Huling Araw Bilang Tutubi Sa Gabi

Isang fiction gay story tungkol sa magsisimulang kabanata mula sa isang magtatapos na kabanata ng isang biktima ng lipunan. Enjoy!

HULING ARAW BILANG TUTUBI SA GABI

Sa wakas, ga-graduate na ako… at ito na ang huling araw na rarampa ako sa entabladong bumuhay at lumapastangan sa aking pagkatao sa nagdaang dalawang taon.

Suot ang pinakamamahaling mga damit at ang pabangong may pinaka-“pangmayamang” halimuyak, aking ipagdiriwang ang pagtatapos ng sandali sa aking buhay na ipinagdarasal kong mawalang parang libag kapag kinuskos ng sabon at tuwalya. Kung anuman ang aking kikitain sa natatanging gabing ito’y gagamitin kong puhunan sa paghahanap ng aking bagong kabanata pagkatapos kong makuha ang aking diploma. Desidido na ako… at hindi na mauulit ang gabing ito sa hinaharap…

Narito na ako sa tinuturing kong pinakababoy na tanghalan – ang hangganan ng mga binatang gipit sa pagpapatuloy sa kani-kanilang kinabukasan. Tumingin ako sa orasa’y ala-una na ng madaling araw, ngunit tila kakatwa dahil iilan lang ang tulad kong tutubing lilipad-lipad sa paligid ng Isetann. Tumambay ako sa ibabaw ng Quezon Boulevard Underpass, kung saan pinapanood ko ang mga sasakyang pumapailalim sa lagusang patungo sa direksyon ng Dapitan at España. Ang senaryong ito ay sining sa aking paningin, datapwa’t ayoko nang matanaw itong muli mula sa kinalalagyan kong espasyo. Dalawang minuto pa lang ang lumilipas, habang tumutunghay ng huling sulyap sa tanawing ito, ay naramdaman kong dumating na ang pinakahuling taong aking ‘pasasayahin’ sa paraisong ito…

Excuse me, anong oras na?”

“Ha? Uhm… 1:05 na.”

“Ah… salamat. I’m Tim… uhm. Ikaw?”

Hindi naman umaambon pero buong yabang niyang suot sa ulo ang hook ng kanyang jacket na halos wala nang makita sa kanyang pagmumukha. Hindi naman maaraw, pero tila kumportable siyang magsuot ng shades. Mukhang misteryoso. Tila pamilyar ang kanyang tinig, medyo malaki nga lang ang boses nito.

“Jet.”

“Ah… eh… ano namang ginagawa mo rito?”

“Ginagawa ko? Kung anong ginagawa ng ibang nandito sa Recto ‘pag ganitong oras. Eh ikaw?”

“Ha? Ako?…”

“Sino pa bang kausap ko dito? Hangin?”

“Uhm sorry. Uhm wala naman. Hmmm… magtatanggal lang ng sama ng loob.”

“Makakatulong ba ako d’yan?”

“Hmm… siguro. Uhmm… magkano ba?”

“Huling araw ko na ‘to. Ga-graduate na ako ng college e. Name your price, dude.

“Talaga? Uhmmm sige… sabi mo eh… e… 5,000 pesos? Pwede na ba?”

Nakakabigla. Hindi ko alam kung hindi lang talaga marunong sa mga ganitong transaksyon ang kausap ko, o masyado lang talaga siyang galante? Hindi na ako magrereklamo, OK na yun kahit mukha talaga siyang wirdo. Hindi na ako tumanggi, at sa huling pagkakataon ay gagawin kong muli ang dating gawi. Hindi kami sabay sa paglalakad papunta sa pinakamalapit na SOGO para hindi halatang kostumer ko siya, at ako ang kanyang magiging ligaya.

Nanatili akong nasa likod mula nang pumasok kami sa building ng SOGO hanggang sa makarating kami sa harapan ng gagamitin naming kwarto. Room 412. Binuksan niya ang pinto, binuksan ang ilaw, at nauna siyang pumasok doon. Dahil sa ako naman ang huling pumasok ay ako na rin ang nagsara ng pinto. Nang mapindot ko na ang lock ng doorknob ay biglang bumigat ang aking pakiramdam – napakahigpit ng kanyang yakap at nakasubsob ang kanyang mukha sa aking kanang balikat, tila sumisinghot pa’t parang naiiyak.

Sorry. Eto lang ang alam kong paraan para malaman mong nahuhulog na ako sa’yo.”

Nagulat ako sa kanyang narinig. Bumitiw siya sa akin at tuluyan nang tinanggal ang hook at shades… at mas lalo pa akong nabigla sa aking nakita –

“Timothy?!?”
– si Timothy, ang aking kaklaseng laging inaapi dahil wirdo, mas gustong laging mag-isa. Iilan lang ang nagiging kaibigan niya dahil iilan lang ang nakakaintindi sa kanya – at isa na ako sa mga iyon. Bagamat hindi kami sobrang malapit sa isa’t isa, lagi kong sinisiguro na hindi nila inaasar si Timothy dahil nag-aalala din ako nung minsang nagkasakit siya dahil sa depression. Ilang beses ko ring piniling makipagpareha sa kanya sa mga project namin dahil may mga pagkakataong siya na lang sa lahat ang walang team-up. Nung tumuntong kami ng third year ay naging madalang ang aming pagkikita dahil nag-iba na ang kanyang block. Para sa akin ay naging mabuti yun para hindi na siya apihin ng mga gago kong kaklase. Gayunpaman, masasayang bati at kumustahan ang ginagawa namin kapag nagkikita kami minsan ‘pag lunch o kahit magkasalubong lang sa corridor. At aaminin ko, sa tuwing nasisilayan ko ang kanyang sigla sa tuwing magtatagpo ang aming landas, ay hindi ko mapigilang matuwa – parang excited na masilayang masaya siya kahit hindi ko siya laging nakikita at napoprotektahan. Pero matagal kaming hindi nagkita nitong nakaraang semester dahil naging busy ang lahat sa paggawa ng thesis – at kinarir ko na rin ang pagiging tutubi para makaraos hanggang sa huling taon ko bilang estudyante.

“Teka teka… hindi ko maintindihan… alam mo kung ano ang trabaho ko?”

“Hindi ko naman sinasadyang malaman, Jethro. I’m sorry…

Muli, siya’y yumakap nang mahigpit na tila walang bukas, tila ayaw niya akong pakawalan. Bumilis ang tibok ng aking puso ngunit walang maibigay na dahilan ang aking utak.

“… pero wala akong pakialam kung ito man ang bumubuhay sa’yo, Jethro, dahil wala ka ring naging pakialam kung anong sabihin ng mga classmates natin kapag tinutulungan at dinadamayan mo ako. Ga-graduate ako at ang dahilan nito ay ikaw. Naniwala ka na malakas ako at pinalakas mo ang loob ko para maging tunay na matatag at hindi maging api. Jethro, hindi na ang Timothy na lampa’t wirdo ang makikita mo pag-akyat natin sa graduation stage… at dahil ‘yun sa’yo.”

Muli akong nagulat sa kanyang mga sinabi, at ako’y kanyang napangiti. Tulad niya, ay unti-unti kong nilibot ang aking mga braso sa kanyang baywang at niyakap ko siya nang tulad ng pagkakayakap niya sa akin.

“Ginulat mo ako. Hindi ko akalaing… ako pala ang dahilan… at oo, sa palagay ko’y nagbago ka na… at masaya ako para sa’yo.”

Parang huminto ang lahat nung mga oras na iyon. Ang mga yakap at mga salitang nagmula kay Timothy ang nagbigay sa akin ng mga dahilan para maalala ang aking huling araw bilang isang tutubi sa gabi. Walang nangyari sa amin ni Timothy, bukod sa buong magdamag kaming magkayakap habang natutulog sa kama ng Room 412.

Sa wakas, ga-graduate na ako… at si Timothy. Sa araw ding iyon ay nagbukas ang bagong kabanata ng aking buhay – ng AMING buhay. Lagi niyang pasasalamat na binago ko nang sobra ang buhay niya, pero ngayon, ako naman ang magsasabi ng parehas na mga kataga. Binago niya ang buhay ko, at pinatibok niya nang sobra ang aking puso. Siya ang pinakamalapit kong pinagkukunan ng inspirasyon para isulat ang mga script ng indie film para sa pinasukan kong maliit na production house. At siya – siya lang naman ang direktor ko.

Tuluyan nang nakahanap ang tutubi ng kanyang permanenteng panirahan – at hindi na ito sa madilim na lansangan ng Recto, o sa madidilaw na ilaw na nagbibigay-liwanag sa paligid ng Isetann, o mapuputlang ilaw sa loob ng mga motel. Nami-miss ko man ang Quezon Boulevard Underpass sa gabi na sining sa aking paningin, ay hindi muna ito ang mahalaga. Binigay sa akin ni Timothy ang mga dahilan para makita ang liwanag at magawa ang sariling sining na kaya ko palang magawa.

July 13, 2010 3:45pm Tondo, Manila

LemOrven

5 thoughts on “Huling Araw Bilang Tutubi Sa Gabi

  1. John ay nagsasabing:

    oo mga holdaper na lahat ng callboy dyan sa ISETANN RECTO. Lalo yung medyo matatanda ng tignan ay mga naka-short pants. Iwasan din ang mga pangalan ay MICHAEL.

  2. Anonymous ay nagsasabing:

    Wag din kunin ang may pangalan na CJ Dy, maraming kasama yan na iha-harassh kayo mga tatlo at pang-apat siya. Bata ito at may tattoo sa dibdib. Singkitin ang mata at payat ito na medyo moreno. Ingat kayo sa kanya…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s