Ginawa ko ang panitikang ito (hindi ko alam kung matatawag ko itong sanaysay o mas maikling kuwento) noong 2006. Marahil ito ang gagawin ng mga taong binigo ng inakala niyang tunay na pagmamahal. Nawa’y magustuhan ninyo. Enjoy!
Punyal ng Luhang Nagmamahal
Ipinangako natin sa harap ng dambana na tayo’y magiging isa habambuhay. Pinabasbas natin sa Kanya ang sagisag ng ating walang hanggang pag-irog. Inihayag mo sa ngalan Niya ang iyong sumpa na ako’y iaandukha sa hirap at ligaya.
Hindi ko mawari, pero namuhay naman tayong puno ng pagmamahalan. Nagkaroon tayo ng sariling pugad at mga retasong ating huhubugin para sa hinaharap. Nagsalo tayo sa iisang kama, na dama ang katapatang sa ati’y napugal.
Ngunit bakit ganoon? Sadya bang may taning ang pag-ibig? Bakit nasaktan sa piling mo? Lahat ba ng iyong mga pangako’y nalimot mo na, o nililimot mong sadya? Lahat ba ng ating mga nabuong pangarap ba’y tunay, o talagang isang kalokohan? At ang iyong pagmamahal, talaga bang tadhana ang sumira, o ikaw ang pumutol sa kadena?
Heto ako ngayon, kaharap mo’t nananangis. Lumuluha nang malalim sa kalooban habang umiihip ang hangin sa damuhang iyong kinalalagakan. Bilang huling handog, narito ang mga rosas, simbulo ng tunay na pag-ibig na hindi mo pinahalagahan. Iiwan ko ito sa iyong hantungang tuluyan kong lilimutin. Kasama mong malilibing ang mga pangarap na huwad na ating inumpisahan. Kahit ganoon, inaamin kong minahal kita nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi ako nagsisisi na ang kamay kong may hawak na punyal ang tumapos sa kabuktutan mo. Paalam at manatili nawa ang iyong kaluluwa sa katahimikan.
Reposted from my Facebook Account, published July 31, 2010
LemOrven