Welcomeback Sa Beki World 2: Westpoint

Isang pagtatanto sa mga realidad ng buhay at pag-ibig na kaninang madaling araw ko lang naisambulat (maraming salamat kay Ahr Ehm, sa pulang kabayo at maning hubad.)

Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan ay muli akong nagbalik sa Westpoint, ang kalye sa Cubao na buhay na buhay tuwing Sabado ng gabi dahil sa mga nilalang ni Adan na may iba’t ibang karakter at pinagdaraanan. Nakadayo ako rito na ang laman ng wallet ay singkwenta pesos lang at pananabik na muling makita ang isang nakakatuwang kaibigan.

Hindi normal na pagkakataon ang pagpunta ko sa Westpoint kagabi. Habang bumibiyahe’y napakaraming alaala ang naglalabasan sa aking kukote na nagsisilbing tulay patungo sa party hub ng mga beki. Sa aking pagbabalik sa mundong nilisan ko noong Abril, nararapat sigurong masanay na muli ako sa mga eksenang madalas ko na namang makikita.

Hindi normal ang pagkakataong balikan ang Westpoint. Maraming bagay ang hindi na maaaring balikan. May mga kaibigan na akong tuluyan nang nagbago ang katauhan. At ako — sinusubukan ko na ring mabago ang tingin ng marami sa akin.

Sa pagbabalik ko sa Westpoint at sa pagkikita namin ng aking kaibigan, naisip kong ang pag-ibig, sa maraming pagkakataon, ay hindi nakakabuti sa pagbubuo ng pagkatao. Naging masama akong kaibigan para sa aking kaibigan dahil kahit may pinaninindigan siyang relasyon, ay gumawa ako ng paraan para maisip niyang hindi lahat ng pag-ibig ay tama, hindi lahat ng pagmamahal ay nababayaran nang sapat, hindi lahat ng pag-irog ay may katumbas na pagpapahalaga.

Bukod sa naging mistulang reunion ng ilang mga kaibigan ang gabing iyon, dito ko napagtanto na ang pagbabalik ko sa beki world ay hindi para maghanap akong muli ng taong tatanggap sa akin at susubukan akong mahalin. Hindi para maghanap ng kahulugan ng love na ipipilit ko sa sarili ko pero hindi naman tama. Ang pagbabalik kong ito ay isang pagsubok para sa akin – pagsubok para hanapin ang katotohanang ang mundo ng mga beki ay mundo ng saya, mundo ng maraming ideya, mundo ng libu-libong istoryang magbibigay sa akin ng inspirasyon para sa binubuo kong tatahaking landas.

Ang mga alaala ng aking nakaraan sa Westpoint ay naging tulay para mabuo ang bitter na si Lem, pero sa mga alaalang bubuuin ko sa aking pagbabalik, dinadalangin kong mas magiging mabuting beki si Artemis, ang taong unti-unting pumapatay sa EmoQueen, ang taong magtataguyod sa isang mas mabuting Lem na mas rerespetuhin ng mga kasama ko sa masaya ngunit masayang daigdig ng mga beki.

August 22, 2010 9:49pm
LemOrven