing na mga kaibigan.
Kaibigan. Bukod sa HBOX ay napasali rin ako sa iba’t ibang clan nung bumalik ako sa beki world, matapos ang apat na buwang pagkasawa. Nariyan ang Madrigal (na Glam na ngayon), BMA, C24, MBS, at ang binuo kong clan na Nucleus One. Marami rin akong naging mga bagong kakilala’t kasundo sa labas ng aking mga naging clan tulad ng mga waiter sa Starlites, mga founder at officer ng ibang clan, mga crush, mga ex ng aking mga kaibigan, ang may-ari ng computer shop na aking nirerentahan, ang dalawang matatandang dalagang may-ari ng tindahang aking nilo-loadan, at marami pang ibang hindi ko na matandaan. Sila ang mga taong nagbigay sa akin ng iilang eksenang nagpakulit ng aking taon.
Eksena. Tumambling ang kaluluwa ko sa mga ride ng Star City, pumunta ng Tagaytay sa gabi para lang tumambay hanggang mag-umaga, nagbakasyon sa Morong, Bataan na walang dalang pera, bumoto sa National Elections sa kauna-unahang pagkakataon, nag-post ng message sa Facebook fanpage ni PNoy na binasa sa “News on Q”, napagkamalang babae, napagkamalang magnanakaw, lumala ang moodswing dahil sa insecurities, nagpahaba ulit ng buhok, nagpahaba ng pasensiya sa mga panahong paubos na ang aking ipon, nagpa-picture sa mascot sa McDonalds Pateros, binili ang “Kapitan Sino” at nakatanggap ng regalong “Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan”; naranasang lumakad kasama ng libu-libong mga bakla at tomboy noong Pride March sa Tomas Morato; naranasang ma-block ang SIM sa kaka-GM at magpalit ng SIM nang tatlong beses sa loob ng isang buwan; at ang pinakagusto ko sa lahat, ay maranasang wala ang yosi sa aking mga bisyo na aking napagtagumpayan at pinagpapasalamat.
Pasasalamat. Maraming salamat , unang-una, sa Diyos na lumikha sa akin dahil inabot ko pa ang 2010. Sa kabila ng mga di-magagandang bagay na aking nagawa at aking naranasan sa taong ito, naging patunay ang mga ito ng Kanyang presensiya bilang ating Panginoon, Tagapagligtas, Gabay, at Magulang – ang Siyang nagsasabi na kung walang problema, ay wala tayong matatanto at matututunan. Maraming salamat sa aking pamilya, na kahit nagiging problema sa amin ang pera ay hindi pa rin kami nabubuwag, di tulad ng ilang nasisira nang dahil sa mga materyal na pagkukulang. Maraming salamat sa mga nawalang bagay dahil kung hindi sila nawala ay hindi natin maaalala ang mga bagay na ating nakakalimutan minsan. Maraming salamat sa mga oportunidad na ibinigay dahil naipakita ko sa marami ang aking kakayahan bilang isang tao. Maraming salamat sa mga kaibigang nakilala, nakasama, patuloy na nagtitiwala at patuloy na nakakaugnayan hanggang sa kasalukuyan. Maraming salamat sa mga di-makakalimutang eksenang nagbigay sa akin ng kakaibang karanasan at kaalaman. Maraming salamat sa 2010 – utang na loob ko sa kanya ang lahat ng ito.
Habang sinusulat ko ang talang ito ay bisperas ng Pasko – hapon, makulimlim ang langit, nagmumukmok sa sulok ang alaga naming rabbit at aso, tulog ang nanay ko. Nandito ako sa sofa habang kaharap ang laptop at tinitipa ang mga salitang inyong nababasa na para bang nagdarasal. Kumikindat ang cursor. Nari-realize na cluttered na ang ideas ko. Napapangiti ako.
Isa lang ang ibig sabihin ng mga ito. Hindi natin alam kung kailan dumarating ang mga pangyayari sa ating buhay. Cluttered. Surprising. Pero magkagayunman, tayo’y magpasalamat sa mga biyayang kaloob ng magtatapos na taong ito at sa lahat na biyayang hatid ng magtatapos na dekada. May mga nabura man sa ating memorya, panatilihin pa rin natin ang mga alaala ng 2010 at tumanaw nang may positibong pananaw sa susunod na dekada ng ikalawang milenyo na sisimulan ng taong 2011.
#30# 2010. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Dekada sa inyong lahat.
December 24, 2010
Friday 3:45pm