Ang First Kiss Ko Ay Sa Lalaki…

Magandang araw. Ang kuwentong inyong mababasa ay nailathala ko na sa website ng isang Metro Manila bimale clan noong ika-22 ng Mayo 2009, na may orihinal na pamagat na “First Kiss Ni Bestfriend”. Isa itong wholesome na fictional gay story, kaya sana’y ma-enjoy ninyo. Salamat! ü

ANG FIRST KISS KO AY SA LALAKI…

May mga ilan sa atin, noong paumpisa pa lang sa pagdadalaga at pagbibinata, ang napapaisip kung sino ang ating magiging “first kiss”. Hindi maitatanggi ng iba riyan na ang gusto nating matanggap na unang halik ay mula sa lalaki o babaeng ating mamahalin at makakasama habambuhay. Minsan pa nga, sa mga oras na may naiiwan pang pagka-“isip-bata” pa sa atin, may mga pagkakataong ‘pag nahalikan tayo ng mga crush natin dahil sa pamimilit ng ating mga kalaro o kaklase, ay nagsisimula tayong mamula, kunwari’y maiinis sa una, at minsan pa nga’y maiiyak dahil sa kahihiyan. Ang unang halik ay isang importanteng alaalang naiiwan sa ating alaala, lalo pa’t ibinigay iyon ng isang taong hindi rin natin makakalimutan kailanman. Pero kung ikaw ay binatang kakabukas pa lang ang isipan sa tunay na kahulugan at kapusukan ng pagmamahal sa mundong iyong ginagalawan, anong mararamdaman mo kung ang unang halik mo ay sa galing sa kapwa mo lalaki?

Natandaan ko bigla si Paul, ang isa sa mga naging pinakamatalik kong kaibigan. Magkakilala na kami noong elementary pa lang, pero naging mas malapit kami nung pumasok kami sa parehas na eskuwela sa high school. Sa lahat ng bagay, mula pagpasok at pag-uwi; paglalaro ng monopoly sa bahay ng isang kaklase pagkatapos gawin ang group projects; paglalaro ng card game na ‘ungguy-ungguyan’ sa likod ng classroom habang vacant time ( at kahit bawal magdala ng mga gamit-pansugal sa eskuwela); at sa paglalaro sa arcade at pagbi-videoke sa Tutuban pagkatapos ng oras ng klase ay hindi kami mapaghiwalay. Kahit tadhana ata’y ayaw kaming paghiwalayin dahil parehas pa kami ng section noong first year hanggang third year high school. Kahit noong napasali kami sa isang set of friends, kami pa rin ni Paul ang tagteam pagdating sa mga pairing kapag may activity. May girlfriend si Paul at kaibigan ko rin, si Christie, pero hindi tulad sa ibang magkasintahan, hindi sila laging magkasama dahil may sariling mga barkada si Christie at nasa barkadahan naman namin si Paul. Kung magkita sila’y napakamadalang dahil hindi alam ng mga magulang ni Christie na ‘sila na’ ng bestfriend ko.

Walang naging problema sa pagkakaibigan naming dalawa ang pagiging bakla ko. Siya pa nga yung madalas na mangharot sa akin ‘pag alam niyang may nagugustuhan akong lalaki sa ibang klase. Marami akong naging crush noon, pero mukhang sa dami nun, hindi ko naisama sa aking listahan si Paul. May itsura naman siya, matangkad, payat, thoughtful, makulit, at matalino, pero ang hindi ko ugali ay ang magkagusto sa isang matalik na kaibigan – hanggang dumating na nga ang araw na sa tingin ko’y una kong naging pagkakamali bilang isang kaibigan.

2003, isang buwan pagkatapos kong ipaalam sa kanya na meron na akong kauna-unahan kong karelasyong lalaki, (maituturing kong childhood friend dahil siya ay apu-apuhan ng Tsinoy na amo ng tatay ko) pumunta ako kina Paul para kunin ang Social Studies notebook ko na kinopya niya para sa ibang lessons namin. Malapit na kasing mag-Christmas vacation noon at pinaalalahanan kami ng aming teacher na mag-aral dahil magpapa-exam siya sa unang linggo ng pagbabalik ng pasukan sa bagong taon. Siya lang mag-isa sa kanilang bahay nung araw na yon. Pumunta ang nanay at mga kapatid niya sa kamag-anak na maysakit, pero pinili niyang maiwan dahil hindi pa siya tapos kumopya. Pinapasok niya ako sa kanyang kuwarto, kung saan umaalulong ang mga kanta ng boyband na A1. Malinis at maayos sa mga gamit at hindi gulu-gulo ang kanyang kama. Inalok niya ako ng maiinom at siyempre, tinanggap ko agad. (dahil ang inalok niya sa akin ay ang paborito naming pinalamig na chocolate powdered drink) Pinaupo niya ako sa kama, at siya nama’y dumapa roon para ituloy ang pangongopya. Tumagal ng 30 minuto ang kanyang pagsusulat ng mga huling parte ng lessons, habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Pumapangit na kasi ang kanyang sulat dahil sa pagmamadali.

Isang pahina na lang, tuluy-tuloy siyang nagsusulat, at ako nama’y nasa tabi lang niya at abala sa pagbabasa ng songbook. Sa gitna ng aking paghuni sa mga kantang aking nababasa’y bigla siyang nagtanong sa akin ng isang tanong na medyo ikinagulat ko.

“James! Kumusta na kayo ng boyfriend mo?”

Mula nang sinabi ko sa kanya na may kasintahan ako’y hindi naman siya naging interesado sa bagay na iyon. Pinagtawanan niya nga lang yun nung nalaman niya eh. Pero nakakabigla lang dahil yun ang unang beses na tinanong niya ang tungkol sa aking boyfriend.

“OK lang kami. Busy din siya sa pag-aaral,” sabi ko, sabay inom ng paborito naming inumin.

“Ah… Nagde-date kayo?”

“Oo naman. Kaya lang, minsan lang kami lumabas. Dahil nga lagi tayong magkasama at sobrang dami ng projects at assignments na ginagawa natin, di ba?”

“Ah…. dapat lagi pa rin kayong nagde-date. Baka isipin nun, ako na ang boyfriend mo at hindi na siya.

Nagulat naman ako sa sinabi niya, na halos ikabuga ko ng iniinom ko. Natawa naman din ako dahil hindi ko akalaing masasabi niya yon.

“Ewan!” natatawa kong sabi sa kanya habang siya, patuloy pa ring nagsusulat. “Alam naman niya na bestfriend kita at wala naman tayong ginagawang masama noh!”

Natapos na ang kahuli-hulihang pahinang kanyang sinusulat. Tumayo siya sa kama at inilagay ang notebook niya at notebook ko sa kanyang study table. Ako nama’y nakatingin lang sa kanya at patuloy na natatawa sa mga binanggit niya. Sa pagtingin niya’y hindi ko akalaing bigla niya akong sinugod at kiniliti nang sobra sa leeg (alam niyang yun ang kahinaan ko). Napasigaw ako sa kakatawa dahil sa ginagawa niya, at bilang ganti, ay dinaganan ko siya at ni-wrestling. Tumagal nang halos ilang minuto ang harutang iyon. Hindi siya marunong mapagod na para bang kiti-kiti sa sobrang likot. Nahirapan na akong pumalag at bumagsak sa kama, napaimbabaw siya sa akin, dinaganan ako, at binulungan.

“Panalo ako…” pabulong niyang sinabi sa harap ng mukha ko, konting distansiya mula sa mukha niya. Pang-asar sana para sa kanya ang susunod na eksena, kaya lang, gumalaw siya sa ganun ding paraan na gagawin ko. Uuntugin ko sana ang ulo niya gamit ang noo ko, pero lumapit pa pala nang bahagya ang mukha niya para lingkisin ako. Sa hindi sinasadya, naglapat ang aming mga labi nang halos sampung segundo. Bakit ba kami natulala noon? Hindi ko alam. Pero napapikit ako nun, pero bigla ring dumilat at iniwas ang dapat iiwas. Nakatingin lang siya sa akin sa loob ng halos isang minuto, nanatili sa ibabaw ko. Saktong natapos ang mga kanta sa CD player, at makalipas ng limang segundo, pabiro ko siyang sinampal at natawa.

“Hahaha! Tabi ka nga dyan, payatot!” natatawa kong sabi ko kay Paul, saka tinaboy para tumayo at palitan ang CD (ginawa ko yun para maiba ang usapan). Nakita ko sa gilid ng aking mga mata si Paul na napangiti at nakakatanga kasi namula ako.

First kiss ko yun, loko ka! Haha!” Bigla siyang tumayo sa kama, humakbang nang padabog papunta sa kinalalagyan ko at niyakap ako nang mahigpit mula sa likod ko. Nawindang ako sa ginawa niya. Hindi ko maipasok ang CD ni Regine Velasquez sa player. Di ko na alam ang gagawin ko habang nakatayo ako at nakayakap si Paul sa akin.

“Ganun ba yun? Haha! At least bestfriend mo ang first kiss mo! Haha!” natatawang tugon ko sa sinabi niya. Pinilit kong gawing katawa-tawa ang nangyari kanina lang, napahalakhak naman kaming parehas, pero hindi natanggal ang isang mahigpit na yakap mula sa kanya. “Imposibleng first kiss mo yun. Dahil nag-kiss na kayo ni Christie di ba? Haha!”

“Hindi ko pa siya nahahalikan. Ayaw niyang magpahalik eh. Parang di niya ko mahal.”

Naging seryoso ang tono ng kaibigan ko. Nakakagulat namang marinig mula sa kanya na ang babaeng niligawan niya ng halos isang taon, ay hindi pa rin naibibigay ang pagmamahal na kailangan niya. Ayoko ng malungkot, alam niya yun, kaya humalakhak ako nang bongga, tinanggal ang kanyang pagkakayakap, at ako naman ang yumakap nang mahigpit sa kanya.

“Alam mo, mahal ka nun! Malay mo, humahanap lang ng magandang chance para ipakita pa nang sobra yung love niya sa’yo,” mga salitang binigkas ko para mapakalma si Paul.

“James, di ba, ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Hindi ako nakapagsalita, dahil wala naman talaga akong maisagot.

“Pero dahil ba ikaw ang first kiss ko, ikaw na ang mahal ko?”

Nakakagulat di ba?

Hindi ako nagmamaganda. Hindi ako cute na bakla para pagsabihan ng mga ganung bagay ng isang lalaki. Pero sa lahat pa ng lalaking puwedeng magsabi sa akin ng ganoon, si Paul pa. Tinawanan ko lang siya, tinanggap sa utak bilang isang birong parte ng aming harutan. Alam kong pinilit na lang din niyang tumawa para maibsan ang kung anumang emosyon ang meron sa paligid sa mga oras na iyon.

Sa pagtatapos ng eksenang iyon, masaya naman akong hindi nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan namin ni Paul. Naghiwalay sila ni Christie dahil pumunta ng Amerika ang babae para doon na mag-aral. Parehas din kami ng pinasukang kolehiyo ni Paul, pero magkaibang kurso na. Napakamadalang naming magkita. Konting “hi kumusta” ‘pag nagkakasalubong sa corridor, hindi na tulad ng dati na sabay kaming nagmamadali sa pagpasok dahil late na kami. Sa ngayon, wala na kaming kontak ni Paul, pero ang huli kong balita, sa bangko na siya nagtatrabaho ngayon.

“… ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Sa kanya ko nakuha ang konsepto ng first kiss. Hindi ko alam kung dapat akong ma-proud dahil sa akin galing ang kanyang unang halik. Oo, ang first kiss ko ay sa first boyfriend ko, pero siya, ang first kiss niya ay sa kapwa lalaki. Hindi man ako ang mahal niya, ang laging nasa isip ko, at alam kong alam niya, na isa siya sa mga pinakamahahalagang tao sa buhay ko, at maituturing kong isa sa mga taong pinakamamahal ko sa panghabambuhay.

May 22, 2009 10:47pm / Manila, Philippines

LemOrven

8 thoughts on “Ang First Kiss Ko Ay Sa Lalaki…

  1. otep ay nagsasabing:

    akala ko father’s day special mo ‘to dito sa blog mo..

    akala ko ang unang lalaking humalik sayo o nahalikan mo ay yung tatay mo. amp.

    totoo pala yung titulo mo.. pero ayos lang yun.. malaya ka namang sabihin lang ng gusto mo dito sa blog mo..

    welcome pala sa WP.

    • aurorametropolis ay nagsasabing:

      OTEP:

      natawa ako sa first part ng comment mo. salamat din sa pagpapaalala. sana makahabol ako ng isang tula or article para sa father’s day. im not a papa’s boy kasi eh. LoL

      at salamat sa pag-welcome sa akin sa WP. sana mabasa mo pa ang mga future article ko. xoxo! =)

  2. david ilustre po ay nagsasabing:

    ganda naman po ng mga sulat nio gusto ko rin po sanang magsulat… nanalo rin po ako sa pagsulat ng mga sanaysay sa paaralan bongga kci ung mga sulat nio its all about experience of a homosexual matagal na rin po kc naghhanap ng mga sulatin about gays…..

  3. jay-ar ay nagsasabing:

    wow nice nman ngyri s inyo..
    aq nga din. im str8 pero ang first kis ko din ay s kapwa ko lalake din.. nung nginuman kme.. trip lng kumbaga pero nauwi s libog.. want ko din mg blog ng kwento ko pero tntmad aq hehe.. kea certified reader nlng aq

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s