Hindi Mo Kailangang Magtago Sa Sulok Ng Sariling Kaibuturan

Ang tulang ito ay aking ginawa noong 2007 sa gitna ng aking pag-aalala noon sa kahihinatnan ng aking naging relasyon. Enjoy!

Hindi Mo Kailangang Magtago Sa Sulok Ng Sariling Kaibuturan

Hindi mo kailangang magtago sa sulok ng sariling kaibuturan…

Dahil ba mali ka sa ibang hindi nakakaalam ng iyong pag-intindi?

Dahil ba taliwas ang pananaw mo sa ibang nagpapakatino?

Dahil ba malalim kang umibig na wala sa talasalitaan ng mga konserbatibo?

Dahil ba totoo at seryoso ang pag-irog na sa malinis kuno’y marumi?

.

Hindi mo kailangang magtago sa sulok ng sariling kaibuturan…

Tao ka ring may iniindang sarap ng buhay sa damdamin

Tao ka ring kayang iharap sa lahat ang minamahal at hindi lang sa salamin

Tao ka ring may karapatang ibulgar ang pagsintang dapat nilang alamin

Tao ka ring para sa kanya’y natutong magpaalipin

.

Hindi mo kailangang magtago sa sulok ng sariling kaibuturan…

‘Di ba’t walang taong kayang humadlang sa totong sigaw ng pagsinta?

‘Di ba’t walang masama sa nagmamahal nang tapat at tunay?

‘Di ba’t walang imoral sa pusong nais mamuhay sa pag-ibig na kakaiba?

‘Di ba’t walang salitang makapanglalait sa katauhan niyong taglay?

.

Hindi mo kailangang magtago sa sulok ng sariling kaibuturan…

Basta’t tinanggap mo siya’t minahal ka nang lubusan

Basta’t minahal ka niya nang walang kapalit at walang alinlangan

Basta’t hindi nakasira ng buhay at walang babaeng nasaktan

Basta’t kailanma’y hindi gagawa ng ibang bagay pang makasalanan

.

Hindi mo kailangang magtago sa sulok ng sariling kaibuturan…

Kahit kalahati ng mundo’y tumalikod sa inyo

Kahit mga normal na buhay ay inyong binago

Kahit iskandalo sa inyo’y handang manalasa

Kahit lalaki ka’t siya nama’y bakla

.

.

Oktubre 11, 2007 22:38

Tundo, Maynila, Pilipinas

LemOrven

2 thoughts on “Hindi Mo Kailangang Magtago Sa Sulok Ng Sariling Kaibuturan

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s